Pagkakaiba
ng Philosophy Discussion Group, Pamantasang Ateneo de Manila

Hindi komportable ang lipunan sa “Ka-iba.” Nakakaranas ng pagka-alanganin ang ano mang uring lipunan sa harap ng taong hindi sumasailalim sa namamayaning paraan ng pag-iisip, pagtingin at pagdanas nito. Gaano man kalaki o kaliit ang isang komunidad, may namamayani itong sistema ng pagpapahalaga at pag-uunawa. Isa itong sistema ng paniniwala na nagbibigay depenisyon sa pagpapatupad ng lipunan sa sarili. Kaya naman tinatanaw ng mga kasapi nito ang sino mang humihiwalay sa namamayaning sistema bilang panganib. Sila na may ibang pananaw, ibang pagdanas, at pagpapatupad ng sarili ay sinusubukan nating mapasailalim sa ating paraan. Kung hindi man sila napapasama, sila’y isinasantabi o tinataboy.

Matindi nating nakikita ang katotohanang ito sa iba’t ibang larawan ng ating lipunan. Sa politika, ang hindi marunong makisama sa kalakalan ng mga politiko ay hindi papakinggan, gaano man siya makatwiran. Sa mga pagtitipon ng mga akademiko at ng mga miyembro ng lipunang sibil, hindi madalas sineseryoso ang mga hindi “ka-kulay” sa ideolohiya o paradigma. Sa mga barkada, hindi sinasama ang mga hindi nakakasakay sa wika, kilos o gimik ng grupo.

Hindi naiiba ang Ateneo sa karaniwang lipunan. Bagamat sinusubukan nating maging lipunan ng mga tao para sa kapwa, masasabi na ang Ateneo ay isang lipunang nabibigyang depenisyon ng isang malakas na dominanteng sistema. Atin yung uring lipunan na may isang malakas na sistema ng pagpapahalaga at pagtanaw sa mundo na may kakayahang bahiran ang lahat ng dumaraan dito. Matapos ang ilang semestre sa Ateneo, nagkakaroon tayo ng tatak ng Atenista, isang pagkakatulad na nagbubukod sa atin. Mahirap ipaliwanag ang mukha ng Atenista, subalit madali siyang mamukhaan sa labas. Maging cońo man o jologs, BOA o SOA, may isang ethos na humuhubog sa atin.

Tiyak na bunga ito ng mga kurso na humuhubog sa pagkatao ng Atenista. Kaya nga sinasabi ng ilang guro at studyante na ang tunay na Atenista ang dumaan sa “core courses.” Ang mga “core courses” na ito ang humuhubog sa sistema ng pagpapahalaga ng mga Atenista at masasabi na mabuting hinuhubog tayo nang ganito. Dahil sa tradisyong humuhubog sa atin, nagkakaroon tayo ng isang husay sa pakikisalamuha sa trabaho. May kabaitan at pagkasimple rin daw ang Atenista, ayon sa mga nakakatrabaho natin. Subalit, may mukha ring hindi mabuti ang pagkakaroon ng malakas na dominanteng sistema.

Dahil dito, nasanay na tayo na ang mga pumapaligid sa atin ay mga katulad at nahihirapan tayong tanggapin ang ka-iba. Halimbawa, kapag hindi magaling mag-ingles ang guro, binibilang natin ang sinasabi niyang nakakatawa. Tinatala natin ang mga damit ng mga baduy magbihis. Pinupuna rin natin ang ating mga “weird” mag-isip. Hindi lang ito gawaing studyante kundi gawain din ng guro at administrasyon. Nahihirapan tayong galangin ang iba sa atin kaya mapapansin na madalas nating pinipili ang pare-parehong tao para sa mga komite o organisasyon o grupo.

Hindi talaga madaling tanggapin ang tinig ng ka-iba sa ating maliliit na mundo. Nakikita natin sila bilang panganib sa ating mundo dahil sila ang nagpapahayag ng ibang tinig at ibang pananaw na humahamon sa atin. Sa mundo ng mga katulad, maaari tayong maging komportable sa ating mga sistema ng pagtingin, pag-unawa at pagpapatupad ng sarili. Binabalangkas ang ating buhay ng mga sistemang ito at, sa ating paniniwala, ito nga ang nagpapahayag ng kaayusan ng mundo. Kapag nahaharap tayo ng ka-iba, nilalagay nila sa alanganin ang kaayusan ng ating mundo. Kaya naman, nais natin silang ipasailalim sa ating kaayusan o isantabi. May katwiran ang pananaw na ito. Labag naman talaga sa kalooban ng tao na pahintulutan ang pagguho ng kanyang mundo.

Bagamat likas sa ating talikuran o sakupin ang ka-iba, hindi ito magiging mabunga sa ating pagiging lipunan. Sa isang pananaw, ang pagbubuo ng kaisahan ng mga magkakatulad ang iisang paraan para mapanatili ang ating mundo. Subalit, ang pag-iisantabi sa ka-iba ay magiging mapangwasak sa isang lipunan.

Hindi nabubuhay ang lipunan sa kalagayan ng “stasis.” Isa itong dinamikong pagsasama ng mga personang nagtipon para makabuo ng makataong pamumuhay. Isa itong pagsisikap na bumuo ng kolektibong sarili na sinisikap buuin ang isang mundong magiging lugar ng kanilang pagtuklas at pagpapatupad ng potensiya bilang tao. Kaya ang bawat lipunan ng mga tao ay isang pagsisikap matuklasan ang mga posibleng anyo ng buhay na maaaring makabuo sa mga kasapi nito. Ang ano mang dominanteng sistema ay paraan ng pagpapatupad ng kolektibong pag-iral na tinanggap ng isang lipunan. Isa itong pagtataya sa makatong pamumuhay ayon sa pag-uunawa ng kolektibo. Subalit ito’y isang panindigan na totoo sa isang partikular na pagsasakasaysayan. Dinamiko ang lipunan at ito’y patuloy na tumutubo, naghahagilap ng makahulugang paraan ng pagiging lipunan ng mga tao. At tunay na trahedya ang pagkakulong ng isang kolektibo sa nakasanayang sistema ng pagpapatupad ng sarili dahil pinatahimik nila ang tinig ng ka-iba.

Madalas, itong mga naiiba ang nakakatuklas ng bagong posibilidad ng pagiging tao. Sila ang nakakatuklas at nakapagbibigay ng artikulasyon ng mga ibang posibilidad ng pagiging tao na madalas hindi nakikita ng lipunang nanigas sa nakasanayang mga sistema ng pag-iisip, pag-unawa at pagpapatupad ng sarili. At lalong napapatahimik ang tinig ng ka-iba, lalong nawawala sa isang lipunan ang mga pananaw na maaaring magsanhi ng patuloy na pagpapalalim at pagpapayaman ng kanilang sistema ng pagpapatupad ng sarili.

Kaya hindi makatarungan sa lipunan at sa ka-iba ang pagpapatahimik ng kanilang tinig. Hindi rin ito mabunga. Ang ka-iba ay may alternatibong pag-uunawa sa mundo na maaaring makatulong sa ating makita ang mundo at ang ating sarili sa bagong mata. Kung hahayaan natin ang ating sarili na maging sanhi ng kanilang pagkapipi, hindi natin kailanman mararating ang ating potensiya bilang kolektibo o indibiduwal na mga persona.