Comfort Women: Pamana ng DIgmaan
ni Leo Nery

Ayon sa mga historiador at sosyolohiko, ang digmaan ang pinakamalaking kasalanan na nagawa ng sangkatauhan sa sarili nito. Sa kasaysayan ng daigdig, sumiklab ang digmaan dahil sa pagnanais ng mga makakapangyarihang estado at organisasyon na mangibabaw sa mga tinatagurian nilang mga “nakakababang uri.” Ngunit, naging bunga nito ang malawakang pagkawasak ng mga gusali, tahanan at maging mga inosenteng buhay.

Sa ating kasaysayan, mahirap kalimutan ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig (IDP), kung saan naiwan ang Pilipinas sa isang kalunos-lunos na kalagayan. Mahigit-kumulang sa 75% sa mga industriya at imprastruktura ang nawasak dahil sa pambobomba, panununog at paninira. Ngunit, sa mga nabubuhay pang mga biktima ng digmaan, matinag sa kanilang alaala ang pananakot, malawakang pagpatay at pagwasak sa mga tahanan, pamilya at panghahalay sa mga kababaihan.

Ngayon, sa panahon kung saan nagkakaroon ng “all-out war against terrorism,” MLSA, Balikatan at iba pa na tila paghahanda sa pagsabak muli ng Pilipinas sa digmaan, lumabas na muli at sumisigaw ang mga biktima ng nakaraang IDP matapos ang mahigit 50 taong pananahimik, hindi lamang upang tuligsain ang mga pagdating mga Amerikano sa ating bansa, kundi pati na rin tutulan ang layuning pakikipagdigmaan. Sila ang mga Comfort Women, ang mga alaala ng hinagpis at pang-aapi ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig.

Bakit nangyari ito?

Noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, dahil sa patakaran ng mga kanluraning bansa na ipagtanggol muna ang Europa (tinagurian na “rainbow 5 policy”), napilitang isuko ng mga Amerikano ang Pilipinas. Ang pagbitiw na ito ang nagbigay-daan para sa pagpapasailalim sa Imperyong Hapon.

Dulot nito, nagpadala ang Imperyo ng mga tropa ng sundalo sa iba’t-ibang rehiyon sa Pilipinas upang protektahan ang bagong sakop na teritoryo. Ngunit, dahil sa kalakihan ng tropang pinadala, umangat ang suliranin ng pagpapakain, pag-aalaga at pananatili ng moral ng libu-libong sundalo na dinispatsa sa Pilipinas. Nangailangan rin ng patunay na napasailalim na, hindi lamang ang bansa, kundi pati ang lahing Pilipino sa Imperyong Hapon

Ito ang dahilan kung bakit binuo at pinairal ang sistemang Comfort Women (Jugun Ianfu), kung saan dinudukot ang mga kababaihan sa iba’t-ibang lungsod at bayan sa Pilipinas at dinadala sa mga garison (na nagsisilbi ring mga comfort station). Sa mga garison na ito, inalipin, binugbog at ginahasa ng mga sundalong Hapon ang mga nabihag nila na mga Pilipina. Sa ilang mga paglalahad, maaaring makaranas ang karaniwang comfort woman ng mahigit 30 pagkakataon ng karahasan at panggagaahsa.

Sa librong Comfort Woman, Slave of Destiny, inilahad ni Lola Rosa, isang comfort woman, ang karahasang naranasan niya sa kamay ng mga sundalong Hapon.

“...At two in the afternoon, the soldiers came. Some of them were brought by truck to the garrison. My work began, and I lay down as one by one the soldiers raped me. At six p.m., we rested and ate dinner. Often I was hungry because our rations were so small. After thirty minutes, I lay down on the bed again to be raped for the next three or four hours. Every day, anywhere from ten to over twenty soldiers raped me. There were times when there were as many as thirty: they came to the garrison in truckloads. At other times, there were only a few soldiers, and we finished early.”

(Maria Rosa Henson, Comfort Woman, Slave of Destiny, 1996, page 64).

Ayon kay Lola Rosa, dumaraan lamang siya sa isang military checkpoint nang binihag siya.. Labinlimang taon pa lamang siya noon. Ngunit ang pang-aabuso sa kanya ay nagsimula noong labingapat na taon pa lamang siya, kung saan ginahasa siya sa dalawang magkaibang pagkakataon ng mga grupo ng mga sundalong Hapon.

Hindi si Lola Rosa ang una o huling naging biktima ng abusong pisikal at sekswal. Sa isang pagsusuri, mahigit kumulang na 1,000 ang naging biktima ng pang-aaliping sekswal sa Pilipinas, ngunit mangilan-ilan lamang ang lumabas.

Noong ikatlo ng Setyembre ng taon na ito, nagkaroon ng isang porum na pinangalangang “Lila Pilipina: 50 taong pananahimik, 10 taong pakikibaka” dito mismo sa Ateneo, kung saan naglahad ang ilang comfort women ng kanilang karanasan sa panahon ng Hapon.

Isa sa mga lola na dumalo ay si Lola Lucia. Umiiyak siya nang inilahad ang karanasan niya noong panahon ng pananakop, kung saan dumating ang limang sundalong Hapon sa kanilang tahimik na tahanan sa Bulacan. Pagdating ng mga sundalo sa bahay nila, binayoneta ng mga ito ang mga magulang niya at pinira-piraso ang kanyang kapatid. Matapos nito, dinala siya sa garison, kung saan nakasama niya ang 14 o 15 mga babae. Doon, inalipin sila, ginahasa sa bawat pagkakataon at ang tanging pahinga ay ang paglalaba at pagluluto para sa mga sundalo. Nang makalaya na siya, binalikan niya ang bahay ng kanyang nasirang pamilya. Ngunit, iba na ang naninirahan dito sa pagbalik niya at napilitan na siyang manirahan kasama ang mga ito.

Sa likod ng mga pangyayari na ito, tila sila ang mga masusuwerte, dahil ang iba sa kanilang mga kasama ay namatay sa loob ng mga garison dahil sa karahasan. Binabayoneta at pinapaso ng sigarilyo ang ilan. Sa iba namang mga paglalahad, binubugbog ang ilang mga comfort women hanggang magsawa ang sundalo o hanggang mamatay sila. Iba’t-iba ang dahilan sa pagpataw ng ganitong “parusa:” maaaring dahil sa hindi ito makatayo, nagkaroon ito ng sakit, o dahil sa hindi nasayahan ang sundalo sa pakikipagtalik.

Ano ba ang comfort woman?

Ang sistemang comfort women ay ang puwersahang pagdakip at panggagahasa ng mga sundalo ng Japanese Imperial Army sa mga kababaihan ng kolonyang napapasailalim sa kanila. Sa panahon ng 1941 hanggang 1945 na tayo ay nasa ilalim ng mga Hapon, mahigit 1,000 kababaihan Pilipino ang dinakip at ginawang alipin ng mga sundalong Hapon. Ang mga dinakip, karaniwang mga 12 hanggang 15 taong gulang, ay dinadala sa mga garrison o mga comfort stations, kung saan sila ay pinagluluto, pinaglalaba at pinaglilinis. Sa isang pagsusuri, mahigit 21 na mga lungsod tulad ng Cebu, Maynila at Timog Cotabato ang pinagtayuan ng mga comfort stations.

Dala lamang ang damit na suot nila at halos kulang sa pagkain at pahinga, nanilbihan ang mga nabihag na babae bilang mga katulong ng mga Hapon. Ngunit, ang pangunahing silbi nila ay tugunan ang mga pangangailangang karnal ng mga sundalo. Karaniwan, ginagahasa ang mga comfort women ng mahigit 30-100 sa loob ng isang linggo. Sila rin ang nagiging pinagbubuhusan ng mga naiipong galit at poot ng mga Hapon, na nakikita sa pamamagitan ng pambubugbog, pamamaso at iba pang mga parusa.

Pinatupad din ang sistemang ito sa iba pang mga kolonyang Hapon tulad ng Manchuria, Korea, Dutch East Indies, Malaysia, Indonesia at Taiwan. Tinatayang mahigit kumulang na 100,000 hanggang 200,000 Asyanong kababaihan ang naging biktima ng panggagahasa at karahasan at wala pang 30% ang nakaligtas nang matapos ang digmaan.

Katulad ni Lola Rosa at Lucia, hindi lamang ang nakaraan ang sinira ng digmaan, kundi ang buong buhay nila. Sa mahigit na 1,000 Pilipinang nakaranas ng pang-aaliping sekswal, ilan lamang ang naglahad, dahil sa kahihiyan na naranasan nila sa kamay ng mga asawa, anak, at iba pa na mga miyembro ng lipunan. Pinagtabuyan ang iba sa sarili nilang mga tahanan at napilitan na lamang magtrabaho bilang mga labandera at alila. Napilitan ang iba na magtago na lamang at mawala na sa kasaysayan ng mundo. Ngunit, ang lahat ay nagkimkim na lamang, at ang mga sugat na sikolohikal at pisikal ang naging mapapait na alaala ng kanilang kahapon.

Paglabas sa katahimikan

Ito na sana ang naging pinakatagong lihim ng mundo, kung hindi dahil kay Kim Hak Sun, isang Koreanang biktima ng sistemang comfort woman. Sa isang malawak na tagapakinig sa Asian Conference on Traffic in Women sa Seoul noong Disyembre 1991, inilahad niya sa mundo ang masakit na karanasan na iniwan sa kanya ng Japanese Imperial Army nang sinakop nito ang Korea. Matapos ang mahigit na 50 taong paglilihim ng mga biktima at pagtatakip ng pamahalaang Hapon, nailabas rin sa isang gulantang na mundo ang pagkakaroon ng mga comfort stations at mga krimeng sekswal na dulot ng hangad na imperyalismo ng Hapon.

Sa simula, itinanggi ng gobyernong Hapon na nagkaroon ng sistemang comfort woman. Ngunit, matapos ng ilang mga pagsusuri, lumabas na nagkaroon ng ilang libong mga comfort stations sa mga nasakop na bansa. Muli namang pinabulaanan ito ng bansang Hapon, at itinanggi na puwersahang dinakip ang mga babae. Ayon sa mga opisyal na tugon ng bansang Hapon, ang mga biktima ay boluntaryo na nagserbisyo sa mga garison, at makatao ang pagpapalakad sa mga comfort stations. Binayaran din sila para sa mga serbisyo nila.

Noong Disyembre 6, 1991, nagsampa ang mga Koreanong biktima ng karahasan laban sa pamahalaang Hapon sa Tokyo District Court, at humihiling ng angkop na kompensasyon para sa mga pinsalang dulot ng mga Hapon. Sinundan naman ito ng mga iba pa na mga biktima sa iba’t-ibang bansa, kasama si Lola Rosa, ang unang Pilipinong naglahad ng karanasan niya

Simula nito, unti-unting lumabas na ang mga iba pa na mga biktima ng sistemang comfort women, nakakuha ng lakas ng loob at paninindigan na isiwalat ang lahat at humingi ng katarungan sa krimeng nagawa laban sa kanila. Bunga nito, ilang mga organisasyong pangkababaihan ang tumugon upang alagaan at ipagtanggol ang mga nabubuhay pa na mga comfort women,

Noong Hulyo 13, 1992, nagtipun-tipon ang pitong organisasyong pangkababaihan upang buuin ang Task Force for Filipino Comfort Women, isang grupo na tumutulong sa mga comfort women sa kanilang laban para sa katarungan at kompensasyon. Nang lumaon, nabuo ang Lila Pilipina, isang sangay ng grupong Gabriela na nagsisilbi bilang sentro ng pagtataguyod ng karapatang pambabae, at upang iligtas at tulungan upang magkamit ng katarungan ang mga biktima ng karahasan laban sa kababaihan.

Ang Lila-Pilipina, bilang organisasyon, ang siyang kumawatawan sa mga comfort women sa mga hukumang pandaigdig at tumutulog sa mga ligal at pinansiyal na pangangailangan nila. Sa kasalukuyan, tumutulong ang Lila-Pilipina sa pagtaguyod ng mga sumusunod na kahilingan ng mga comfort women:

mula sa gobyernong Hapon

a. Buksan ng gobyernong Hapon ang kanyang military archives na maglalantad sa naging operasyon nito sa comfort stations at sa sistemang comfort women;

b. Sapat na kompensasyon para sa kababaihang biktima at sa mga pamilya nito;

c. Itala sa kasaysayan ng bansa ang realidad ng comfort women at tukuyin ang sistemang comfort women bilang krimen ng digmaan (war crime) at krimen laban sa sangkatauhan (crime against humanity) ng bansang Hapon noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig (IDP);

d. Aminin nito ang kanyang tuwiran at pwersahang pagdukot at konskripsyon sa mga biktima;

e. Pormal nitong ipahayag ang paumanhin o apology sa sambayanang Pilipino, partikular sa kababaihang biktima at sa mga pamilya nito.

mula sa gobyerno ng Pilipinas

a. Maglabas ito ng opisyal na paninindigan na kumikilala sa isyu ng comfort women bilang krimeng ginawa ng bansang Hapon noong IDP sa kababaihang Pilipino at kondenahin nito ang bansang Hapon at humiling mula rito ng pormal na paumanhin para sa mga biktima at mamamayang Pilipino;

b. Maglunsad sa pambansang saklaw ng opisyal na imbestigasyon at dokumentasyon hinggil sa isyu;

c. Itala sa kasaysayan ng bansa ang realidad ng comfort women at comfort stations noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig;

d. Magtayo ng mga istorikal na palatandaan (markers) o shrines bilang paalala sa pag-iral ng sistemang comfort women sa kasaysayan ng bansa noong IDP

e. Magbigay ng materyal na tulong sa mga naging biktima at sa mga pamilya nito (kinuha mula sa pamphlet na inihanda ng Friends of the Lolas)

Sa kasalukuyan, ang sinusulong ngayon ng Lila-Pilipina ang pagpapatala sa kasaysayan ng bawat bansa ang sistemang comfort women, upang matala at maipahiwatig sa mundo ang bunga ng digmaan at tuligsain ang institusyonalisadong panggagahasa bilang paraan ng pangingibabaw. Ibig rin nila na matukoy ang mga paglabag sa karapatang pambabae bilang krimen, at ang panggagahasa bilang isang krimen pandigmaan.

Bingi-bingihan at bulag-bulagan

Noong 1993, dalawang beses nagsampa ng kaso ang mga lola na inaalagaan ng Lila-Pilipina sa Tokyo District Court; ang una ay noong Abril 3, kung saan 18 ang naghabla at noong Setyembre kung saan sinamahan sila ng 23 pa na comfort women. Ayon sa ligal na representasyon, nilabag ng bansang Hapon ang mga alituntunin ng Hague Convention of 1907, International Convention of the Traffic in Women and Children, Convention on Forced Labor, International Customary Law at War Regulations.

Ngunit, binigo ng Tokyo District Court ang reklamo ng mga lola, dahil ayon sa desisyon na nilabas, hindi nasasakop ang mga naghabla sa mga karapatan sa ilalim ng mga internasyunal na batas. Alinsunod rito, hindi rin maaari na ang mga lola lamang ang kakatawan sa sarili nila dahil kaso ito sa pagitan ng dalawang estado.

Ayon rin sa desisyon, ang mga kilos ng bansang Hapon noong panahon na iyon ay sakop ng probisyon ng sovereignty of the state, na ang mga aksyon ng mga Hapon ay mga pagpapairal at paggamit lamang ng kapangyarihan. Sinuong pa rin ito ng Lila-Pilipina sa Tokyo Appelate Court, ngunit natalo pa rin sila. Sa kasalukuyan, nasa Korte Suprema na ng Hapon ang kaso at lalabas ang desisyon sa loob ng taon na ito.

Naghabla rin ang mga lola sa korte ng Estados Unidos sa District Court of Columbia, Washington D.C., sa mga basehan na nilabag ng mga Hapon ang mga internasyunal na batas sa karapatang pantao at mga krimen sa daigdig. Ngunit, muli, nabigo ang mga lola, dahil ayon sa desisyon ni Hukom Kennedy noong Agosto 1, 2001, wala raw hurisdiksyon ang San Francisco Peace Treaty sa kaso nila at hindi maaaring ihabla ang Emperador ng Imperyong Hapon dahil sa taglay nitong immunity. Muli, inapela ang kaso.

Sa halip, naglabas na lamang ang bansang Hapon ng tulong at kompensasyon sa pamamagitan ng Asian Women’s Fund at iba pa na mga programang pantulong sa mga nabubuhay pa, at nagpalabas ang mga punong ministrong nagdaan ng kanilang pagpapaumanhin sa mga comfort women. Sa karaniwang pagkakataon, nakatatanggap ang isang comfort woman ng $2300.

Ngunit, sa isang sitwasyon na nagkaroon ng malawakang paninira ng buhay at kinabukasan, nilagyan ng monetary value ang mga pang-aabuso sa mga comfort women. Ayon sa rekomendasyon ng mga komisyon ng United Nations, kinakailangan na maglabas ang angkop na programang kompensasyon ang bansang Hapon na $40,000, ilabas ang mga rekord ng digmaan at kinakailangan na ilitis ang mga nagkasala. Higit sa lahat, kinakailangan na maglabas ng opisyal na paumanhin ang bansang Hapon sa mga buhay na pinahipan at inapi nila sa panahon ng kanilang sapilitang pagpapaibabaw.

Makikita rin sa napalabas na desisyon ng mga korteng Hapon at Estados Unidos, nagkaroon ng pagkiling ang mga ito sa reputasyon ng bansang Hapon. Ginamit ang mga legal loopholes ng mga international laws at treaties upang makatakas sa ang Hapon sa mga obligasyon nito, na maghaharap sa bansa sa isang malaking kahihiyan at kabayaran.

Sa kasamaang palad, binigo ang mga comfort women ng pamahalaang Pilipinas na tanging mesiyas nila Sa halip na suportahan sa mga ligal, pinansyal at sikolohikal na pangangailangan, nagbingi-bingihan ang gobyerno sa mga sakit ng mga comfort women.

Sa mga nagdaang mga administrasyon, tila nagkakaroon ng moro-moro ukol sa isyu ng mga comfort women. Sa isang mukha, nagpapalabas ng simpatiya ang pamahalaan ngunit tila isang pagpapatuta at pagkiling sa mga aksyon ng bansang Hapon ang nilalabas sa kabila. Walang naging konkretong bunga ang mga hinaing ng comfort women sa pamahalaan. Lumala pa ang sitwasyon sa administrasyong Estrada, kung saan halos wala talagang pag-usad at pansin, marahil dahil sa takot na bumagsak lalo ang ekonomiya kung tutuligsain ang bansang Hapon, na pangalawa sa pinakamalaking pinanggagalingan ng investments. Bagamat marami nang mga resolusyon sa Kongreso ukol sa pagtulong sa mga comfort women, hanggang sa kasalukuyan, pilay pa rin ang paggalaw sa administrasyong Arroyo dahil sa pang-ekonomikong dahilan.

Kolaborasyon at pagtatalikod

Makikita na dahil sa pagkatali ng gobyerno sa ekonomiko at pulitikal na suliranin, nagkaroon ng kawalan ng konkretong pagsuporta ang pamahalaan. Sa pagkakataon na dinggin at magkaroon ng manipestasyon ng protesta sa pamamagitan ng pagsampa ng Pilipinas bilang estado ng kaso sa pandaigdigang korte, may takot na mawawala ang bansang Hapon sa economic portfolio ng Pilipinas, na lubhang ikinatatakot ng mga nagdaan at kasalukuyang administrasyon. Sa ngayon, sumusunod lamang ang Hapon sa Estados Unidos sa pinakamalaking investors sa bansa.

Dulot nito, hindi makagalaw ang gobyerno sa isyu na ito. Sa halip, nagsisilbing mga pulubi na nanghihingi ng limos at awa ang bansa sa mga Hapon, na tila utang na loob na maglabas ito ng pormal na paumanhin. Lalo pang lumalala ang sitwasyon, dahil parang ginagamit na bentahe ito ng administrasyon upang makakuha ng higit pa na investments at financial aid, isang paraan ng economic blackmail. Dahil dito, tinatrato ng mga pulitiko ang bansang Hapon na sacred cow na hindi maaaring galawin o tuligsain, bagamat inapi at sinamantala nito ang mga mamamayan ng estado.

Ngunit, hindi ito sapat na dahilan na iwasan o ibaon na lamang sa limot sa kamalayang madla at pampamahalaan ang isyu ng comfort women, dahil isa itong krimen hindi lang laban sa mga biktima kungdi rin sa sangkatauhan. Marahil, ito ang dahilan kung bakit tinanggihan ng ibang mga gobyerno tulad ng Korea ang mga mga international settlements tulad ng Asian Women’s Fund. Sa halip, binayaran ng gobyerno ng Korea ang salapi na dapat na kompensasyon na ibibigay ng Asian Women’s Fund sa bawat Koreanong comfort woman at mariin na iginigiit ang isang pormal na paumanhin mula sa bansang Hapon at harapin nito ang mga responsibilidad nito sa mga biniktima at winasak na buhay.

Nakakalungkot, pero totoo. Tila nga nagkakaroon ng kolaborasyon ang mga gobyernong Hapon at Pilipino na makipaglaro ng hintayan sa mga lola, na hintayin na lamang nila na mamatay na ang mga ito, upang mabaliktad ang panlipunang aspeto nito at maging akademikong isyu, na mawala na sa kasaysayan at kamalayan ang karahasan at kasamaan na dulot, hindi lamang ng pananakop ng Hapon, kundi pati ng imperyalismo, pangigibabaw at digmaan.

Mga alaala at pamana

Ngayon, dahil na rin sa kabiguan sa paghahanap ng hustisya sa lokal at internasyunal na korte, nagmobilisa na ang mga lola upang tuligsain ang mga istruktura na maaaring makaapekto, hindi lamang sa mga kapakanan nila, kundi pati na rin para sa kinabukasan ng mga Pilipino, partikular na sa mga kabataan.

Layunin nila na maisulat sa kasaysayan ang karanasan ng lahing Pilipino sa IDP, hindi lamang sa lokal na kamalayan, kundi pati na rin sa kasaysayan ng mundo. Inaasahan nila na kapag namulat ang mga mamamayan sa karahasan at pinsala na dulot ng imperyalismo at digmaan, tutuligsain ng madla ang anumang patakaran ng gobyerno na sumabak muli sa gulong pandaigdig.

Dahil rito, hinihimok ng mga lola ang kabataan na maging aktibo sa pagtatanggol sa kapakanan ng bansa, lalo na ngayon kung saan nagsisilbi tayong mga alalay ng mga makakapangyarihang bansa sa kanilang pagtatangkang makialam at mangibabaw sa mga estado at institusyon na tinatagurian nilang “terorista.” Minumungkahi nila na ipahiwatig natin ang ating pagtuligsa sa pamamagitan ng pagsulat at pagbibigay-alam sa madla sa karanasan ng mga comfort women, at ipabigay-alam sa mga kinuukulan na suportahan ang mga resolusyon na dapat ipatupad ng bansang Hapon upang akuhin nito ang mga responsibilidad nito. Ibig rin nila na matala sa kasaysayan at huwag ipalimot ang mga karanasan nila. Higit pa rito, ibig nila na labanan natin mismo ang anumang maaring maglagay sa atin muli sa gitna ng digmaan, hindi lang para sa kanila, kundi para na rin sa atin.

Ang alaala ng mga pait at sakit, ang mga sugat na nakamtan nila ang ibig nilang maging alaala natin sa kasamaan na dulot ng gulo, sapilitang pangingibabaw at digmaan. Ito ang ibig nilang maging pamana nila sa atin at sa mga susunod na henerasyon; isang bansa na maaring mabuhay ng tahimik at ligtas sa karahasan.

Maraming salamat sa lahat ng bumubuo ng Lila Pilipina-Gabriela. Sa mga nagnanais makibahagi sa pakikibaka ng mga comfort women, maaaring tawagan ang Lila-Pilipina sa mga numerong 4335061 o (0919) 505 7297 (CELIT) at (0919) 275 3958 (RITCHIE).