Malayang Diskarte: Op Pokemons, Komersiyals, en Aliens
ni Tinalupang Tupa

Sa kanyang pagsusumikap malabanan ang katiwalian at krimen sa bansa, napagpasiyahan ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo (a.k.a. “The First Pokemon President” dahil mukha siyang Pikachu) na mas lalong patibayin ang kanyang imahen bilang crime-buster.

Exhibit # 1: Ang kanyang photo ops na padalas na rin nang padalas (at sa bawat ulit ay mas lalong nakaririndi). Madalas siyang makikita sa front page ng mga diyaryo na may kasamang mga kasangkot o kung hindi ma’y mga akusado sa mga krimen at mga matataas na kawani ng pulisya. Kung minsan, hindi madaling makita kung sino ang akusado at kung sino ang pulis. Pare-pareho kasi ang mga hitsura nila. ‘Yun nga lang, naka-uniporme ang ilan at naka-civilian naman ang iba. Ang ganda ng dating: parang family picture. At bunso si Gloria, ang ina ng bayan kuno.

Exhibit # 2: Hindi naiiba sa photo ops ang pabalat ng bagong-labas na Philippine Tatler na may litrato ni Gloria kasama ang apat sa kanyang mga kalihim sa Gabinete (a.k.a. sidekick). Nagmistulang Men In Black ang mga loko. Kulang na lang ang mga alien na sumasaya-sayaw sa indayog ng theme song ng nasabing pelikula. Sayang. Ang dami pa namang maaaring mag-pose bilang alien sa kanyang gobyerno.

Quote of the Week: “Kailangan ko ang tulong niyo.”

***

Ngunit hindi maikakailang nais rin ni Gloria na makilala bilang Ina ng Bayan (does the name Im***a Ma***s ring a bell?). Patunay nito ang mga naglipanang komersiyal sa telebisyon. Balita nami’y kinuntrata niya ang isang matinik na advertising agency para sa kanyang kampanya.

Komersiyal # 1: Uuwi ang isang manggagawa sa kanyang barong-barong. Matutuklasan niyang may bago na silang bentilador. Sasabihin sa kanya ng asawa niya na biglang bumaba ang singil sa kuryente, salamat sa ginagawang hakbang ni Mommy Gloria sa pagbabawas ng PPA. Sa tinipid nila, nakabili si Misis ng bagong bentilador. Bigla na lamang tayo bubulabugin ni Gloria na ipinagmamalaki ang mga nagawa niya para sa bayan.

Komersiyal # 2: Isa pang manggagawa ang uuwi sa kanyang barong-barong. Sa pagkakataong ito, may dala-dala siyang supot ng bigas. Mag-aaway ang mag-asawa ngunit matutuklasan ni Misis na nabili pala ito ni Mister sa “Tindahan ni Gloria Labandera” sa kanto. Matatapos ang pag-aaway. Masaya ang lahat… ngunit muli na lamang tayo bubulabugin ni Gloria. Doble ang saya.

Magkano kaya ang ibinabayad sa ad agency ng Tanggapan ng Pangulo? Mas mabuti sana kung ginamit na lamang ang ibinayad upang magtayo ng marami pang silid-aralan para matuto ang mga batang mambola at makuha sila ng nasabing ahensiya. O di kaya’y nakapagpatayo ng sandamakmak pang “Tindahan ni Gloria Labandera.”

***

Tungkol pa rin sa PPA (Pesteng Power Adjustment): Hindi alam ni Rep. Crispin Beltran ng Bayan Muna kung ano ang magiging reaksyon niya sa biglang pagbaba ng kanilang singil sa kuryente. Kadalasan, umaabot sa dalawang libong piso ang kanilang ibinabayad sa Meralco. Ngunit kamakailan lamang ay nakita niya ang kanyang bill: P14. Kilala si Beltran sa kanyang pambabatikos sa PPA, at hindi niya alam kung nagbibiro lamang ang mga Lopez o bigla sila nagkaroon ng kunsensiya.

Ka Bel, isa lamang ang masasabi ng Tinalupang Tupa: “GMA Cares!”

***

Maaaring sabihin ng ilan na okey lang namang magbuhat ng bangko si Gloria, dahil wala namang masama sa mga ginagawa niya. Sa katunayan, natutupad niya pa raw ang mga ipinapangako niya. Oo, sige, pagbigyan natin ang munting kaligayahan. Sige lang, magpa-photo shoot siya kasama ang mga bangkay ng mga kidnaper, at mga alieng opisyal ng gobyerno. Okey lang ring gumawa siya ng mga komersyal niya, basta HINDI ITO ANG INAATUPAG NIYA at HINDI PERA NG MAMAMAYAN ANG GINAGAMIT NA PAMBAYAD.

Pero may isang pangyayari, bukod sa marami pang hindi na muna namin babanggitin, na hindi namin mapalalampas. Matatandaang karukrukan ng pag-dedeporta sa mga ilegal na imigranteng Pilipino ng Malaysia. Ika-29 ng Agosto nang dumating ang 1 450 deportado lulan ng barko ng Hukbong Pandagat sa Bongao, Tawi-tawi. Alas-siyete pa ng gabi noong ika-28 umalis sa Sabah ang barko, at naka-iskedyul silang dumating ng 10:30 n.u. kinabukasan. Ngunit sinabihan diumano ang mga Pilipinong opisyal na nasa barko na i-synchronize ang kanilang pagdating sa pagdating ni Gloria sa Bongao.

Kaya, ayun. Dumating sila ng ala-una y media.

Pero heto namang si Gloria, na-late pa: dumating siya ng mga bandang 2:40 n.h. Dala-dala pa niya si Ambassodor Ricciardone ng Estados Unidos. At may yabang pa siyang humarap sa media. Sabi niya, “Well, the challenge is how do we make life normal for them as soon as possible.”

Tinatayang may 15 deportado, kasama na ang sampung bata, na na-ospital dahil sa inip (o dahil sa hindi makahinga, masyadong mainit at siksikan, at iba pang sakit tulad ng pulmunya).

As soon as possible nga. Hanep!