Strangebrew ng Bayan
nina Papu Abjelina at Robert Santiago

Kilala mo ba si Tado at si Erning? Natatawa ka ba sa katagang: “Sa lamig dito sa Baguio at sa ganda ng mga tanawin dito, anong gusto mong baguhin sa ugali ng tatay mo?” Napapangiti ka ba ng Volkswagen Beetle? Nagkakaroon ka ba ng paggalang sa mga toll booth teller? Ang sagot mo ba sa mga tanong na ito ay oo? Malamang isa ka sa mga alipores ng Strangebrew.

Marami ang nalungkot kamakailan sa pagkawala ng nasabing palabas sa ere. Marami ang naunsyami sa pangyayari. Nagdagsaan ang Pinoy Exchange ng sari-saring tsismis at komento mula sa mga manonood. Isa ka ba sa kanila?

Magbalik-tanaw tayo. Ano nga ba ang Strangebrew? Bakit ito sumikat? Ano ang maidudulot nito sa ekonomiya ng Pilipinas? Natuto na ba silang umibig? Maihahanda pa bang muli ni Erning ang auto?

Strangebrew: Kakaibang Timpla ng Pagpapatawa

Kinatatampukan ang Strangebrew ng mga pangyayari sa buhay ni Tado at ni Erning, isang propesyonal na tambay at isang drayber. Naglilibot sila sa lahat ng sulok ng Pilipinas at kinakapanayam ang iba’t ibang mukha ni Juan dela Cruz. Noong unang inatasan si RA Rivera na maging direktor ng nasabing palabas, ibang-iba ang konsepto ng palabas na ito noon sa kung ano ang napapanood natin ngayon.

“Noong una, ang concept ng Strangebrew na binigay sa akin ay dapat alternative lifestyle show. Tipong may nakaupo sa sofa tapos may mga reporter sa Malate,” ani Rivera. “Binago ko talaga ‘yung concept, kasi karaniwan na ‘yung nasabi. Ang natira lang doon ‘yung title.” Siguradong malaki ang pasasalamat ng maraming tao sa pagbabagong ginawa ng direktor.

Ano ba ang pangunahing layunin ng palabas? Bukod siguro sa hayagang rason na mapatawa ang mga manonood, gustong maipakita nito ang kakaiba sa mga ordinaryong bagay- the unusual in the usual.

“Gusto ko ring magbigay sana ng trivia, useless man o hindi. Kasi sa pagpapakita ng kakaiba sa mga bagay na ordinaryo, marami kang matututunan,” dagdag pa ni Rivera. “Walang script. Basta kung ano ang maisip kong magandang topic, doon na magsisimula ang lahat. Enjoy na ang lahat. Magaling kasing tumayming si Tado at Erning. Mahusay ang pick-up.”

Kaya naman isa o dalawang araw lamang kinukuha ang isang episode. Tatlo hanggang limang araw naman ang post-production. Mahigit-kumulang na siyam katao ang kailangan. Kahit na pansin ang paspasang paggawa ng palabas ay hindi pa rin kumukupas ang kalidad ng katatawanang naidudulot nito sa atin.

Noong una ang target audience talaga ng Strangebrew ay ang mga tagapakinig ng NU 107. “Target talaga ‘yung mga taong tulad ko, malakas ang trip,” ani ni RA.

Si Tado at Erning: The Unlikely Couple

Si Tado (Arvin Jimenez) ay isang tambay (professional bum) at si Erning (Angel Rivero) naman ang kanyang drayber. Hindi nag-iiba ang kasuotan nila sa bawat kabanata. Si Tado ay palaging nakaputing t-shirt na kulay ube ang manggas sa ilalim ng itim na amerikana, maong na pantalon, at malaking salaming makapal ang frame. Nakasuot naman si Erning ng dilaw na t-shirt, lumang lower fatigues noong ROTC, at Mao cap (luntiang beret na may pulang tala sa gitna).

Nakatira sila sa bandang Tandang Sora, sa isang bahay na animo’y isang dirty kitchen. Mayroon silang auto, isang lumang Volkswagen Beetle, na ginagamit nila sa kanilang paglilibot. Mahilig si Tado sa Yakult at pareho naman nilang paborito ang buko pie. Marunong mag-Chabakano at Ingles si Erning. Si Tado kung minsan ay nagsasalita naman ng baku-bakong Ingles.

Nang mag-isip si RA ng karakter na tatampok sa palabas, naisip niya kaagad si Tado. “Kilala ko na yan sa UP pa. Nagkakilala kami sa Mowelfund. Naisip ko siya at isa pang independent filmmaker na balak ko sanang isama sa palabas.” Nang hindi natuloy ang unang naisip na tandem, pumasok na si Erning sa eksena. “Naisip-isip kong nakakatawa ang tandem nila. Isang bum at isang drayber na maganda. Ayos ‘di ba?”

Nang maitanong kay Tado minsan kung may tsansang may mabuong relasyon sa dalawa, ang hirit ng ating bida: “Hindi ako pumapatol sa drayber eh.”

Ang Pag-arangkada ng Auto sa Lansangan ni Juan

Nagsisimula ang bawat episode sa haybol ng dalawa. Bago bitiwan ni Tado ang katagang “Erning, ihanda mo ang auto…”, karaniwang mayroong mangyayari para pasimulan ang istorya. Gaya na lamang noong isang episode, nanakaw ang kanilang betamax player. Naisipan nilang manawagan sa radyo upang mahanap ang betamax. Mula rito sumibol ang kanilang panayam sa mga nagtratrabaho sa radyo.

Samu’t saring ordinaryong mamamayan ang nakakapanayam ng mag-partner, at samu’t saring sagot rin ang nakukuha nila.

Tanong sa toll booth teller: “Ano ang naitutulong ng mga toll booth sa ekonomiya ng Pilipinas?”

Sa nagtitinda ng inihaw na “adidas”: “Manong, pa’no ninyo nalalaman kung kanan o kaliwa ang niluluto niyong paa ng manok?”

Sa weather forecaster: “Bakit meteorology, wala namang meteor.”

Sa nagtatanim ng strawberry sa Baguio: “Manong, spell strawberry.”

At sa tubero at sa kung sinu-sino pa: “Manong, sa tagal mo nang naging tubero, umibig na ba kayo?”

Akmang maikakategorya ang ang mga nakakadaupang-palad ng dalawa bilang mga tagong lipunan na patuloy na umiiral sa gitna ng sistemang malaki lamang ang respeto sa mga taong nagtratrabaho sa mga de-erkon na opisina. Samantala, lansangan naman ang opisina ng mga nakakapanayam ng dalawa, ang siyang lipunang ating ginagalawan. Sila ang mga karaniwang Juan na araw-araw kumakayod maisalba lamang ang kani-kanilang pamilya sa lupit ng pamumuhay sa panahong ito. Inter-aktibong sumusulyap ang dalawasa kanilang mundo at inihahatid ito sa mga manonood. Naninilip tayo at nakikiusyoso sa mga isyung ginagalawan nila.

Mas lalo’t higit natin itong maiintindihan sa mismong salita ng direktor ukol sa misyon ng programa: “Magtanong at makakuha ng sagot.”

Pumapatok sa Bawat Pagputok ng Hirit

Masasabing sikat ang Strangebrew dahil sa masigasig nitong paglisya sa kumbensyunal. Sadyang kakaiba ang konsepto ng palabas sa kung ano ang ating masasaksihan sa telebisyon ngayon. Hindi maaaring ilagay ang palabas na ito sa anumang kategorya. Hindi ito teleseryeng lagi kang bibitinin sa huli. Hindi ito gag show na tulad ng Bubble Gang. Hindi ito sitcom na nagpupumilit na pantayan ang mga gawang-Amerikano. Nakalikha ng sariling genre ang palabas. Eksperimental at kaswal ang pag-atake para maihayag ang siste.

Kaya naman marami ang magpapatunay na nakamamangha ang kakayahan ng palabas na magpatawa. “Kapag nanonood ka ng Strangebrew, makakalimutan mo ang lahat ng iyong problema. Tawa ka lang nang tawa. Masaya ka pagkatapos,” ani ni JR, isang masugid na manonood. Hindi magkamayaw ang papuring natatanggap ng palabas lalo na sa internet. Mayroong nakababasag ng salamin sa sobrang kakatawa. Mayroong napapagalitan sa lakas ng halakhak. Mayroon ding naiimpluwensyahan ng ibang manonood para tangkilikin ang nasabing programa. “Iyan talaga ‘yung epekto ng Strangebrew. Mapapaligaya ka talaga ni Tado at Erning,” ayon kay Sanya, isa pang manonood. Sina JR at Sanya, mga tunay na panatiko, ay naisipan pang gumawa ng website para sa mga manonood, ang www.strangbrewwebsite.cjb.net.

Ikinagulat ni RA ang pangyayaring ito. “Hindi ko talaga lubos maisip na magiging ganito. Natutuwa ako kapag may nagsasabing pati mga lolo, lola, tito at tita nila ay nanonood ng Strangebrew. Pati pala iba napapatawa namin.”

Bakit Tayo Natatawa?

Sinasabing ang katatawanan sa programa ay umuugat mula sa dalawang bagay: mga bagay na iba sa atin; at ang mga taong nasa ibabang posisyon mula sa ating kinalalagyan sa lipunan. Litaw na litaw naman ang presensya ng dalawang elemento sa palabas.

Una, pangkaraniwang tao o bagay man ang naipapakita, ipriniprisinta ang mga ito na kakaiba sa kung ano ang ating inaasahan. Isipin na lang natin kung bakit biglang nakakatawa ang Yakult? Bakit bigla kang napapatigil kapag nakakita ka ng buko pie? Masyadong kumapit sa ating sensibilidad ang karanasan ng ating mga bida sa naturang mga bagay kaya atin itong nayayakap bilang atin. Nagiging karanasan din natin ang karanasan nila. Hanggang saan nagwawakas ang relasyong ito?

Maaaring sa unang tingin ay hindi natin ito napapansin (o sadyang pilit natin itong hindi papansinin) ngunit ang tipikal na manonood ng programa ay ang nabibilang sa mas mataas na antas sa lipunan kumpara sa mga kinapapanayam nila Tado. UHF ang palabas kaya malamang ang nakapapanood nito ay galing sa may-kayang uri. Kailangan kasing maganda-ganda ang telebisyon mo para makanood ka ng nasabing programa. Kaya karamihan na iyong may cable lamang ang nakakapanood nito.

Pumatok ang palabas sa audience, na kinatatampukang higit ng mga kabataan, na natutuwa (o natatawa) sa isang realidad sa lipunan: sa mga tindero’t tindera ng barbecue sa kanto o kaya ng malalako ng shades sa Baguio; toll booth attendant; mekaniko; barbero; magsasaka; bumbero; at iba pang personalidad na sumasalamin sa pagka-aba ng Pilipino.

Ang pagtatanong at mga simpleng hirit ba ni Tado ay higit na nakakatawa dahil iniukol sila sa ganitong tipo ng tao sa ating lipunan? Tumatawa ba tayo dahil nakikita natin mula sa itaas ang kanilang pagkalito’t rasyonalisayon sa mga isyung para sa atin ay walang kwenta? Pang-trip lang. Sana tayo ay tumatawa hindi dahil napapaigting natin ang ating kataasan ngunit sa halip ay nauungkat pa nga natin ang kanilang kababaan. Nakikilahok tayo sa pamamagitan ng pagtawa para mapalutang ang lubog na komunidad ni Juan.

Sabi pa ng direktor ng palabas, “Ang lahat ng bagay interesting, lahat ng bagay nakakatuwa. Nasa iyo na iyon kung paano mo gagawin ‘yon.” Isang repleksyon ng ating mundo ang Strangebrew. Oo, napatawa na nila tayo, ngunit sa likod ng pang-aaliw na ito ay isang pagtanaw sa kapwa nating mamamayan na bumubuo sa lipunan. Naipakita ang elemento ng pagkakaiba “nila” sa “atin” ngunit sa pamamagitan ng pagpapatawa ay nagiging isang hulma ang dalawang panig. Nasangkapan ng isang takal ng kaligayahan ang dalawa na siyang nagpatibay ng pagiging “tayo.”

Nagpaparamdam ang mga ordinaryong Juan at Juana, hindi lang sila para pagtawanan.

Makikita Pa Bang Muli ang Auto?

Kakulangan ng sponsor ang dahilan kaya natigil ang pagsasa-ere ng programa. “Dalawang season na ang Strangebrew at wala pa ring sponsor…Wala pa ring kinikita ang UnTV sa palabas.” Kabado pati ang mga potensyal na sponsor. Masyadong ‘wirdokis’ ang palabas para sa nakagisnang panlasa, kung saan laging patok ang mga istoryang romansa’t iyakan. Malayong masakyan ito ng karamihan, kahit may ilan na ang tumatangkilik. Masyadong limitado ang manonood.

Makikita pa ba nating muli si Tado, si Erning, at ang auto? Sabi ni direk, “Hindi pa sigurado, pero may tsansa. Usap-usapin pa rin ang tungkol sa pag-resume ng show. Malay natin. Sana nga.”

Naku, kapag nagkataon marami ang magsasabing “TAMA!”

(Kamakailan lang, bumalik muli sa airwaves ang palabas -ang patnugot).