BUWISit
nina David Cubar at Joy Matanguihan

Nagulat ang taumbayan nang nagbitiw si Rene Bañez sa kanyang posisyon bilang Chief Commissioner ng Bureau of Internal Revenue (BIR).

Maraming personal na dahilan diumano si Bañez sa kanyang pagbibitiw. Ngunit hindi maikakailang ang kanyang pagkabigong makalap ang kinakailangang halaga ng buwis upang masustentuhan ang kabuuang budget ng pamahalaan para sa buong taon ang pangunahing dahilan. Kung susuriing mabuti ang bawat anggulo ng mga pangyayari sa BIR, lumalabas na hindi niya nakayanan ang sunud-sunod na pagbatikos sa kanya sa parehong panig ng mga kongresista at ng kanyang mga empleyado. Bilang pinuno ng BIR, ang pangongolekta ng buwis ang kanyang pangunahing tungkulin, ngunit hindi niya nagampanan nang maayos.

Marahil, ang nagkahalu-halong isyu ng mga tax diversions at tax scams at ang lantarang katiwalian sa loob ng kanyang pamunuan ang humigop sa natitirang dignidad ni Bañez na manatili sa posisyon.

Tanong ng Mga Kongresista: “Gaano ba talaga kahirap ang mangolekta ng buwis?”

Kung itatanong ito ng isang karaniwang indibiduwal sa kanyang sarili, malamang hindi rin niya ito masasagot. Ito rin ang tanong na ipinukol ng mga kongresista kay Bañez. Talagang mahirap mangolekta ng buwis lalo na kung ang kinokolektahan at ang nangonoglekta ay kapwa may ginagawang kababalaghan sa binabayad at kinokolektang buwis. Kung wala ring balanseng partisipasyon sa magkabilang panig, hindi rin magiging matagumpay ang pangongolekta nito. Mas mabibigyang linaw ito kung maipapaliwanag ang paraan ng pangongolekta ang buwis.

Para sa mga individual taxpayers, mga negosyante at mga malalaking kumpanya, kinakailangang magbayad sila ng income tax taun-taon ayon sa batas. Ang proseso ay nagsisimula tuwing Enero at nagtatapos sa buwan ng Abril. Bawat tagapagbayad ng buwis ay kailangang tumungo muna sa mga tanggapan ng BIR na pinakamalapit sa kanilang lugar o distrito. Bibigyan sila ng dpkumento na kailangan nilang sagutan para sa mga personal na impormasyon. Dapat itong ipasa kalakip ang mga hinihinging dokumento tulad ng proof of billing, ID, at mga resibo. Kapag naibigay na ang mga ito sa ahente ng BIR, bibigyan ang taxpayer ng isang piraso ng papel kung saan nakalagay ang kanilang Tax Identifcation Number (TIN) na magsisilbi nilang account sa BIR. Ang TIN ang pinakamahalagang impormasyong kailangan nilang isulat sa espisipikong bahagi ng Income Tax Return (ITR). Ang ITR ay may mga kalkulasyon na ng mga halagang dapat bayaran sa BIR sa mga empleyadong nagbabayad ng tinatawag na withholding tax. Ang withholding tax ay isang uri ng pagbabayad ng buwis kung saan kinakaltas sa suweldo ng empleyado ang halaga ng buwis na kailangan niyang bayaran at ang mga kalkulaasyon ng buwis ay inaudit na ng kumpanya para sa kanya. Ang kailangan na lamang gawin ng indibiduwal na naka-withholding tax ay pumunta sa isang accredited bank ng BIR, patatakan ang ITR at humingi ng resibo.

Ngunit para sa mga pribadong indibiduwal at mga negosyante, mabusisi ang pagbabayad ng buwis. Maraming mga patakaran na dapat sundin. May mga kategoriya o income bracket na nagtatakda kung magkano ang maaring kaltasin sa kabuuang kita upang maging makatarungan ang halaga ng buwis na babayaran. Pagkatapos mag-apply sa tanggapan ng BIR at pagkatapos rin pagkuha sa TIN, mahabang proseso na ng mga kalkulasyon at paga-audit ang mangyayari. Kung tapos na, dadalhin ito sa mga aprubadong bangkong apilyado sa BIR upang doon magbayad. Nasa anyo ng tseke madalas ang mga kabayaran dahil ito nga ay mas praktikal kung milyon ang halaga ng buwis ng mga kumpanya. Sa huli, magbibigay ang clerk o accountant ng bangko ng resibo sa tagapagbayad ng buwis.

May proseso ring kailangang pagdaanan ang tseke bago ito mapunta sa BIR. Iaabot ng accountant ang natanggap na tseke sa isang kinatawang mensahero ng bangko upang dalhin ito sa isang clearing bank. Ibeberipika naman ng Philippine Check Clearing House ang pagsasalin ng halaga ng tseke sa salapi. Saka na lamang mapupunta ang mga binayarang buwis sa BIR. Ngunit dahil sa masalimuot ang proseso at marami talaga ang nagbabayad ng buwis, kulang ang kakayahan ng BIR na suriin kung tama ang lahat ng mga proseso kaya’t maraming mga paraan ng pandaraya at pagnanakaw ang nangyayari.

P205 Milyong Tax Scam

Pagkatapos ng limang-buwang palugit ay kinakailangang iulat ng tagapamahala ng bangko ang lahat ng mga transaksyon ng kanyang bangko sa kanilang punong tanggapan lalo na’t kung ang mga transaksyong ito’y nagkakahalaga ng higit sa apat na milyong piso, alinsunod sa Anti-Money Laundering Act (R.A. 9160).

Noong ika-31 Hulyo 2002, ibinunyag ni Arroyo sa isang press conference ang P205 milyong halaga ng buwis na diumano’y kinurakot. Ang nasabing anomalya ay kinasasangkutan diumano ng mga empleyado at opisyal mula sa pamunuan ng BIR at ng sangay ng Land Bank of the Philippines (LBP) sa Binangonan, Rizal.

Noong mag-routine check ang mga internal auditors ng LBP, napansin nilang hindi pa nagre-report ang tagapamahala ng LBP sa Binangonan tungkol sa mga malalaking withdrawals ng bangko sa mga nakaraang buwan. Ang pagsusumbong ni Acsa Ramirez, isang kahera ng LBP Binangonan, kay Margarito Teves, pambansang pangulo ng LBP, sa nasabing anomalya ang naging simula ng mga imbestigasyon sa LBP.

Matagal na palang tinutugis ng BIR ang ilan sa mga kumpanyang iniualat na hindi nagbabayad ng buwis. Ngunit napagalamang walang kasalanan ang mga ito sa nangyari. Bilang patunay ng kanilang pagbabayad, ipinakita nila ang mga resibong ibinigay sa kanila ng LBP. Ayon sa BIR, palsipikado ang naturang mga resibo kaya’t ang bangayan at turuan ay nalipat na sa panig ng mga taga-LandBank.

Samakatuwid, isang inside job ang nangyari. Sa halip na dumiretso sa BIR ang mga nakokolektang buwis mula sa tanggapan ng LBP, ito ay idineposito sa apat na bank account na nagkakahalaga sa mahigit P200 milyon: Alma Clemente, P54.1 milyon; Jose Francisco, P29 milyon; Joven Aquino, P46.9 milyon; at Roberto Lucero, P73.7 milyon. Mula sa mga account na ito, siyam na milyong piso na lamang ang nabawi ng pamahalaan.

Napag-alamang magkakuntsaba sina Artemio San Juan Jr. (ang tagapamahala ng LBP Binangonan), Ramon Joven (ang kaherong pinalitan ni Ramirez) at Rival Lasagñas (isang mensahero sa nasabing bangko) sa nangyaring anomalya. Si San Juan ang sinasabing utak ng lahat dahil siya lamang ang maaring makialam at magmanipula sa pag-ikot ng pera sa kanyang pinanghahawakang bangko. At bilang alagad ng bangko, pihadong alam din niya ang bagong batas ngayon tungkol sa paghawak ng pera — ang Anti-Money Laundering Act — na tahasan niyang nilabag.

Sinabi ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa kanyang SONA, “Tax evasion is a white-collar crime and the punishment is blue-collar.” Samakatuwid, sakaling mapapatunayang nagkasala sina San Juan at ang mga kasama niya, maari silang makulong mula apat hanggang labing apat na taong pagkakabilanggo.

Ngunit pilit pa rin niyang iniiwasan ang pagkabuking dahil itinuturo niyang sina Ramirez at Joven ang dapat sisihin sa nangyaring tax diversion. Sila diumano ang nagtago ng impormasyon sa kanya tungkol sa mga nasabing transaksyon. Sila rin daw ang mga pumirma ng mga dokumento kung kaya sila ang dapat managot.

Patuloy pa rin ang imberstigasyon ng NBI. Ayon kay Arroyo nang ipinresenta si Acsa sa media bilang suspek sa P205 tax diversion scam, “San Juan is only the tip of the iceberg…” Tinatayang mas marami pang kasangkot sa anomalyang ito at mas malaking halaga pa ang maaring maibunyag.

Bigla na lamang nawala sa eksena si Lasagñas. Kaduda-duda ang bigla niyang pagyaman dahil siya’y isang kontraktuwal na empleyado lamang ng LBP. Siya ang kumuha sa mga tseke ng buwis sa Land Bank upang dalhin sa BIR. Sinasabing P5000/buwan lamang ang kanyang sweldo bilang tagahatid ng mga mensahe at liham. Ngunit sa kabila nito, nakabili siya ng bahay at lupa sa Santa Rosa, Laguna, dalawang kotse at, ayon sa imbestigasyon ng NBI, ay nakabili rin ng sound system na nagkakahalaga ng hindi kukulang sa P120, 000. Paano ito naging posible?

Maraming nagulat sa nangyari dahil sa nagmistulang komedya ang pagbubunyag sa tax scam. Sa paggigiit ng NBI na hindi sila nagkamali sa pagturo kay Ramirez bilang kasangkot sa krimen, idinawit na lamang siya sa ibang kaso. Bagama’t si Ramirez ang nagsumbomg, hindi pa rin daw siya nakakalusot sa batas. Ani Reynaldo Wycoco (NBI Chief of Police) nabigo siyang ipaalam sa awtoridad ang isang transaksyong nagkakahalaga sa P26 bilyon sa isang deposito sa China Bank na maari rin daw konektado sa tax scam.

Buwisit talaga ang buwis para kay Acsa Ramirez.

Reklamo ni Zubiri

Isa pang kaso ng tax scam ang lumabas kamakailan lamang. Hindi makapalag si Rep. Miguel Zubiri ng Bukidnon nang makatanggap ang kanyang pamilya ng mga notices of non-payment of dues mula July 2000 hanggang May 2002. Tulad ng nangyari sa LBP, sa halip na pumunta sa BIR ang P20 milyong buwis mula sa Tequila Sunrise Inc. (isang kumpanyang nagpapatakbo ng mga restaurabt tulad ng Tequila Joe’s at California Pizza Kitchen) ay naideposito ito sa isang account sa United Coconut Planters Bank (UCPB) na nakapangalan sa isang “Alfredo Reyes”. Ayon kay Zubiri, ang kanyang bintang ay hindi isang aksyon ng pananabutahe sa reputasyon ng UCPB kundi isang pagmumulat na napakaraming sindikato sa loob ng banking system ng Pilipinas na higit pa sa pangungupit ang ginagawa.

Nag-utos na si Arroyo na i-audit ang lahat ng mga bangkong tumatanggap ng malalaking halaga ng buwis katulad ng Development Bank of the Philippines (DBP), Philippine National Bank (PNB) at LBP. Bawat transaksyon ay maaring magungkat na naman ng panibagong scam.

Multi-milyong halaga mula sa tax evasion

Ang Value Added Tax (VAT) ay ang sampung porsyentong halagang nakapatong sa isang produkto na direktang binabayaran ng mga mamimili sa tindahan sa oras na bilhin niya ang produkto sa isang legal na transaksyon. Ang aspeto ng pagiging legal ay nangangahulugang may katibayan ang parehong panig sa naganap na transaksyon sa pamamagitan ng resibo. Kung walang resibo, walang naganap na transaksyon at diretsong mapupunta ang halaga ng kinita ng kumpanya sa bulsa ng may-ari. Kung may resibo naman, maaring hindi idinedeklara ng kumpanya ang tamang halaga ng kabuuang kita kaya’t nagkakaroon diskrepansiya sa pangkalahatang kalkulasyon sa BIR.

Sinampahan na ng kaso ang 300 kumpanyang kumpirmadong hindi nagdeklara ng tamang kabuuang halaga ng kanilang mga VAT. Ani Isidro Camacho, ang kalihim ng Department of Finance, tinatayang umaabot sa P700 milyong halaga ng buwis ang hindi nakolekta mula sa mga nasabing kumpanya. Ang mga ito’y mula pa lamang sa 3 distrito na kabilang sa 19 na sakop ng BIR. Magkano pa kaya ang malilikom kung lahat ng mga kumpanyang hindi nagdeklara ng VAT ay maibubunyag?

May mga 500 kumpanya pa ang pinaghihinalaang hindi nagdeklara ng tamang halaga ng VAT. At kung pagsasama-samahin ang lahat ng perang nawala mula sa underdeclaration ng mga ito, aabot sa mahigit na P4 Bilyong halaga ng buwis ang nabigong malikom ng BIR. Sa panig ng mga tindahan, madali ang pagkolekta ng VAT mula sa mga mamimili. Ngunit taliwas ang nangyayari kapag gobyerno na ang mangongolekta sa VAT na kinolekta ng mga kumpanyang ito. Kaya’t ang resulta: budget deficit.

Ang problema rin sa gobyerno, ayon kay G. Simon-King, isang guro sa Kagawaran ng Ekonomiya sa Pamantasang Ateneo de Manila, mismong mga BIR personnel na ang kumukunsinte sa mga kumpanyang nandaraya at hindi nagdedeklara ng tamang tax. Maraming mga taga-BIR ang tumatanggap na lamang ng suhol bilang kabayaran sa kanilang pananahimik. Sa liit ng kanilang sahod, pihadong minsan lamang sila magkaroon ng pagkakataong matampalan ng malaking halaga na kailangan pa nilang pagtrabahuhan nang ilang buwan. Hindi na dapat pang pagmunihan kung bakit maraming taga-BIR ang mabilis na yumayaman kapag panahon na ng bayaran ng buwis. Ito ang problemang hindi natugunan ni Bañez sa panahon ng kanyang panunungkulan. Lahat ng sisi ay napunta sa kanya dahil na rin sa mga pagkukulang ng kanyang mga tauhan kaya bumaba rin ang koleksiyon ng buwis sa BIR.

Mismong sa pinamumunuan ni Bañez, laganap na ang tax evasion. Nang maglabas siya ng pangkalahatang halaga ng mga nalikom na buwis para sa unang kalahati ng taon, maraming mga rehiyon ang hindi rin nagsumite ng tamang halaga. Lumabas na inipit ang pera kaya’t bitin sa tinatantiyang P35 bilyon ang dapat na nakolekta ng ahensiya.

Lumalaking Budget Deficit ng Pamahalaan

P36 bilyong piso lamang ang kayang i-akumulang pagkalugi ng gobyerno para sa buong taon. Ngunit Agosto pa lamang ay dumudugo na ang bulsa ng bayan. P30 bilyon na ang halaga ng nawalang pera sa pamahalaan. Magkano pa kaya ang aabutin ng budget deficit pagsapit ng Disyembre?

Kung susuriing mabuti, halos lahat ng pagkalugi ng gobyerno ay maibibintang sa nawawalang buwis. Pagsama-samahin ang mga halaga at halos magiging kapantay lamang ito ng halagang isinako sa halaga ng mga pagkakautang.

Sa kasalukuya’y maihahalintulad ang BIR sa isang hose na tadtad na ng mga butas. Kahit tapalan pa’y sisirit at sisirit pa rin ang tubig. Lumalagaslas ang pera sa BIR nang hindi man lamang namamalayang unti-unti na nitong sinasakal ang ekonomiya ng bansa. Ngayon lamang nangyari na mas maliit ang nakolektang buwis kung ikukumpara sa nakaraang taon. Maraming mga proyekto ang pamahalaan ang naudlot at naantala dahil sa kakulangan sa budget. Pati ang mga target collection ng gobyerno ay napilitang iusog dahil sa biglang pagluwag ng bulsa.

Bilang punong tagapamahala sa pangangalap ng pondo ng gobyerno, si Bañez ang naatasang rumesolba nito. Ngunit kahit na ano pa mang paghihirap niyang linisin ang BIR, lalong umiigting ang mga puwersang gustong sumabutahe sa kanya. Bakit nga ba maraming galit kay Bañez? Personal nga ba ang anggulo o purong pulitika lamang ang lahat ng nangyari?

Ano nga ba talaga ang problema sa BIR?

Unahin na natin ang sistema ng BIR. Sa labing-apat na taon ng pangangalap ng buwis, kailan ba natuto ang pamahalaan ng tamang pagpapatakbo sa isa sa pinakamahalagang ahensiya nito?

Isinasaad sa House Bill No. 5054 ang mga kasalukuyang problema sa pamamalakad ng BIR:

a) masyadong maraming nakikialam na pulitikal na puwersa sa pagitan ng mga opisyal sa BIR,

b) mas mahalaga sa personnel management system ang pagkilala ng seniority at loyalty kaysa sa mga kuwalipikasyon ng mga indibiduwal; dahil dito, maraming mga empleyado ang inililigak sa mga posisyong hindi naman naayon sa kanilang kakayahan (may mga kuwalipikasyon ang bawat posisyon na hindi nasusunod),

c) nirerestrikta ng kasalukuyang compensation scheme ang kakayahan ng BIR na tumanggap ng mga empleyadong may kuwalipikasyon para sa mga mahahalagang posisyon na talagang nangangailan ng husay at dunong partikular na ang mga first-rate auditors, mga abugado at mga IT professionals, at

d) nakakandado sa isang line-item budgeting system ang BIR na nagiging dahilan kung bakit hindi makagawa ng mga hakbang para sa mga pagbabago upang makamit ang mga collection target ng BIR.

Ayon kay Rep. Tet Garcia ng Bataan, kulang na kulang rin ang BIR sa basic management information systems kung kaya’t hindi agad nakukuha ang aktuwal na halaga ng mga nakokolektang buwis. Hindi naaasikaso nang maayos ang paglabas-masok ng pera sa ahensiya at magulo pa rin ang sistema sa pagitan ng nangongolekta ng buwis at ng mga nagbabayad nito.

Sa tinagal-tagal ng BIR bilang ahensiya ng gobyerno, nariyan na’t nabuo na ang mga sistema ng katiwalian. Matitinag lamang ito kung lalagasin ang mga pinag-ugatan. Ngunit sa kaso ni Bañez, teritoryo ng mga tiwali ang kanyang napasukan. Imposible rin ang kanyang mga binabalak dahil masasagasaan niya ang ilan sa mga pinakamaimpluwensiyang opisyal. Ilan na rin sa mga pinakamatataas na opisyal ng pamahalaan ang nasasangkot sa mga anomalya sa BIR. Kung maibubunyag ang lahat ng kanilang kabuhungan, ano pang dignidad ang matitira sa larangan ng pulitika sa Pilipinas?

Atake kay Camacho

Kung tutuusin, si Camacho ang may responisbilidad sa mga teknikal na pangangasiwa ng mga ahensiya sa gobyerno na humahawak ng pera kasama na rito ang Bureau of Customs (BOC). Bagama’t limang bilyong piso na ang nagagastos para sa computerization ng BIR, hindi pa rin nito malutas ang problema sa pagkakalkula ng buwis. Impraktikal na gamitin ang programa dahil hindi nito nasasaklaw ang lahat ng uri ng buwis. Lahat ng tagapagbayad ay may account kung saan makukumpirma ang bawat sentimong ibinayad niya sa BIR. Naka-programa ang lahat ng mga account at limitado lamang ang kayang ipasok sa memory ng kompyuter. Ang ibig sabihin nito’y kung gagamitin ang program, ang lahat ng nagbabayad ng VAT ay magkakaroon ng sariling account. Nangangahulugan lamang na kailangan ng malaking software upang makalap ang sangkatutak na nagbabayad ng VAT.

Ngunit hindi talaga computerization ang problema. At kahit abacus pa ang gamit upang bilangin ang kabuuang halaga ng buwis, kung tama ang mga numero at tama ang ibinigay, hindi magkakaroon ng problema ang BIR sa lumalaking utang ng pamahalaan. Wala nang kuwenta pa kung magsisisihan lamang sa nangyari. Nasa mga taong nasa likod ng proseso ng pagkakalkula ang problema. Hindi naman maaring ang kalkulaer ang nakipaglaro sa sarili nito kaya’t bigla na lamang nabura ang napakalaking halaga ng pera at bigla na lamang napunta ang mga ito sa iba’t ibang accounts. At kung ang mga anomalya ay nangyayari bago pa man maganap ang pagpasok ng impormasyon sa kalkulaer, hindi ba lohikal na walang saysay ang pagkakalkula kung manipuladong halaga rin lamang ang lalabas? Kung sa bagay, ano nga ba naman ang ikakalkula ng kompyuter kung sa umpisa’y maling halaga na ang natatanggap ng mga nagpapatakbo nito?

Anomalya sa Fort Bonifacio

Sa kabilang banda, hindi lamang damusak na computerization ang nakitang anggulo ni Rep. Aniceto Saludo ng Southern Leyte upang atakihin si Rene Bañez. Sa isang privilege speech, ibinintang niyang hinayaan diumano ni Bañez na huwag magbayad ng anim na bilyong pisong halaga ng buwis ang Fort Bonifacio Development Corporation (FBDC). Ang FBDC ay hawak ng Metro Pacific Corporation, na may hawak rin sa PLDT, kung saan naging bise-presidente muna si Bañez bago siya maupo sa posisyon. Inakusahan rin ni Saludo si Bañez ng kasong pandarambong dahil ginamit raw niya ang pondo ng BIR sa pamamagitan ng special allotment release order (SARO) na inilabas ng Department of Budget and Management (DBM) upang mabayaran ng FBDC ang P1.18 bilyong halaga ng mga documentary stamp liabilities nito. Nais palabasin ni Saludo na may kinikilingan si Bañez at hindi ito nagiging makatarungan sa mga tagapagbayad ng buwis.

Ngunit lahat ng mga paratang na ito’y ibinasura lamang ng ombudsman dahil hindi raw sapat ang mga ebidensiyang iginigiit ni Saludo.

IRMA: solusyon sa problema ng BIR?

Napuntirya kaagad ni Bañez ang lahat ng mga pasikut-sikot na problema sa kanyang pamunuan. Kaya’t bilang pinuno ng BIR, naglatag kaagad siya ng panukala sa kongreso na gawing Internal Revenue Management Authority (IRMA) ang BIR na tatakbo tulad ng isang pribadong korporasyon gaya ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP). Mas madaling naaasikaso ang sirkulasyon ng pera at ang bawat kilos ng mga tauhan ay madaling mapupuna. Sa IRMA, mas mapabibilis ang proseso ng pagkalap ng buwis at magiging epektibo ang bawat sangay na hahawak sa iba’t ibang kategoriya ng buwis dahil nakatalaga ang mga posisyon sa mga karapat-dapat na mga empleyado.

Lalong nagpaigting ng mga tensiyon sa mga taga-BIR dahil sa panukalang IRMA. Maraming opisyal ang nabahala, lalo na ang mga batikang trapo. Gaano man niya naising itanghal ang mga empleyado ng BIR bilang tagapaglingkod sa bayan, hindi maaalis ang katotohanan na ang ilan sa kanila’y pabigat lamang sa bulsa ng mga mamamayan. Ang ilan sa kanila’y mga kunong empleyado ng pamahalaan na sumisipot lamang tuwing akinse upang sumahod at ang ilan nama’y nahuhumaling na sa pandarambong. Ang mga hakbang ni Bañez ay isang banta para sa kanila. Marami sa mga BIR staffs ang higit pa ang sahod sa karaniwang empleyado ng gobyerno kaya’t hindi nakapagtataka kung bakit maraming nagnais siyang patalsikin.

Marahil, kung ipagpapatuloy ni Bañez ang kanyang mga ginagawa, mawawalan ang nga nasabing tiwaling opisyal ng malaking pinagkukunang-yaman. Ang mga opisyal na umaatake sa kanya, bilang pahayag ng pagsuporta ni Arroyo kay Bañez, ay siya ring mga opisyal na may pakana ng mga modus operandi sa BIR na dahilan ng mga sari-saring kababalaghang konektado sa tax evasion at mga tax scam. Oras na maisakatuparan ang IRMA, maraming posisyon sa BIR ang aalisin lalo na ang mga gawa-gawang posisyon lamang na sumulpot dahil sa impluwensya ng nasa kapangyarihan. Kahit tapat pa ang pagsisilbi ng mga ito sa bayan, maaaring isama sila sa mga empleyado at mga posisyong kakaltasin mula sa maliliit na yunit ng paggawa. Kaya’t hindi nakapagtatakang maraming empleyado, lalo na ang mga marginalisado, ang nag-aklas laban sa kay Bañez.

Tanggapin na natin ang realidad na kahit sino pa ang iluklok sa posisyon, hangga’t may masasamang elemento sa BIR ay hindi maalis ang katiwalian. Talagang talamak ang korupsiyon at mga anomalya sa BIR.

Bagama’t nagdiwang ang mga empleyado ng BIR pagkatapos ng matagumpay na paglulunsad ng iba’t ibang kilos-protesta laban sa kanya, mas marami pa rin ang nalungkot sa kanyang pag-alis. Kabilang na si Presidente Arroyo at Kalihim Camacho sa mga nanghinayang sa kanyang pagbibitiw. Ika nga, siya ang baguhan sa ahensiyang tinadhana na maging kumunoy sa lipunan. Mas mainam nga na lisanin niya ito bago pa man ito ang lumamon sa kanya.

Si Bañez pa lamang ang naglakas-loob na tasahan ang mapurol na pamamalakad. Tila naging sariling patibong ang lahat ng pagpupunyagi ni Bañez na baguhin ang bulok na sistema ng BIR. Marami siyang binangga dahil sa kanyang mahigpit na pamamaraan ng pangangasiwa. Nagtakda siya ng iba’t ibang panuntunan sa loob ng kanyang pamunuan na naging sagabal upang maipagpatuloy ang mga ilegal na mga transaksyon at aktibidad ng mga dati ng empleyado. Gumawa na rin siya ng mga hakbang upang malutas ang napakaraming isyu ng katiwalian sa BIR. Ang mga empleyado na nagtangkang ipagpatuloy ang nakagisnang mga modus operandi kung saan nila nakukuha ang extra income nila ay nawalan ng oportunidad na maghasik ng lagim. Dahil sa nagkatagni-tagning tanikala ng mga epekto’t reaksiyon sa buong bansa, ang sunud-sunod na pagbatikos at pagsabutahe, lantarang katiwalian at problema sa loob ng pamunuan ng BIR, at mga tax diversion and evasion ang nagsilbing mga hudyat para kay Bañez na wala nang kuwenta pang humimpil sa posisyon. Hindi siya nagtagumpay sa kanyang mga layunin.

Ano ang maasahan ngayon?

May praktikal na sagot dito: depende iyan sa mga taong mangongolekta at kokolektahan. Kahit sino naman ang maupo sa posisyon, kung may partisipasyon, pagkukusa at totoong serbisyo publiko sa ahensiya, magiging madali ang pamamalakad ng BIR.

Bagama’t nilisan na ni Bañez ang kanyang posisyon, inaasahang ang susunod sa kanya ang magpapatuloy sa mga bakas na kanyang sinimulan. Patuloy pa rin ang pagbabatikos pagsasalin ng BIR sa IRMA.

At kung ano mang mga problema ang kinaharap ni Bañez, ito rin ang parehong mga problema na maaring pumuksa sa kanya.

Kung hahalughugin ang puno’t dulo ng kaguluhan sa BIR, ang problema sa pangongolekta ng buwis—ang hindi malutas-lutas na tax scams at tax evasion — ang pangunahing isyu na sumasaklaw sa lahat ng pinakamabibigat na dahilan upang hingiin ng taong bayan ang pagbibitiw ni Bañez, ay siya ring maaring dahilan ng pag-alis ng susunod sa kanya. At kung ito’y mangyaring muli, taumbayan na ang bahalang humusga.