ATPA: Ang Balintuna sa Tuna
nina Mike Pante at Jack Cortez

Hindi pa man nagkakaroong-linaw ang kahahantungan ng kabuhayan at kinabukasan ng ating mga kapatid sa Minadanao, heto at may isa na namang dagok na nakaabang sa kanila. Dumating, at magpasahanggang ngayon ay nariyan ang mga suliranin: Abu Sayyaf, MNLF, MILF, at Balikatan. Ngunit mukhang mas malalim ang problemang humaharap ngayon sa Lupang Pangako. Ito ay maaaring maging sanhi pa ng mas maraming “teroristang” aksyon at insureksyong higit pa sa inaakala natin. Ito ang Andean Trade Preference Act.

Hindi bago ang ATPA sa masalimuot na mundo ng kalakalan. Noong Disyembre 1991, nilagdaan ito ni Presidente George Bush Sr. Layunin nito na palakasin at pag-ibayuhin ang ekonomiya ng mga bansa sa Timog Amerika, mas ispesipiko, sa rehiyong Andean (pumapalibot sa bulubunduking Andes). Ayon sa isinasaad ng ATPA, anim na libong aprubadong kategoryang pamproduktong galing sa Bolivia, Ecuador, Colombia, Peru, Venezuela ay makapapasok nang libre, o di kaya ay nang may maliit na patong lamang o taripa, sa Estados Unidos. Subalit hindi napasama rito ang mga serbisyo, ilang tela, produktong asukal at petrolyo, at mga de-latang tuna.

Disyembre, taong 2001, natapos ang bisa ng ATPA, ngunit may mga proposisyong nakahain na sa Kongreso ng Estados Unidos upang palawigin at rebisahin ang nasabing kasunduan. Nakasaad ang mga proposisyong ito sa isang panukalang batas, ang Andean Trade Preference Extension Act. Sa panukalang ito, isinusulong na ngayon ang pagsali ng tuna bilang isa sa mga produktong malayang makapapasok sa Estados Unidos, duty-free ika nga. At dahil dito, namimiligro ang may 15 000 mamamayan sa Timog Mindanao na ang ikinabubuhay ay ang industriya rin ng tuna.

Sa kasalukuyan, 12% taripa ang ipinapatong sa tunang pumapasok ng Estados Unidos galing ng Pilipinas. At kung makapapasok nang walang bayad ang mga galing sa Timog Amerika, siguradong higit na magiging mura ang pagbenta nila kaysa atin. Ang ating mga Amerikanong kliyente ay hindi naman nating mapipigil sa paglipat sa tunang galing Timog Amerika lalo na at makatitipid sila. Taun-taon, higit sa anim na bilyong piso ang kinikita ng ating bansa sa industiyang ito. Ngunit kung ang kompetisyon ay hindi na magiging patas, inaasahang babagsak ang istadistikang ito.

Ang Andean Trade Preferential Extension Agreement ay naipasa na sa Mababang Kapulungan ng Estados Unidos at kasalukuyang nakasalang at pinagdedebatehan sa Senado.

Nang Dahil sa Agawan at Pasiklaban

Maaaring sabihin ng iba na hindi lang naman tayo ang maaapektuhan ng panukalang batas na ito. Nariyan rin naman ang mga mismong kumpanyang nag-aangkat ng produktong pinatungan na ng karagdagang buwis. Hindi lang tayo ang dehado, pati sila. Ngunit hindi ganito ang nangyayari.

Ang taripang ipinapataw sa mga tunang inaangkat ay wala direktang epekto sa kanila dahil ipinapasa naman nila ito sa mga mamimili. Ang itinatakdang presyo ng mga kumpanya sa kanilang mga produkto ay hindi lamang nakabatay sa tinatawag na production cost na ang nandoon lamang ay ang mga variable expenses, tulad ng halaga ng materyales at sweldo ng mga manggagawa, at fixed expenses na kinabibilangan naman ng kung anu-anong mga renta. Isinasama na rin sa kalkulasyon ang mga taripang ipinapataw dahil ayaw din naman nilang ikaltas ito sa kanilang tubo. Dapat walang mawala sa kanila anumang paraang ang kinakailangan nilang gawin.

Mula dito, pumapasok ang overpricing pero limitado dahil sa isinasaalang-alang ang kompetisyon, kung mayroon nga. Lalo pa at ang mga katapat ay mayroong parehong produkto at may laban sila, dapat “lumabas” na competitive.

Ganito ang nangyari sa tinatawag na tuna tiff o away sa pagitan ng korporasyong tuna ang negosyo. Ito ang naging sitwasyon ng dalawang higanteng kumpanya na nagpoproseso ng tuna sa Estados Unidos. Ang dalawang ito ay ang ConAgra’s Bumble Bee at ang H.J. Heinz’s StarKist Seafood Co., at ang kanilang iringan ay nagbabadya ng malaking hadlang sa daloy ng pandaigdigang kalakalan ng tuna. Maaari nating silang ihambing sa Estados Unidos na, dahil sa kanyang labis na kapangyarihan at yaman, kaya nitong diktahan ang mga desisyong ekonomiko kahit pa maraming bansa ang kasangkot at kahit namamagitan na ang mga samahang internasyonal. At sa lagay naman ng oligopoli ng dalawang korporasyong tuna, ang kalakalan ng tuna ang halos kontrolado na nila.

Sa bagay, mayroon nga namang dahilan para magsagupa ang dalawang kumpanyang ito, dahil mula sa mga Amerikanong mamimili pa lamang, kumikita na ang mga kumpanyang ito ng dalawang bilyong dolyar mula sa packaged chunk light at albacore tuna.

Dahil sa mga ganitong kaguluhang nangyayari sa loob, nahihirapan ang mga bansang nagpapasok ng tuna sa Estados Unidos dahil sa taripang ipinapataw. At ang taripang ito ay depensa ng dalawang nasa loob laban sa mga nagdadala ng tuna upang mapangalagaan ang isang multi-billion dollar industry na ang ganansya ay halos kanilang-kanila. Siyempre nga naman, higit na mahal ang tunang prinoseso, naglakbay at pinatawan pa ng buwis. At kapag mas mahal ang produkto ay kakaunti ang maglalakas-loob na pumasok sa industiyang ito, at bukod dito, maibebenta pa ng mga naghaharing kumpanya ang mga produkto sa presyong mas malaki ang kita. At ang sisi ay naibubunton sa mga bansang pinagkukunan.

Subalit dumating sa punto na nawalan na ng dahilan para patawan pa ng buwis ang mga inaangkat na tuna. Mula rito nagsimula ang pagkakaroon ng malayang kalakalan o free trade. Noon ngang 1993, naunang tinanggalan ng taripa ang Mexico at ito ay ipinatupad sa ilalim ng North American Free Trade Agreement. Sa ilalim naman ng Caribbean Basin Initiative, binigyan ng duty-free exports ang mga bansa sa Caribbean tulad ng Trinidad & Tobago. Ngayon naman, sa ilalim ng Andean Trade Preference Expansion Act, pinagtatalunan ngayon sa lehislatibo ng Estados Unidos kung bibigyan din ng parehong pribilehiyo ang mga orihinal na bansang kalahok sa ATPA, partikular ang Ecuador na siyang may pinakamalaking pakinabang sakaling maisabatas ang panukala.

Napkalaki ang papel na ginagampanan ng Ecuador para sa parehong kumpanyang nabanggit kanina. Bago ipasok sa Bumble Bee sa timog California ang mga tuna, ginawa na sa Ecuador ang pagpoproseso. May 2,000 tauhan ang nasabing kumpanya sa Ecuador at sila ang mga gumagawa ng mga kakailanganing paghahanda sa tuna. Dinadala na lamang sa Bumble Bee ay mga himay ng tuna at paglalata na ang susunod na gagawin sa tuna. Sa kabilang banda, dito naman sa Pilipinas ginagawa ng Starkist ang parehong pagproproseso at paglalata. Sa parehong kalagayan, pinapatawan ng buwis ang pagpasok ng tuna. 1.5 porsyento para sa himay na tuna, samantalang 2.5 hanggang 35 porsyento para sa nakalatang tuna. Dahil sa ganitong uri ng estratehiya, kahit na gumagamit ng tunang galing Pilipinas (na may nakatakdang na labindalawang porsiyentong taripa) ang mga kumpanyang ito, mababawasan sila ng gastusin sa pag-aangkat dahil lalabas na sa Ecuador galing ang mga tuna. Paano pa kaya kung tuluyan nang tanggalin ang kakapiranggot na 1.5 porsiyentong taripa?

Dahil sa Tuna, Pilipinas Laban sa Ibang Bansa

Nagpahayag na ng sentimyento ang mga opisyal ng Tuna Canners Association of the Philippines sa US Trade 2002 Act. Sa pangunguna ng kanilang tagapagsalita na si Francisco Buencamino ay nakipagpulong kay US Ambassador Francis Ricciardone tungkol sa pag-aangkat ng Estados Unidos ng tuna mula sa atin.

Ayon kay Buencamino, ang pouched tuna na higit na malaki sa tunang nakalata ay lumalabas na mas mura pa kaysa sa huli. Sa pagkakasabi nito, ipinahihiwatig lamang nila na malayong makatapat sa kasalukuyang merkado ang mga tuna ng Pilipinas dahil sa una, ang pagbabalot ay gawa lamang ng tao na hindi tulad ng paglalata na idinadaan sa makina. Ikalawa, ang ating canned tuna ay may buwis na 12 porsyento samantalang ang sa ibang bansa sa Latin America ay nakapapasok ng walang anumang duty. Bilang epekto ng taripang ipinapataw, kailangang bawasan ng 15 porsyento ang gagastusin, na imposible naman, para sa pagpoproseso ng ating tuna upang hindi mapag-iwanan sa pandaigdigang merkado.

Kamakailan lamang ay inihayag ng Kalihim Manuel Roxas III ng Department of Trade and Industry ang pagsulong ng ating pamahalaan upang mapasama ang ating tuna sa Generalized System of Preferences ng European Union. Ang GSP ang sistema ng mga mauunlad na bansa upang papasukin nila ang mga produkto ng mga mahihirap na bansa nang kakaunti o wala nang patong na taripa. Marami nang mga bansa ang napasama ang kanilang mga kalakal sa GSP lalo na ang mga bansang African, Pacific, at Carribean, o nababansagang APC. Ang karamihan sa mga bansang APC kasi ay ang mg dating kolnya ng mga bansa sa European Union. Kaya naman hindi kataka-taka na may mga pagtutol sa hakbang na ito ni Kalihim Roxas galing sa mga bansang dati ay mananakop at nasakop. Ngunit higit na mariin ang pagkontra ng Espanya at Pransya. Ayaw din naman kasi nilang isasalang-alang ang katayuan ng kanilang sariling industriya ng pangingisda.

Sa katayuang ito ng ating industriya ng tuna, hindi malayong isa-isang magsara ang mga kumpanyang konektado dito, mula sa mga nanghuhuli pati na rin sa mga gumagawa ng mga de-latang produkto. Ngunit pinakamalalang matatamaan ay ang mga manggagawang umaasa rin sa mga kumpanyang ito. Sila ay ang mga kababayan natin na nasa katimugang Pilipinas, ang mga Muslim ng Mindanao at ang mga etnikong lumad na mahigit sampung libong ang dami. Sila ang mga mangingisda, kargador, at trabahador, na walang magagawa sakaling tuluyang bumagsak ang industriya dahil sa ATPA. Sila ang mga karaniwang taong lalo pang mababaon sa hirap hindi lamang sa napipintong pagkawala ng trabaho, kundi pati na rin sa pagbulusok pababa ng pangkabuoang ekonomiya ng bansa.

Alam man ito o hindi ng Estados Unidos ngunit ang kanyang mga aksyon ay siyempre, mayroong dahilan. At ang mga dahilan ay hindi kataka-takang pabor para sa Estados Unidos.

Tunay na Layunin: Pagsupil sa Droga at Terorismo

Hindi maitatangging ang Timog Amerika ay ang pangunahing pinagkukunan ng ilang mga hilaw na materyal sa paggawa ng ipinagbabawal na gamot. Nariyan ang mga halamang coca at marijuana. Ang kalakalan dito ng narkotiko ay talaga namang laganap dahil hindi lamang ang mga bansa sa rehiyon ang apektado, kundi pati na rin ang buong mundo. Ang impluwensiya ng kalakalan ay umaabot maging sa mismong pamahalaan at takbo ng buhay ng mga taga-Timog Amerika. Umabot na ito maging sa mga tagamasid ng bansang Estados Unidos.

Bukod sa hayagang pakikidigma ng US laban sa terorismo, tinututukan din nila ang lumalalang sitwasyon ng droga na sa kanilang palagay ay ang industriyang nagpapatakbo ng terorismo. Gumastos ang White House Office of National Drug Control Policy ng $3 million para lamang sa dalawang patalastas na ipinalabas sa nakaraang Super Bowl. Sa isang patalastas, animo ay tinatanong ang mga manonood: “Where do terrorists get their money?” Ang sagot ng patalastas: “If you buy drugs, some of it might come from you.” Ipinamumukha na kung ikaw ay isang taong gumagamit ng ipinagbabawal na gamot, parang tumulong ka na rin sa mga terorista. Halos ganito rin ang ipinahayag ni Presidente Bush nang nilagdaan niya ang Drug-Free Communities Act: “If you quit drugs, you join the fight against terror in America.”

Bagamat may mga katanungan at kabalintunaang bumabalot sa gerang ito ng US laban sa bawal na gamot, tuloy pa rin sila sa pagsagupa sa kanilang bagong kaaway, at isinama na rin nila sa gerang ito ang iba pang bansa.

Para sa badyet ng Estados Unidos sa taong 2002, naglaan ang administrasyong Bush ng mahigit kumulang na $882 milyon para sa mga tinatawag niyang international affairs funding for development assistance, democratic institutions building, and counter-narcotics programs para sa mga bansa sa rehiyong Andean. Pitong bansa ang napasama: : Bolivia, Brazil, Colombia, Ecuador, Panama, Peru at Venezuela. Kaakibat ng pinansiyal na tulong na ito ang garantiya ng pamahalaang Amerika sa pagpapalawig pa ng ATPA at pagsulong nito sa Kongreso. Nakikita ng US na ang pera ay magagamit ng mga naturang bansa sa pagsupil sa paglaganap ng droga. Kapalit kasi ng tulong na ito ay ang pakikiisa ng mga nabiyayaang bansa sa laban ng US sa droga, maging ito ay sa paraang pagpapasigla ng mga industirya upang makaakit ang mga taong kumikita sa kalakarang droga, o sa pagpapalakas ng hukbong military upang masupil ang mga sindikato.

Ang hangarin ay maganda, hindi maitatanggi. Ngunit ano naman ang mga nasasakripisyo?

Kontradiksyon, kontradiksyon, kontradiksyon

Naibigay na ng artikulong ito ang istadistika ng mga taong maaapektuhan ng ATPA. Ngunit hindi nito maipapakita ang maaaring kalagyan at kahantungan ng mga taong ito na mawawalan ng pagkakakitaan. Ayon kay Paolo Piscolan, isang policy analyst sa Asian Studies Center ng Heritage Foundation sa Washington, D.C., lalo lamang palalalain ng nasabing tratado ang paghihirap sa Mindanao na nagiging sanhi ng kawalan ng kapayapaan sa rehiyon. Pinangangambahan niya na ito na marahil ang magiging mitsa upang sumapi ang mas marami pa sa mga taga-Mindanao sa mga grupong diumano’y kasama sa terrorist list ng US. Ngunit, ayon pa rin sa kanya, ang pangambang ito, marahil, ang magtutulak upang bigyang konsiderasyon ng US ang hinaing ng Pilipinas, lalo na at kasalukuyang kumikilos ang hukbong sandatahan ng nauna sa gera nito laban sa terorismo. Gayunpaman, mistulang balak labanan ng Estados Unidos ang sinasabi nilang terorismo sa Mindanao sa pamamagitan lamang ng armadong solusyon. Ang ugat ng kaguluhan ay lalo lamang matatabunan sa pagpasa ng tratadong ito. Ang ATPA nga ay solusyon sa problema ng isa, na nagiging sanhi naman sa iba pang problema.

Ang kontradiksyon ng Amerika sa sarili nitong mga ipinaglalaban ay di na kakaiba sa atin. Kita naman ito ngayon sa tratadong ATPA na isinusulong nito sa kabila ng katotohanang makadaragdag problema pa ito sa pasakit ng militarisasyon sa katimugan. Subalit ang isang malinaw na halimbawa ng paglabag nito sa sarili niyang prinsipyo ay ang isyu ng globalisasyon.

Malinaw na mala-doktrina ang paglakad ng Estados Unidos sa isang malayang kalakaran sa pagitan ng lahat ng mga bansa. Nariyan ang WTO, isang organisasyong patagong nakatali sa dikta ng Estados Unidos, na siyang tanod ng globalisasyon. Sa konsepto pa lamang nito, may mga butas ang doktrinang ito, kaya naman tadtad ito ng batikos galing sa iba’t ibang sektor.

Isang pangunahing konsepto ng globalisasyon ang tuluyang pagbaklas ng mga umiiral na taripa sa mga kalakal. Ito rin ang konseptong umiiral sa ATPA at kaya naman walang dagdag bayarin ang mga tunang pumapasok sa Estados Unidos galing sa rehiyong Andean. Ngunit hindi ba’t tayo rin naman, bilang mga kasapi ng WTO ay may karapatang magtamasa ng nasabing benipisyo? Kahit na nga lang bawasan ang kasalukuyang labindalawang porsiyentong patong sa kalahati ay magiging mainam na para sa ating industiya. Dehado na nga tayo dahil sa lubhang napakalapit ng rehiyong Andean sa Estados Unidos kumpara sa Pilipinas. Sa gastos pa lamang sa pagluwas ay talo na tayo, paano pa kung wala nang taripang idinadagdag sa kalakal ng Timog Amerika.

Hindi lang dito natatapos ang mga kontradiksyon sapagkat, lalong higit na mahalaga, ay ang pagprotekta mismo ng parehong Estados Unidos at European Union sa kani-kanilang sariling industriya ng tuna. Ilang mga kongresista mismo ang tumutol sa pagpayag ng Estados Unidos na makapasok nang libre ang produktong tunang galing sa rehiyong Andean gaya ng isinasaad sa ATPA. At ang kanilang dahilan, makasasama ito sa industriya ng tuna ng kanilang bansa. Sa isang liham ng siyam na kasapi ng California Congressional delegation, sa pamumuno ni Rep. Cunningham (San Diego) kay Chairman Bill Thomas (Bakersfield) ng Ways and Means Committee noong Hunyo 11, sinasabing lubhang maaapektuhan nitong duty-free treatment ang industriya ng tuna ng bansa na nakabase sa California. Humigit-kumulang $1.3 bilyon ang kinikita nito taun-taon, at 1200 manggagawa ang nakasalalay dito. Sa pangambang ito ng mga mambabatas ng Amerika, hindi ba’t lumalabas na hindi na pabor sa kanila ang larong globalisasyon sa pagkakataong ito? Mayroon pang isang liham ang nasabing congressional delegation kung saan, tinututulan din nila ang probisyong duty-free ng ATPA sa pamamagitan ng paggamit sa Pilipinas bilang halimbawa. Sinasabing magiging taliwas ito sa pagsuporta ng Estados Unidos sa paglaban nila sa “terorismo” at kahirapan sa Mindanao. Ngunit paano na kung ang ating produktong tuna naman ang maging dahilan ng paghina ng kanilang industriya? Nangangaral sila ng malayang kalakaran samantalang tuloy pa rin ang pagprotekta nila sa kanilang mga industriya tuwing dehado na sila. Nasaan ang sinasabi nilang “free” trade?

Isinusulong ng ating pamahalaan ngayon ang kasong ito sa World Trade Organization. Nais ng ating pamahalaan na pag-aralan pa ng WTO ang mga probisyon ng Andean Trade Preferential Expansion Act, at kung maaari, ay ibasura ito dahil na rin sa mga magiging ekonomiko at panlipunang epekto nito sa ating bansa. Subalit wala pa ring tugon ang organisasyon sa ating mga pagdulog.

ANTITESIS

Anupaman ang posisyon ng WTO sa isyung ito ay hindi mahalaga. Pakinggan man nila o hindi ang ating daing, ang tunay na pagbabago ay di makakamit habang nananatili tayong nakapako bilang isang export-oriented economy. Mula nang dumating ang mga Amerikano upang sakupin tayo, nagkaroon na tayo ng impresyong makakamit ang kaunlaran sa pagbenta natin ng ating mga produkto sa ibang bansa. Animo’y yayaman na ang Pilipinas sa tuwing napapabalitaan ang pagtaas ng kita sa mga exports. Ngunit ito mismo ang paraan ng ating pananatiling mahirap bilang bansa. At siyang gusto ng mga mayayamang bansa.

Hindi ba natin napapansin na ang ating iniluluwas at ibinebenta sa mga mayayamang bansa ay pulos mga hilaw na materyal at pagkain, tulad na lang tuna? Hindi ba natin napapansin na ang binebenta naman ng mga mayayamang bansang ito ay mga produkto ng teknolohiyang gawa sa mga hilaw na materyal na ibinenta natin sa kanila? Hindi pa ba tayo mukhang lugi, na habang binebentahan natin ang EU (Estados Unidos at European Union), Hapon, at Europa ng ating mga tuna at iba pang pagkain ay binibili naman natin ang kanilang mga kompyuter, sasakyan, at makinarya? Hindi ba mayroon din namang sariling industiya ng tuna at kung anu-ano pang pagkain ang EU, Hapon, at Europa, at tayo ay walang-wala pagdating sa kompyuter, sasakyan, at makinarya? Hindi ba tayo napapatanong?

Lugi, kung lugi tayo sa mga probisyong nakakabit sa ATPA. Pero ano ngayon, kung makapapasok ang ating tuna sa Amerika nang walang anumang taripa? Kailangan natin ay isang ekonomiyang industiyalisado hindi ekonomiyang palengke.

MGA SANGGUNIAN:

Rushford, Greg. “Politicians should stop tinkering with tuna tariffs.” Seafood Business Magazine. July 2002.

http://www.atuna.com/markt/News%20Articles/TCAP%20Says%20Philippine%20Cans%20Not%20Competitive%
20At%20The%20Moment.htm