Senyas
ni Robert Santiago

Sa iba’t ibang aplikante na karamihan ay taga-isla, siya ang pinalad na mapili ni Mama para mamasukan sa amin. Araw siguro ng milagro kaya napalusot siya sa pagtatanong tungkol sa ganito’t ganire ng kanyang personal na buhay. Ang katotohanan pala ay walang nakalap na impormasyon si Mama. Kaya minabuti niyang masaksihan sa sarili niyang mga mata kung magdidilang-anghel ang inang kasama ng dalaga na halos ipagkapuri ang anak sa lahat ng kustomer sa aming hardware. Tipikal na ina nga naman. Pareho sila, si Mama at ang ina ng aplikante.

“Marunong po iyang maglaba, mamalantsa, maglinis ng bahay, mag-alaga ng bata, magluto, magsaing, mag-alaga ng halaman, mamalengke…”

Siguro marunong din siyang sumirko, kumain ng apoy, magpaligo ng leon, kumanta sa ilalim ng dagat, sumayaw sa ibabaw ng baga … Blah, blah, blah, blah, blah! Nalula yata si Mama sa kayang gawin ng mahiyaing dalaga na hindi pa rin nagsasalita mula pa noong umentra ang mag-ina.

“O, ineng stay-in ang kailangan namin dito? Baka naman makailang linggo pa lamang ay magpapaalam ka na para bumalik sa inyo. Teka, may boypren ba yan? Hindi puwede’ng dalaw-dalaw dito. Iyong huli naming katulong hayun at lumarga kasama ang nobyo.”

Walang sagot na natanggap ang makulit na si Mama. Sabay naman ang sagip ng namumulang ina sa namumutlang anak. Natakot yata sa may pagka-palengkerang banat ng matabang ale.

“Ah eh, nakaligtaan ko pong sabihin. Urong po ang dila niyan. Hindi po siya nakakapagsalita. Hindi rin po kayo naririnig niyan,” may halong hiya at lungkot na sagot ng ina.

Napatingin muli si Mama sa dalaga, tapos inilipat ang titig sa ina. Mahirap magdadakdak sa ganitong mga eksena lalo na kung hindi mo alam ang iyong iskrip. Hinugot na lang ni Mama mula sa sariling karanasan ang dapat niyang gawin sa mga tagpong ito. Kami ay nakatitiyak na tinitimbang niya kung anong magiging epekto ng kanyang magiging desisyon.

Kinuha ni Mama ang kuwadernong pinaglilistahan ng mga bale at utang ng mga katulong. Naglaan sa may bandang hulihan ng espasyong paglilistahan para sa bagong empleyado. Minarkahan ng petsa sa may gawing kanan at pagkatapos ay ang halagang limang daang piso. Sa may kaliwang bahagi isinulat ang salitang bale na kanyang binabaybay bilang vale. Pinirmahan ng ina ang kapirasong papel na i-isteypler sa pahinang iyon. Tapos na ang transaksyon. May trabaho na ang kulot na dalaga at may limang daang piso ang kumaripas na ina.

Walang iyakan sa pamamaalam, dahil wala namang pamamaalam. Wala lang nasabi ang bagong katulong sa paglisan ng ina. Wala naman siyang dapat talagang sabihin. Kailangan lang niyang unawain. Ginawa lang ng kanyang ina ang sa tingin niyang makakabuti para sa kanilang nagdarahop na pamilya doon sa isla. Sa tingin ko tanggap na niya. Sa araw na iyon ang pumasok na mahiyaing dalaga sa aming hardware ay ganap na katulong na.

“Eh! Eh! Eh! Eeeeh! Pola!”

Ganito kung tawagin namin ang pipi naming katulong na binansagang Pola. Paula kung gusto mong paartehin, pero hindi na iyon importante. Hindi naman niya naririnig kung anong pangalan ang aming sambitin para pukawin ang kanyang atensyon. May pawaga-wagayway lang ng kamay at maminsa’y makabasag-pinggang tili ay tama na para bulabugin ang tahimik na mundo ng aming dakilang katulong.

Minsan bulag din siya o dili kaya ay nagbubulag-bulagan, sa mga senyas ng aming kamay. Kaya pahirapan ang pag-uutos sa kanya. Madalas hindi lang talaga kami magkaintindihan, kaya kung di pa sapat ang charades namin, sinasamahan pa namin iyon ng ilustrasyon at ng eksaheradong pagbigkas namin sa aming gustong ipakahulugan. Hindi nalalayong isipin ng iba na kami’y nababaliw na.

Sa paglipas lang ng panahon, naging istandard na ang mga senyas ng aming kamay para sa ispesipikong utos.

Ang pagpapaikot ng hintuturo at hinlalaki na animo’y may imbisibol na tasa ay nangangahulugan ng pagtitimpla ng kape o gatas o kapeng may gatas. Ituturo na lang kung anong kulay ng powder ang ititimpla.

Ang akmang hirap na hirap na pagpiga sa isang imbisibol na bagay ay paglalaba.

Ang pagpapadausdos ng palad sa imbisibol na lamesa ay pamamalantsa.

Ang maindayog na paggalaw ng dalawang kamay na tila may ginigisa sa imbisibol na wok ay pagluluto.

Kailangang matalas ang iyong imahinasyon sa mga bagay na hindi nakikita para magkaunawaan kayong dalawa. Hindi epektibo ang makukulay at masining na paglalarawan sa kanya, basta kung anong punto mo sabihin mo. Prangkahan kumbaga. Walang bola-bola sa pag-uutos. Hindi puwedeng mang-uuto ka pa, basta mag-utos ka lang. Tapos. Ang ibang senyas ay nakuha namin sa prosesong ito, at iyong iba pa ay siya ang nagbigay sa amin. Nakatutuwang isipin na ang bawat isa sa aming pamilya ay may kanya-kanyang deskripsyon para sa kanya.

Ang mataba ay si Mama. Ang matangkad na may bigote ay si Papa. Ang mababang may bigote ay ako. Ang singkit ay si Ate Bel. Ang maganda raw ay si Ate Rhea. Ang mabalahibo ay si Ate Jean. Ang maitim ay si Aizia. Ang pango ay ang bunso naming si Aiz. Basta may sari-sariling aksyon ang mga ito na kailangan mong makita para maintindihan. Ang iba ay akmang-akmang paglalarawan ngunit ang iba ay kailangan mo pang isipin para makuha. Charades nga talaga at walang kadaya-daya dahil mula ito sa piping saksi. Ito ay sa literal na pananalita.

Sa kabila ng lahat, hindi naman matatawaran ang kasipagan ni Pola. Kung ipaglaba niya ang aming sampung kataong pamilya ay lubhang nakabibilib. Basta tuwing Sabado ng umaga pupuwesto na iyan kasama ang panguskos, palu-palo, isang bareta ng sabon, at mga ilang batya ng marumihan. May proseso siya sa paglalaba. Sistematiko.

Pagkatapos paghiwalayin ang mga puti sa de-kolor, pabubulain na muna niya ang tubig at isasantabi ang kaputol ng sabong may samyong kalamansi. Maingat siya na hindi matunaw agad ang sabon kaya ang ipinabibili niya ay yaong magandang tatak… Tide. Matipid din siya sa tubig. Isinasantabi niya ang tubig na pinagbanlawan para panlinis ng sahig ng kusina at ng bahay-kubo sa may likuran ng aming bahay.

Minsan ay nakikisaling-pusa sa pagpipiga ang aking dalawang nakababatang kapatid at ako naman ay tutulong sa pag-aakyat ng plangga-plangganang bagong laba upang isampay. Masayang magsampay lalo na kung sa Sky Garden, iyon ang tawag sa terrace namin bago pa kami lumipat. Dating diskuhan daw ito. Pansin mo naman iyon sa lawak at sa estilo ng konstruksyon. Bukod pa ay nakamamangha ang tanawin mula rito. Kita mo mula rito ang baybayin ng tabing-dagat at ang buong barangay ng Bagumbayan. Ngayon, hamak na sampayan lamang ito at ang mga bagong labang damit ni Pola ang tanging sumasayaw rito.

Tapos dumating si Anita.

Kung pipi’t bingi si Pola, utal at medyo may kahinaan ang pandinig naman ang nakababata niyang kapatid. Siya ay kulot, may isang talampakan ang baba sa kanyang ate, at nakalamang ng dalawang paligo sa kapatid. Tin-edyer pa lamang nang ipasok si Anita ng parehong inang kumaripas na may tangang limang daang piso.

Maharot at may pagkaisip-bata, madalas niyang ipagbida sa amin ang bago niyang imbentong steps sa sayaw na nakuha niya marahil sa mga sayawan sa pista ng kanilang isla. Huwag kang umasa na iyong mga steps niya ay iyong napapanood mo sa telebisyon. Sabihin na lang natin na ang choreographer ay urong o kaya ay abante ng ilang henerasyon, kaya mahirap sundan ang mga ito. Komplikado para sa marurupok naming katawan.

Ganoon din kakumplikado ang pakikipag-usap sa kanya. Magmumukha kang sirang plaka sa kakaulit dahil may pagkamahina nga ang pandinig niya. Ang pakikipagdaldalan sa kanya ay tulad ng pakikipag-usap sa apat na taong gulang na bata. Nakakahiyang mag-utos sa kanya sa harap ng mga bisita kasi mahahawa ka sa pagkautal niya. Minsan tinanong ako ng isang kaklase kung may baliw raw kaming kasambahay na nakasagot ng telepono. Kasi pinagpapaulit-ulit siyang tinatanong ng kanyang pangalan ng baliw na iyon at pagkatapos ay bababaan siya ng telepono. Tumatawa na lang ako sa mga ganitong pangyayari dahil kung may baliw sa amin, kami na iyon na siyang tumanggap sa magkapatid.

Madalas din siyang magmatyag sa mga drayber at kunduktor ng bus sa may terminal na tapat ng aming bahay. Minsan ay kinikilig siyang nagtititili na akala namin ay kung anong nangyari. Paano ba naman ang makailang taghoy niyang “Ay pogi!” sa isang kunduktor ay napamali sa “Ay p_ki!” Kaya naman ganoon na lang ang halakhakan namin at hagikgik ng namulang kunduktor.

Sa insidenteng ito nagmula ang Alamat ng Tatlong Katulong na sina Ate Marina (ang sinasabi ni Mamang sumama sa nobyo), Pola, at Anita. Ito ay isang paboritong istorya namin na kinapulutan ng ginintuang tawanan. Ayon sa kuwento tuwing bilog ang buwan, kapag lunukin ng bawat isa ang bato ng kahilingan sa ilalim ng dagat ay dapat nilang isigaw kung ano man ang kanilang gustuhin. Tiyak matutupad iyon.

Entra ni Ate Marina, na dahil may kaliitan ay hiniling na maging kamukha si Nora Aunor. At ito’y nangyari nga pagkatapos niyang lunurin ang bato. Si Pola na sumisid pagkakita sa nangyari ay may ngiting sinenyas na gusto niyang angkinin ang ganda’t boses ni Sharon Cuneta. Pagkalunok ng bato ay bumulaga si Sharon na kumakanta pa. Si Anita pagkakita sa magandang kapalarang nangyari sa kapatid ay nagmadaling kumuha ng mahiwagang bato. Pero bago niya ito malulon ay natapilok at napabulalas siya ng parehong tili na kanya’y dapat ilalaan sa kunduktor sa terminal. At siya’y naging alam n’yo na.

Isang malaking biro talaga ang pakikisalamuha sa magkapatid. Nakakaaliw dahil sa mga ilang insidenteng tulad nito na matutunghayan mo lamang sa aming tahanan pero minsan nakakasawa rin ang pakikipaghulaan sa aming mga katulong. Tila kami pa ang nahihirapan sa sitwasyon. Kami pa tuloy ang dapat makibagay at umintindi sa kanila. Paliwanag nina Mama na kami ang normal kaya kami ang dapat umunawa.

Alam namin na malayong may iba pang tumanggap sa dalawa. Ang ikinayayamot lang minsan nina Mama ay ang makailang beses na pag-alis ng bahay ni Pola o kaya ni Anita, para umuwi sa Calauat. Basta mabibigla na lang kami na umalis na pala sila, walang paa-paalam. Ang masama pa minsan ay matatapat na may mawawala sa bahay. Una ay panay suspetsa lang, pero napatunayan namin ito minsan noong may makitang mga kawil sa bag ni Anita. Siyempre hindi siya umamin.

May nagbalita na lang sa amin na itinitinda nila ito doon sa isla. Sabi namin tulong na lang ang mga iyon. Hanggang sermon na lang sina Mama. Pangaral nang pangaral sa dalawa para hindi na umulit. Hindi naman sila magawang palayasin kasi malaki-laki na rin ang nakukuha ng ina.

May pagkalahi rin ni Pinocchio ang magkapatid. Naisip namin kung may boses pa siguro ang dalawa, sila ang may pinakamahabang ilong sa buong bayan. Delubyo na talaga. Tila ang abnormalidad pa nga nila sa pagsasalita ang naging daan para maging malikhain sila sa kanilang mga kasinungalingan.

Halimbawa na lang, minsan pag-uwi naming magkakapatid mula sa eskwelahan, masayang sumalubong sa amin si Pola. Ewan namin kung sa pagkabagot o kung sa araw na naman ng milagro, basta sabi niya may dumating na Amerikano sa bahay. Guwapo raw. Niyaya pa siyang lumabas pero hindi siya pumayag. Nagkwentuhan na lang daw sila. Sa puntong ito alam na naming ilusyon na naman ang bumisita sa kanya, ngunit mas lalo kaming nayanig nang ipakita niya ang litrato na tinutukoy niyang mama… si kumpareng Bill Clinton pala.

Doon namin napansin na may kulang sa buhay ng aming katulong. Nakalimutan naming siya ay isa ring babae na nahuhuli na sa biyahe. Naghahanap na yata ng pagkalinga ng isang lalaki. Malabo ang anggulong ito ni Pola sa amin dahil nasanay kaming tingnan siya bilang katulong at katulong lamang.

Tapos dumating si Lolo.

Bakasyon noon. Nagpupuyos ang mga damdamin kasabay ng pagsidhi ng init ng tag-araw. Bumisita si Lolo kay Papa, na siyang napalayo sa labing-isang anak na pawang nakipagsapalaran sa siyudad. Eh si Papa, sa kakahanap ng suwerte sa buhay ay pinadpad sa probinsya. Hindi naman madalas bumisita si Lolo. Kung naisipan lang na lumanghap ng preskong hangin, uuwi iyon.

Siya iyong tipo ng lolo na nakakatakot kausapin kapag mainit ang ulo. Pinalaki niya ang mga anak na disiplinado at may malaking respeto sa nakatatanda. Napakatuwid at makaluma. Pansin ko mataas ang pride. Maalaga sa kalusugan. Maraming anak. Istrikto. Iyong tipikal na macho-gwapito. Kaya hindi kami ganoon kalapit sa kanya kumpara sa ama ni Mama na palabiro at mahilig sa Juicy Fruit Gum kahit na nakapustiso. Malas lang at iniwan agad kami ni Lolo Mundo. Kaya si Lolo Ponceng ang natira sa amin. Ano pa ang magagawa namin kung hindi magpakaapo sa kanya.

Sa mga araw na abala ang lahat sa gawain ay maiiwan si Lolo kasama ang mga katulong. Doon marahil nagnakawan ng tingin sina Lolo at Pola. Basta magsimulang mamungay ang tingin ni Pola, humanda ka at magmimistulang pain ang mabubuting serbisyo niya. Lahat ng serbisyong iyon ay inilaan niya kay Lolo, pagmamasahe man o pagluluto ng ginataang tanigueng may talong. Animo’y may gayumang nagpapungay sa mata ni Lolo.

Tapos pumutok ang balitang nagdadalang-tao si Pola. Noong una pinagtatakpan pang taong-labas o NPA raw ang nakabuntis sa kanya ngunit naglaon at lumabas ang katotohanan. Si Lolo ang ama.

Nagtaasan ang mga kilay. Marami ang nagtaka kung bakit sa dinami-dami ng babae sa mundo pumatol ang dinadakila naming Lolo sa isang katulong. Walang naglakas-loob na komprontahin siya ukol dito. Nanaig ang sinasabing respeto sa nakatatanda. Gusto kong idagdag na dapat mas manaig ang respeto sa sangkatauhan lalo na sa maliliit pero mas wais akong manahimik na lamang.

Nagharap muna ang dalawa bago tuluyang bumalik si Lolo sa Maynila. Nag-usap tungkol sa magiging kalagayan ng bata. Plinano ang kanyang kinabukasan. Inadornohan ng mga pangako. Pinabango ng masasamyong paliwanag. Sa madaling salita, nakipag-usap si Lolo sa hangin. Hindi namin napaalala na diretsahan ang pakikipag-usap dapat kay Pola. Bingi na siya sa mga pangako at uhaw sa katotohanan.

Basta ang kasunduan, pag-aaralin ni Lolo ang anak, at si Pola ay hindi mawawalan ng trabaho sa amin. Patay! Kasama ang walang-hanggang paninilbihan sa amin ni Pola sa kundisyon ni Lolo. Walang kapalag-palag na pumayag ang aking mga magulang.

Hindi namin sigurado kung may iyakang nangyari sa pamamaalam na iyon. Basta nagpatuloy lang ang pag-ikot ng buhay. Patuloy ang mga tawanan. Patuloy ang charades. Patuloy ang pakikipagsawsawan sa paglalaba ni Pola. Patuloy ang pag-indayog ni Anita. Patuloy ang pagtanggap ni Mama ng iba pang katulong. Patuloy ang pagbisita ng ina ng dalawa. Patuloy ang mga ilusyon ni Pola. Patuloy ang pagmamatyag ni Anita sa mga terminal boys. Patuloy ang surpresang paglaho ng magkapatid.

Minsan natatagalan ang pagkawala nila at aakalain naming tuluyan na silang umalis. Tapos hahanap-hanapin namin sila. Sila ang nagpaalala kung ano ang abnormal para maiguhit namin ang linya kung ano ang normal. Pinamukha nila sa amin kung ano ang kahirapan para maiguhit namin ang linya kung ano ang kasaganahan. Siguro kung walang araw ng milagro, naging karaniwan ang mabuhay sa aming tahanan doon sa probinsya. Nagpapasalamat ang aming pamilya sa pagdating ng mga araw na iyon.

Higit kaming dapat magpasalamat sa dalawa naming katulong dahil matagal na rin ng huli naming sabihin ito sa kanila. Malayong marinig nila ito kaya isesenyas na lang namin.

Gamit ang aming hintuturo, iguguhit na lang namin sa aming dibdib ang puso. Akmang dadakmain ito ng aming palad at ipapabaon sa kanila kasama ang tahimik na dasal. Tiyak! Alam na nila kung ano ang gusto naming sabihin.