Kung Paano Naibebenta ang Hindi Napapansin: Indigenous Peoples’ Rights
nina Ruthy Corpuz at Keisie Marfil

Ano ba ang unang pumapasok sa isipan ng karamihan kapag nasabi ang mga salitang Igorot, T’boli, Aeta, Lumad o Mangyan? Sa mga pangalan pa lamang, alam na natin na mga katutubong Pilipino ang mga ito. Marahil nailalarawan sa ating isipan ang isang lalaking naksuot ng bahag, maitim na babaeng kulot at mga taong maraming alahas sa tainga, ilong at kung saan-saan. Maaaring pinag-iisipan din natin kung masakit ba ang pagkalagay ng mga alahas na iyon. “Weirdo”, kadiri, kakaiba, kahiya-hiya, baduy, at makaluma malamang ang mga unang paglalarawan natin sa kanila. Marahil, ang namamayaning kanluraning kultura ang nagbubungsod ng ganitong reaksyon. Iba na kasi ang normal sa atin. Maaaring malayo sila sa atin hindi lamang dahil sa nasa liblib silang mga lugar, ngunit malayo na rin ang ating mga pananaw, paniniwala at pag-iisip. Natuto tayong isantabi sila sa lipunan at tignan sila na para tayong mga turista na lamang. Nakakalimutan ang katotohanang mas malapit sila sa atin kaysa nais nating aminin. Dahil dito, kakaunti lamang ang nalalaman natin tungkol sa kanila. Kung gayon, paano pa kapag may problema sila? Kung ganito ang palagay ng karamihan sa ating simpleng mga mamamyan, paano na ang mga opisyal ng ating pamahalaan? Nasa gitna tayo ng pagpapaunlad ng bansa kung kaya nakakalimutan o kaya ay naisasantabi ang ating mga katutubo. Bilang resulta, maraming mga sulranin ang lumalala. Maraming mga paglabag sa kanilang mga karapatan ang hindi naaksyonan. Sa ganitong sitwasyon, walang ibang interesado kundi ang mga katutubo at kanilang mga pinuno mismo.

Tunay na nasa ating pagkatao ang pagnanais na umunlad. Maaaring ito ay ang pag-unlad ng sarili na sinusundan ng pagpapaunlad ng bansa. Ngunit hindi magiging tuluyan ang pag-unlad kapag hindi alalahanin ang pinagsimulan. Kung sa ating sariling pag-unlad ang pag-uusapan, kailangan ang lubos na pagkilala sa ating pagkatao. Kasama dito ang mga tanong kung saan tayo nagmula. Sino ang ating mga ninuno? Ano ang maaaring namana natin sa kanila na maaaring makatutulong sa atin? Gayon din ang malawakang pagpapaunlad sa bansa. Kung ekonomiya ang pag-uusapan, maaari nating bigyang-pansin kung saan ba nag-ugat ang mga kayamanang nagpapabuhay sa ating ekonomiya. Babalik at babalik tayo sa ating mga ninuno na unang nagmay-ari sa mga lupang pinagkukhanan natin ng mga kayamanang ito. Ang mga kaalaman sa paggamit ng mga kayamamang ito ay nagmula din sa kanila. Sa ngayon, mainam na matutunan sa kanila ang paraan ng paggamit ng mga kayamanang ito na hindi nasisira ang balanse sa kalikasan.

Samantala, kakaunti lamang ang alam natin tungkol sa mga katutubo. Nabibigayang pansin lamang sila tuwing Indigenous Peoples Month o kapag napakalala na ng paglabag sa kanilang mga karapatan. Marahil nagbubuhat lamang mula sa mga balita ang impormasyong nakukuha natin ukol sa kanila. Tunay na imposibleng malaman ang lahat ng bagay ukol sa kanila ngunit makatutulong ang simpleng pag-aalala at pagkilala na bahagi sila ng ating lipunan.

Sa paglikom ng mga balita mula sa mga naklipas na taon, mayroong lumalabas na karaniwang mga suliranin ng atin mga katutubo. Ito ay mga problema sa komodipikasyon at asimilasyon nila sa lipunan. Nagbuhat ito sa pagkawala nila ng lupa , kakulangan ng pansin ng pamahalaan at ng mga mamayan, at kung napansin man, ang diskriminasyon at pang-aabuso sa kanilang mga karapatan na nagmula sa pagiging iba nila sa namamayaning kultura sa lipunan.

Ang Pagbebenta ng Lupa at Kultura

Noong 1998 sinimulan ang paggawa ng isang megadam na tinatawag ng San Roque Dam sa rehiyon ng Cordillera. Proyekto ito na suportado ng pamhalaan at ng isang korporasyonng binubuo ng Marubeni Corporation at Kansai Electric Power Company ng Japan kasama na rin ang US Sithe Energies. Malapit na itong matapos sa kabila ng pagporotesta ng mga Ibaloy at ang ilang mga NGO na tumutulong sa kanila. Higit sa 60 000 tao na ang nasalanta sa paggawa ng megadam na ito dahil sa pagkawala ng lupa , kabuhayan at mainam na paninirahan. Namamatay ang kultura nila kasama ng mga matatandang hindi nakakayanan ang kaibaihan ng lugar ng pinaglilipatan nila. Pangatlong beses na ito nangyari sa mga Ibaloi dahil sa paggawa ng Ambuklao at Binga Dam, na malapit din sa kanila. Naging matagumpay sila sa pagpigil ng paggawa ng Chici River Dam, ngunit kailangan pang mamatay ang kinikilala nilang bayani na si Maclijing Dulag para magawa ito.

Sa Mindanao naman, patuloy pa ring nilalabanan ng mga Subanon ang Toronto Ventures Inc., isang kompanyang minahan mula sa Calgary Canada. Inokupahan na ng kompanyang ito ang kanilang lupa sa Canatuan mula pa noong 1994. Siyam na taon silang inaaagawan ng kabuhayan at napapsailalim sa diskriminasyon at karahasan. Dahil sa barikadang itinayo ng kompanya, walang nakadadaan na hindi hinaharang ng mga agresibong guwardya. Hindi rin nakadaraan ang mga serbisyong pangkalusugan sa kanilia. Hindi nila magawa ang kanilang mga ritwal dahil hindi pinahihintulutang dumaan ang kanilang pari sa kanilang sagradong lupa. Mayroon na ring ilang namatay dahil sa karahasang dulot ng militarisasyon ng lugar.

May mga batas na ipinatupad na naglalayong maprotektahan ang mga karapatan ng mga katutubong ito sa lupang ninuno nila, ngunit maraming butas sa mga batas na maaaring lusutan upang hindi maputol ang daloy ng kalakalan na siyang prayoridad ng pamahalaan.

Para mabuhay, marami sa mga katutubo ang lumuluwas sa mga lungsod para maghanap-buhay. Marami naman ang naiiwan para mapagkakitaan ang mga turistang bumibisita. Dito na pumapasok ang komodipikasyon ng kultura. Isang malinaw na halimbawa ang mga matatandang Igorot nagpapakuha ng litrato sa Banaue Rice Terraces. Walang iba kundi kahirapan ang nag-tulak sa kanilang kalimutan ang kanilang dignidad at pumayag na magmistulang bagay pang-turista tulad ng Banaue Rice Terraces na tinatalikuran nila. Bakit naman sila pipigailan kung nakakaakit naman sila ng mga turista? Pati ang Banaue Rice Terraces ay hindi nakakatakas sa komodipikasyong ito. Kung dati ay palay ang itintanim dito, mga “cash crops” tulad ng mga aspragus at bulaklak ang itinatanim ngayon. Isa-isa na ring itinitinda ang mga bahagi ng palayan dahil sa ayaw nang manahin ng mga sumusunod na henrasyon ang palayaan, at dahil na rin sa kahirapan.

Ang kontrobersya sa RA 8371

Hindi naging sapat ang pagbibigay ng karapatan sa mga katutubo sa konstitusyon kung kaya ipinaptupad ang Indigenous Peoples Rights Act noong 1997. Isinulat ito ni Senator Juan Flavier na siyang namumuno sa Senate Committee on Cultural Communities. Itinatag ang batas na ito para maisakatuparan ang pakikilahok ng mga katutubo sa paggawa ng mga batas o polisiya at matuunan ang kanilang mga karapatan sa lupang ninuno. Sa ilalin ng batas na ito naitatag, ang National Commission on Indigenous Peoples. Ito ang sinasabing pangunahing ahensiya ng pamahalaan na namamahala sa pagtulong sa mga katutubo, at pakikinig at pagbibigay-aksyon bilang tugon sa kanilang mga hinaing. Malaking kapangyarihan ang ibinigay sa ahensiyang ito. Kung ang Department of Environment and Natural Resournces dati ang siya lang may kapangyarihan sa pagbigay ng Certificate of Ancestral Land Title at ng Certificate of Ancestral Domain Titles, na nagmula lamang sa mga Certificate of Ancestral Land or Domain Claims, ang NCIP na ang may hawak nito.

Samantala, pagkalipas ng higit sa apat na taon mula ito ititnatag, higit na nagkaroon ng gulo ukol sa mga karapatan sa lupang ninuno at lumalabas na mas nagpagpapalawak ng paglabag sa karapatan ng mga katutubo ang batas na ito. Marami ang tumututol sa batas na ito dahil sa ilang dahilan tulad ng hindi pakikiayon ng batas na ito sa konstitusyon mula pa noong sinmulan ito. Ito ang dahilang gamit ng malakas na oposisyon kung saan kasama ang mga kompanya sa minahan at pagtotroso. Ngunit sa kabila ng lahat, ipinatupad pa rin ito.

Hindi tuluyan ang kasiyahang nadama ng ating mga katutubo ukol sa pagtupad ng batas na ito. Unti-unting lumabas ang mga butas na maaaring daanan ng mga makapangyarihan. Unang-una, hindi malinaw ng tuluyang pagkilala sa kanilang mga karapatan sa mga lupang ninuno nila. Pinapahirapan ng DENR ang NCIP na magbigay ng mga Certficate of Ancestral Land o Domain Titles dahil sa oposisyon ng mga namumuno dito sa mga probisyon sa IPRA. Ayon din sa mga katutubo, iniiba ng mga opisyal at mga commissioner na inilagay sa NCIP ang pamumulitka kaysa ang pagtugon sa mga hinaing. Ikaalawa, nasa pamahalaan pa rin ang huling salita tungkol sa mga lupang ninuno. Ayon sa IPRA, hindi maaaring paalisin ang mga katutubo sa kanilang mga ninuno kung hindi sila lahat pumayag. Ngunit mayroon tayong tinatawag ng “eminent domain”, na nagsasabing pagmamay-ari ng isang estado ang lahat ng lupang napapailalim dito. Kung piliin ng estado na suportahan ang isang kompanya sa paghihimasok sa lupang ninuno para sa dahilang pang-ekonomiya, maaari pa ring paalisin ang mga katutubo. Pangatlo, ayon din sa IPRA, hindi maaaring itinda ang “ancestral domain”. Tila nakikigamit lamang ang mga kompanya sa lupa sa kanilang pagmimina, pagtotroso o paggawa ng dam. Ngunit dapat kasama ang mga katutubo sa negosasyon ukol sa mga nanghihimasok na mga kompanyang ito. Karapatan din nila ang makatanggap ng kompensasyon na maaaring sa katawan ng salapi. Kung gayon, napapaalis ang mga katutubo sa kanilang mga lupa na hindi nila itininda at namumuhay sa kakaunting kompensasyong ibinigay ng kompanya habang inuubos nito ang kayamanan mula sa lupa nila.

Aksyong ginagawa ni GMA

Pinaka-unang Executive Order ng Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ang pagtatag ng Office of the Presidential Adviser on Indigenous Peoples Affairs noong ika-20 ng Pebrero, 2001. Inatasan ng pangulo si Howard Q. Dee na mamuno dito. Naglayon itong maayos ang pagbibigay ng mga Certificate of Ancestral Land o Domain Titles at magkaroon ng quick response mechanisms sa pagtugon sa mga pangangailangan ng mga katutubo. Kasama rin dito ang paglilikom ng pera para maitupad ang sinsabing master plan para sa mga katutubo. Sumunod naman ang pangako ng Pangulo na maipamimigay ang 100 Certificate on Ancestral Land o Domain Titles pagdating ng ika-30 ng Hunyo, 2002. Sa ngayon, wala pa rin ni isa sa mga certificates na ito ang naipapabigay sa mga katutubo. Sinisisi ng Pangulo ang NCIP.

Sinsisi naman ang Pangulo ng mga katutubo dahil sa kawalan ng suporta sa pagbuo ng badyet para makagalaw ang NCIP. Ayon sa Mindanao Indigenous Peoples Peace Negotiating Panel, nauubos ang 390 milyong pisong ibinigay sa pagbayad pa lamang sa mga empleyado ng NCIP na naghahalagang 308 milyong piso. Kulang na ang P70 milyong natira. Sa kabila ng lahat, namatay ang OPAIPA at walang partido na pangunahing kumakatawan sa mga katutubo sa pamahalaan. Sa ngayon, patuloy na hindi napapansin ang kahilingan ng mga katutubo. Sa lahat ng nangyari, tila walang nagbago. Ang mga katutubo mismo , mga opisyal ng pamahalaan na katutubo din at mga NGO pa rin ang pumapansin sa mga suliranin.

Asimilasyon sa Lipunan

Laganap ang makakanluraning kultura sa ngayon. Malayo ang kinikilala nating normal na pamumuhay sa kinikilala ng mga katutubo. Dala ng kahirapan, ng pagkawala sa lupa at ng kawalan ng pansin ng pamahalaan, napipilitan ang mga katutubo na maki-ayon sa uri ng pamumuhay at kulturang namamyani sa lipunan. Kung hindi naman, maaaring dahil sa sama ng loob, sumasalungat sila at sumasama sa mga nagrerebelde laban sa pamahalaan. Subalit anuman ang kanilang napili, alaki ang posibilidad na mapasailalim pa rin sila sa diskriminasyon. Dahil sa simple lamang ang dati nilang pamumuhay, mahirap silang makahanap ng hanapbuhay, sapagkat higit na pinipili ang mga taga-lungsod na nakapag-aral.

Maaaring dahil sa kanilang pakikihalubilo at ating mga makakanluraning mga pananaw, mayroon lumalaganap na tinatawag nilang “ethnic culture” na siyang popular sa mga kabataan ngayon. Ito ang paraan ng pagpapakita ng pagpapahalaga sa sining at kultura ng ating mga katutubo. Tila malapit tayo sa ating mga katutubo sa pagsusuot ng mga palamuti sa katawan na di nalalayo sa mga ginagamit nila. Napapalawak ang ating kaalaman tungkol sa kanila dahil sa pangongolekta ng mga paso o mga inukit nila. Ngunit may pagkukulang ang ganitong antas pagpapahalaga sa kanilang sining at kultura. May pagkamakasarili ito. Hinagangaan natin ang magkamasinging ng ating mga katutubo dahil sa kakaiba ang mga ito, ngunit gayun pa rin ba ang pagtingin natin sa mga ito kapag tinawag tayong mga Igorot? Kapag sinabing may hawig tayong Subanon, Igorot o Aeta, maiinsulto ba tayo ? Bagamat walang lubusang aamin na mababa ang tingin natin sa mga katutubo ngunit ang pagkakaroon natin ng mga isteryotipo sa kanila, lalo lang natin pinapalayo ang ating sarili sa kanila.

Idineklaranng Indigenous Peoples Month ang buwan ng Agosto. Ngunit dapat sa buong taon sila binibigyang-pansin. Iilan lamang ang mga nasabi sa mga kahirapang nararanasan ng mga katutubo natin. Sa lahat ng mga katutubo ng bansa, halos magkakapareho ang kanilang mga suliranin. Bilang resulta, nawawala ang kanilang kultura, nasisira ang kalikasang dating kaayon ng pamumuhay nila, at wala na silang ibang mapupuntahan pa kundi mga siyudad na hindi nila kilala. Marami pang mga pangyayring hindi masyadong nabibigyang-pansin dahil sa liblib na lugar ang at wala pa masyadong dokumento . Ngunit kung ang mga paglabag sa karapatan na nailantad mula sa mga sitwasyon ng mga Ibaloy at Subanon ay wala pang direktang aksyon na gingagawa ng pamahalaan, paano pa yung iba?

Kailangan ng lubos na atensyon ng pamahalaan sa mga katutubo para tuluyang maprotektahan ang kanilang mga karapatan ,at masiguradong manatiling buhay ang kanilang kultura. Kailangan nila ng representasyon sa Kongreso, tulad halimbawa ng isang partido na mismo mga katutubo ang myembro. Maraming maaaring mangyari kapag hindi naagapan ang suliranin sa mga katutubo sa ngayon. Ang nangyayaring kaguluhan sa Mindanao ngayon ay naging produkto ng kawalan ng pansin ng pamahalaan. Panahon nang matutunan nating lutasin ang ating mga suliranin bago pa ito lumaganap. Panahon na ring matauhan tayo sa pagrespeto sa karapatan ng iba.