May Pinatutunguhang Pasakalye: Noel Cabangon
ni Aves Avecilla

Matunog ang pangalang Noel Cabangon sa lokal na industriya ng musika, lalo na sa mgabahaging hindi pa tuluyang nasasakop ng komersyalismo. Kilala siya bilang isang pokista, lumilikha at umaawit ng mga kantang naghahatid ng mga isyu tungkol sa karanasan at pakikihamok ng karaniwang tao. Taong 1985 nang magsimula siyang humabi ng mga awiting ayon sa kanya’y “makabuluhan,” gayong tumututok ang mga ito sa mga isyung sosyo-politikal. Kasapi siya noon sa Buklod, isang grupong tinaguriang progresibong mang-aawit. Karaniwang tema ng kanilang mga awitin ang pagtuligsa sa pananatili ng mga base militar ng Amerikano at ang pagtatanggol sa soberanya ng bansa. Sa pamamagitan ng kanilang musika, ipinaglaban nila ang iba’t-iba pang isyu sa lipunan. Mahigit kumulang na dalawang dekada na ang nakalilipas, patuloy pa rin si Mang Noel sa gawaing ito. Walang patid ang pagsulong niya sa musikang kanyang tinutugtog.

Noong ika-23 ng Marso, taong 2001, inilabas sa publiko ang kauna-unahang album ni Noel Cabangon na pinamagatang Pasakalye. Inilalarawan dito ang buhay ng karaniwang tao, at ang kanyang araw-araw na pamumuhay. Siya ang namahala sa mismong produksiyon nito (independently released), habang isinalin, kinopya at ipinamahagi naman ng Jesuit Communications sapagkat nagustuhan nila ang sosyal na kabuluhan sa mga awitin niya. Ayon kay Jess Santiago, isa ring makabayang manunulat at kompositor, “Taglay ng mga awit sa koleksiyong ito ang sangsang ng usok at alimuom sa kalsada at bangketa, ritmo ng trapik, alat ng pawis, tamis ng pagsinta.”

Nakapanayam namin ang batikang musikero isang Martes nang gabi sa Xaymaca, barikan at tugtugan sa kahabaan ng Timog. Mabuti naman at sa gitna ng kalsadang puno ng mga klub na kakikitaan ng mga gumigiling na katawan ay may lugar pa ang ganitong uri ng libangan. Naghahanda siya noon para sa kanyang unang set nang lumapit ako at ipinakilala ang sarili. Natapos ang maikling kamustahan at sinimulan rin ang mga tanong.

Noong bata kayo, ginusto niyo na ba talagang maging musikero?

Hindi. Gusto ko talagang maging doktor noong bata ako. Pero noong lumalaki na ako, nag-iba na ang pinatutunguhan ng aking interes. Natuto akong tumugtog ng gitara. Noong college, naging aktibo ang mga estudyante sa pagpoprotesta laban sa gobyerno. Kapag kailangan ng aawit at tutugtog ng gitara, ako yung naaatasan.

Masasabi niyo bang ang mga awitin niyo ay progresibo at alternatibo*?

Oo. Progresibo ito sa paraang hindi lamang ako tumutugtog upang mang-aliw. Karaniwan, may nais sabihing mensahe ang mga kinakanta ko. Sa ganitong paraan, may subok itong patunguhan. May social relevance ang mga awitin ko, isang paraan upang ipaabot ang mga nangyayari sa lipunan. Alternatibo ito sa paraang hindi ito komersyal at karaniwang higit na mahalaga ang content kaysa porma. Hindi naman ibig sabihin na dahil alternatibo ay walang impluwensiyang makakanluranin. Maaring kanluiranin pa rin ngunit ginagamit na tool upang magpakita ng isyu sa tao.

*Dalawa ang konsepto ng musikang alternatibo. lsa ay iyong nagmula sa rock na siyang alam natin ngayon. Gayunpaman, naunang ginamit ang katawagang ‘alternatibo’ sa industriya ng musika dito sa Pilipinas bilang musikang may dalang mensaheng sosyo-politikal at may pagkiling sa mga naiiwanang sektor ng lipunan. Noon ay katumbas ng musikang alternatibo ang tinatawag na “protest music”.

Sinu-sino ang mga nakikinig sa inyo?

Noong una’y puro mga taga-NGO at kapwa-aktibista lamang halos ang nakikinig sa mga awitin ko. Pero ngayon marami na ring mga estudyante, manunulat, kapwa musikero at mga propesyunal na tumatangkilik.

Sa tingin niyo bakit limitado ang nakikinig sa inyong musika?

Alam naman nating medyo marginalized ang mga tumatangkilik ng alternatibo dito. Hindi naman kami madalas napatutugtog sa radyo. Madalas natutuklasan kami ng mga tao sa pamamagitan lamang ng word of mouth, ng mga NGO at aktibista rin. Kadalasan invitational. Hindi naman kami madaling matanggap ng mga malalaking kumpanya ng rekording dahil nga hindi raw benta ang aming mga awitin para sa radyo at kaya hindi mapagkakakitaan ang aming musika.

Hindi ba dapat kayo, bilang musikero, ang humahanap ng paraan upang maipaabot ang inyong awitin at mensahe sa mga tao at nang dinggin nila kayo? Dapat bang i-mainstream ang alternatibo?

0o. Kaya nga’t ipinamamahagi ito sa pamamagitan ng tulad ng ginagawa ko, patuloy pa rin akong tumutugtog dahil may mensahe akong nais iparating. lsang paraang makaambag sa pagmumulat ng mga tao sa mga pangyayari sa lipunan. Para sa mga progressive artists medyo mahirap ang gumalaw sa labas ng movement, may pag-ayaw sa pagpasok sa mainstream. Dahil na nga rin ito sa nasabing sanhi. Hindi mo rin alam kung papaanong tatanggapin ng tao ang musika mo. Subok kong ipinararating ang mga awitin ko. Gayunpaman, hindi maaaring ibahin ang tipo ng aking musika. Dapat itong manatili bilang venue ng pagpapahayag ko.

Ano naman ang pinagkaiba, mga bentahe at disbentahe, ng pamamahayag sa pamamagitan ng musika, kaysa direktang panunulat sa dyaryo halimbawa?

Unang-una, iba ang pagpapahayag sa musika dahil isang synthesis ang nakasangkot dito. Kahit hindi direktang naisasaad ang lahat ng impormasyon, may nahuhuli itong hindi nagagawang sakupin ng pagsusulat ng balita. Tulad lamang ng emosyon at mood na nasa mga awitin. Mas madali ring makinig sa musika dahil nakakukuha ng atensyon at nasasalo ang mensahe nang kahit hindi sinasadya, subconsciously, ika nga. Tungkol man sa human rights violations, political discussions, nagkakaroon ng solidarity sa musika lalo na sa mga taong pareho ng pinaninindigan. Gayunpaman, madalas kailangang paulit-ulit upang tuluyang masalo ang sinasabi ng kanta. Ngunit mayroong impact, dahil mapapa-isip ang nakikinig sa mga iminumungkahi. Basta ‘t patuloy lamang sa pagsusulat at pagmumulat.

Napansin ko po kasi sa mga awitin niyo—sa album na ‘Pasakalye’ at sa mga gig— tila sa una ay simple lamang ang sinasabi, na tila maiintindihan ng kahit sinong taga-pakinig ang mga kuwento’t paglalarawan basta’t naka-iintindi siya ng Tagalog. Subalit sa huli, mapagninilay mong sa kabila ng pagkukuwento tungkol sa mga karaniwang bagay, tulad ng buhay ng isang jeepney driver, ng usok sa metro, ng mga batang nagra-rugby sa kalye, tila may nananatiling tanong: “Ano na?” o “Paano na?”

Oo nga, at siguro masasabi kong ito ang iba sa estilo ko, lalo na kung ikukumpara noon at sa iba pang tinaguriang ‘tibak songs.” Nagkukuwento ako. Hindi ko direktang sinasabi ang ipinaglalaban ko o ang kung anong dapat gawin. Nag-iiwan ako ng tanong at hinahayang mag-isip ang mga tao. Walang isang absolutong solusyon. Dati outright sinasabi sa audience. Sa Pasakalye puro may ipinaglalaban ang mga kanta, maliban na lamang siguro sa isa o dalawang love songs. Siyempre...eh, pagpapakita naman ng pagka-tao ko iyon.

Ano sa tingin niyo ang pinagkaiba ng mga kabataan noon at ngayon? May pinagkaiba ba sa kanilang mga ipinaglalaban?

Ngayon kasi, dahil na rin siguro sa globalisasyon, sa MTV, sa nakabubulag na foreign culture at infotech, tila ba magkakamukha na ang lahat ng bata. Makikita mo ang isang batang Amerikano, at isang batang maitim, Pilipino, pareho ng suot, ng ayos ng buhok at ng porma, parehong naka-elephant pants. Ang mga bata rin ngayon hindi na nagbabasa ng dyaryo.

Ang aktibismo naman noon tila nakasentro sa isang malaking kalaban, sa diktadura. Noon ipjnaglalaban namin ang pag-kontra sa pananatili ng mga base ng mga Amerikano o ng mga korporasyong dayuhan na sinasamantala ang Pilipinas. Ngayon kumalat na sa iba’t-ibang isyu sa lipunan ang mga ipinaglalaban, tulad ng sa kalikasan, sa manggagawa, sa karapatang pantao, sa isyu ng kababaihan at marami pang iba.

Matanong po namin, ano sa tingin niyo ang nangyari sa EDSA Dos?

Hindi naman kasi ako umaasa sa isang malaki, biglaang pagbabago sa politiko. Nais natin noon na mabigyan ng mas epektibong gohyerno. Subalit ngayon, ang pumalit ay mga elitista rin naman. Kapag tuloy naiisip ko yung mga pinag-gagagawa ko noon...

(Isang lalaki ang lumapit para sabihing oras na ng kanyang set.)

Bilang huling katanungan: may pag-asa pa ba ang bansa?

Kung iisipin mong wala na tayong pag-asa, lalong walang mangyayari sa bayan. Kailangan natin ng pag-asa para magkaroon ng lakas na mamulat at umaksyon. Kailangan nating maniwala na isang araw ay matututo rin tayo. Kailangan nating magpatuloy.

Umakyat siya sa entablado, tiniyak ang pagkakatono ng gitara at saka sinimulan ang una niyang kanta: “Jeepney Driver Blues” ang pamagat. Maliban sa natural na pangangailangang damhin ang tipo ng musika—ang blues—makikita at maririnig na damang-dama rin ni Noel Cabangon ang mensaheng kanyang ibinubunyag na para bang siya mismo ang nakaranas ng pamamasada ng jeepney. Mula rito, patuloy niyang inawit ang mga kanta niyaIlg pumupuna sa kayamanan ng ordinaryong buhay sa kalsada ng isang karaniwang taong-kalye, at ng mga ipinaglalaban niya. Maging ang huli, ramdam na ramdam sa rubdob ng indak ng kaniyang musika.