Exodo Pabalik sa Panibagong Pagdarahop
nina Kapi Capistrano at Pao Arceo

Kasusulpot pa lamang ng Setyembre nang pumutok ang balita ukol sa pagmamaltrato sa ilang libong Pilipinong deportado mula sa Malaysia. Bukod sa naiulat na 13 batang namatay bago o habang dinadala pabalik sa Pilipinas, lumitaw rin diumano ang mga kaso ng brutal at sekswal na pang-aabuso sa mga ilegal na imigrante sa Sabah. Nagbungsod ito ng malawakang pagka-alarma hindi lamang sa mga grupong nagtataguyod ng karapatang pantao, kundi pati na rin sa pangkalahatang mamamayang nagitla sa biglaang pagtugis at pagpapatapon ng pamahalaang Malaysia sa mga ilegal na imigranteng hindi lamang galing sa Pilipinas kundi pati na rin sa Indonesia.

May ilan sa mga pinuno natin ang nagpanukalang gisingin muli ang nahimbing na pag-angkin sa Sabah bilang ating pambansang teritoryo. Sinasabi nilang nakita diumano ng pamahalaang Malaysia ang libu-libong Pilipino sa Sabah bilang potensyal na banta sa pananatili ng lupaing ito bilang teritoryo ng Malaysia. Ngunit napapanahon nga ba ang panunumbalik ng ganitong panukala? Ano nga ba ang mga posibleng dahilan sa malawakan at biglaang pagtugis at pagpapatapon ng mga ilegal na imigrante mula sa bansa?

At nagsidatingan ang boat people

Hawig ang malawakang pag-alis ng mga Pilipino sa eksodo ng mga mamamayan ng Vietnam noong karukrukan ng dekada 70 nang nagpunyagi ang komunistang rehimen ni Ho Chi Minh, kaya tinagurian silang boat people ng media.

Noong unang araw ng Agosto ng taong kasalukuyan, nagpatupad ng mga higit na istriktong batas ang pamahalaang Malaysia ukol sa pakikitungo nito sa mga ilegal na imigrante sa Sabah. May hatol na hanggang anim na hagupit ng bastong rattan ang mga mahuhuli, kasama ng anim na buwang pagkakabilanggo at 10 000 ringgit.

Ngunit bago pa dumating sa Bongao, Tawi-tawi noong ika- 26 ng Agosto ang unang napamalitang 1 597 Pilipinong mula Sabah lulan ng barko ng Hukbong Pandagat na BRP Bacolod-550 noong ika-26 ng Agosto, nagsilikas na ang mga Pilipinong imigrante mula pa noong Pebrero. Tinatayang umaabot sa 60 000 ang bilang ng mga Pilipinong lumikas mula noon, at bumalik diumano ang mahigit sa kanila lulan ng mga bangkang pangisda sa takot na mapatawan ng parusa.

Inatasan agad ni Kalihim Blas Ople ng Department of Foreign Affairs ang mga konsulado ng Malaysia sa Zamboanga, Tawi-tawi at Sabah na siguruhing maayos ang pagpapabalik ng mga natitirang ilegal na manggagawang Pilipino sa Sabah. Idinagdag niya rin na huwag nilang hayaang mapasama lalo ang kalagayan ng mga may sakit na ipababalik ng Malaysia.Tinatayang umaabot pa noon sa 4 000 ang mga naghihintay pang mapabalik sa bansa. May mga ulat na walong bata na noon ang nasawi bago, habang at pagkatapos mapabalik sa bansa.

Ika-27 ng Agosto, sumunod na araw, nagpataw kaagad si Ople ng Diplomatic Protest sa Malaysia sa mga ulat ng mga kabataang nasawi sa siksikang bilangguan ng mga ilegal na manggagawa habang naghihintay ng deportasyon. Marami rin sa ating mga kababayan ang dumaranas ng malnutrition, dehydration, at pulmunya habang nakabilanggo. Pinatunayan din ng mga konsulado na hindi nga makatao ang pagtrato sa mga ilegal na manggagawa.

Nang sumunod na araw, napabalitaang umabot na sa 13 ang mga kabataang nasawi habang nasa proseso ng deportasyon. Itinalaga naman ng Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo bilang crisis manager ng deportasyon si dating Rep. Nur Jafaar ng Tawi-tawi. Inatasan niya si Jafaar na higit na siguruhing ligtas ang mga natitira pang ilegal na manggagawang naghihintay ng deportasyon, at organisahin ang Department of Health, Department of Social Welfare and Development, at DFA sa Tawi-tawi upang higit na mapangalagaan ang kapakanan ng mga pababalikin pa. Isiniwalat niya rin noong araw na iyon na itatalaga niya si dating pangulong Fidel Ramos upang makipag-usap sa Punong Ministro Mahathir Mohammad ukol sa krisis ng mga deportasyon.

Noong araw ding iyon, may mga nagpanukala sa Mababang Kapulungan na bisitahin muli ang nahihimbing na pag-angkin ng bansa sa Sabah. Iniatas rin ni Kalihim Hernando Perez ng Department of Justice sa National Bureau of Investigation at Bureau of Immigration na patawan na rin ng mga kaso ang mga nanatiling ilegal na dayuhan sa bansa.

Dumating nang sumunod na araw, ika-29 ng Agosto, ang 1 450 na Pilipino sa mga processing centers sa Tawi-tawi lulan ng barko ng hukbong pandagat na nagdala sa naunang grupo ng mga imigrante noong ika-26. Itinigil noong ika-31 ng Agosto ang mga deportasyon matapos kausapin ng Pangulo ang Punong Ministro ng Malaysia, gayong may hinihintay pang 30 000 hanggang 80 000 Pilipinong dumating mula Sabah.

Dumating din ang mga ulat ng pagmamaltrato

Noong kararating pa lamang ng unang pangkat ng mga deportado sa Tawi-tawi, nagsidatingan din ang mga ulat ng pagmamaltrato ng mga kinauukulan ng Malaysia. Sinunog ang kanilang mga bahay at pami-pamilyang dinampot ang mga Pilipino’t itinapon sa deportation center kung saan, mula mismo sa mga pahayag, pinagsisiksikan sila sa isang maliit na espasyo’t pinakakain lamang halos isang beses isang araw. Ang ilan ay natutulog na sa simentong sahig. Noong Agosto 1, ipinataw ang bagong parusa sa mga deportado: babambuhin sa likod ng patpat nang anim na beses. Ayon kay Soledad Rosal, isang weytres sa Sandakan, Malaysia, maaaring mapagkamalang hematoma ang mga ‘patcha itum’ kung tawagin sa Malaysia - mga pasa’t galos na dala ng paghagupit ng rattan, ang dulot nito sa mga lumalabag sa kanilang bagong batas. Ngunit hindi raw ito naghihilom, kaya raw kinatatakutan ito ng mga taga-Malaysia. Ang ilan sa mga deportees ay pinagugulong sa kasilyas at ibinibilad sa ilalim ng araw na tumatagal hanggang 12 oras bago sila pakainin ng mga tagapagbantay.

Nang dumating ang barko, ipinagsiksikan ang mga Pilipino sa cargo deck at ikinandado ang pintuan – ayon sa utos ng mga Malaysian officials upang hindi raw makatalon ang mga kababayan natin at makabalik sa Malaysia. Nang makarating malapit sa teritoryo ng Pilipinas ay saka na lamang pinalaya’t pinaakyat sa pinakataas na palapag ng barko ang mga bilanggo. Ilan sa kanila’y ito ang kauna-unahang pagkakataong malanghap ang sariwang hangin sa pampang ng Pilipinas makalipas ang maraming taon. Ayon pa sa Inquirer, nang makarating sila sa Pilipinas ay naantala pa ang kanilang pagbaba sa daungan sapagkat diumano’y pinaghintay pa sila ni Presidente Arroyo upang siya mismong magbigay ng welcome. Ayon sa ulat, marami ang nagkasakit ng dehydration dahil dito.

13 tatlong mga bata’t sanggol ang namatay, ayon sa ulat ng Inquirer. Karamihan sa kanila’y nagkasakit ng pulmoniya o dehydration na itinatayang napulot sa kanilang eksodo mula Sandakan, Sabah hanggang Tawi-tawi. Nanlumo diumano ang mga rumespondeng social workers sa nakita nilang bangkay at mga batang nakaratay. Walang magawa ang mga ina kundi umiyak. Dagdag pa rito, 10 mga bata ay nahiwalay sa kanilang mga magulang dahil sa mga kaguluhan. Umiyak man ang mga magulang, magsampa man ng diplomatic protest ang mga opisyal, makabalik man ang mga deportees sa Malaysia, hindi na maibabalik ang mga buhay na nasawi. Ang magagawa na lamang ay tumugon sa sigaw para sa hustisya.

Nagmistula nang hindi pa sapat ang pagmamaltrato sa mga Pilipino, lumabas ang mga ulat ng pang-aabusong seksuwal sa ilang mga babaeng deportado. Anang isa sa mga biktima, mga pulis daw ang humalay sa kanila. Isa na rito si Sakaluran, 24 anyos, na nasiraan ng ulo dahil sa panloloko at pang-aabuso sa kaniya. Ipinadala siya ng isang illegal recruiter sa Malaysia na may pag-asang makikita ang kaniyang ina roon. Ayon pa sa ulat ng ECMI (Episcopal Commission for the Pastoral Care of Migrants and Itinerant People), 60 babae mula sa Bulacan ay pinag-akalang dadalhin sila sa Korea, ngunit dinala sila sa Malaysia upang maging mga sex workers.

Likas nga sa Pilipino ang lumaban kapag naapi. May mga biktimang tetestigo at magsasampa ng kaso sa mga humalay sa kanila, ngunit ayon sa batas ng Malaysia, kailangang sa kanilang lupain ang pagdinig at paglitis sa kaso. Ayon kay Poe Gratela, kalihim-heneral ng Migrante International, ihahain nila ang kaso ng pagmamaltrato at seksuwal na pang-aabuso sa International Court of Justice, kasama ang suporta ng Gabriela.

May mga nagsasabing ayaw talaga ng mga Malaysians sa mga Pilipino at mababa ang tingin ng mga ito sa atin, lalu na sa mga Kristiyano, kaya marahil ganoon na lamang ang pagtrato sa kanila. Ngunit bakit sa tinagal-tagal ng tulong-paggawa na dulot ng mga Pilipino sa Malaysia, bakit ngayon lamang sila nagdesisyong palayasin ang mga ito?

Malaysia: pinabulaanan ang mga paratang

Nang siya’y hingan ng pahayag ukol kahuling pagkamatay ng dalawang bata, sinabi ni Sidin Karim, hepe ng operasyon ukol sa mga illegal na migrante, na marahil ay dulot iyan ng dehydration dahil napakinit ng panahon. Idinagdag pa niyang napakaluwag ng mga detention centers at regular ang pagbisita ng mga doktor. Pinipilit raw nilang maging makatao ayon sa sitwasyon – ibang-iba ang pahayag ng mga opisyal ng Malaysia sa mga hinaing ng mga Pilipino roon. Namamaga ang imahen ni Gloria Macapagal-Arroyo bilang isang taong nag-uumapaw sa galit sa kaniyang mga nabalitaan, na nagbunga ng isang diplomatic protest na pasalitang ipinasabi kay punong ministro Mohamad sa pamamagitan ni Taufik.

Matapos marinig ang mga ulat ay nagpadala ang Presidente ng isang grupong maniniguro sa kung ano talaga ang nangyayari doon. Ayon sa kanilang mga ulat, maayos ang kalagayan ng mga deportado, ngunit marami sa biktima ang nagsasabing pakitang-tao lamang ito ng Malaysia. Tinagurian nila itong Nazi camp, dahil sa pang-aaping diumano’y maaaring ikumpara sa ginawa ni Hitler sa mga hudyo.

Ayon kay Nuur Taufik, kasalanan ng mga deportees ang kalagayan nila ngayon. Hindi nga naman sila dumayo sa legal na paraan, at hindi rin naman tanging mga Pilipino kundi pati mga Indones ay pinapatawan ng parusa, bagamat karamihan pa rin ng mga manggagawa ay mga Pilipino. Sa pahayag na ito tila binibigyang-katuwiran ni Taufik ang pagmamaltrato sa mga Pilipino. Nang mga sumunod na araw ay binigyan siya ni ‘running priest’ Fr. Robert Reyes ng liham ng pagpapatalsik (Letter of Expulsion). At nagsimula na ring magpatalsik ang Pilipinas ng mga illegal na migranteng Malaysian sa bansa. Kung gagamitin ang isang simplistikong terminoloihiya’y maaari itong tawaging ‘gantihan’.

Sa kasalukuyan ay napagkasunduan na nina Presidente Arroyo at Mohamad na pabagalin ang proseso ng pag-deporta ng mga Pilipino upang hindi sila magsiksikan sa mga lugar deportasyon at sa mga barko. Sinasabi ng mga opisyal ng imigrasyon na maaaring bumalik ang mga Pilipino sa Malaysia sa legal na paraan.

Dalawampung taong Kasaysayan ng paglikas at suliranin

Nakapagtataka nga ang pagkakaroon ng umaabot sa kalahating milyong Pilipinong ilegal na imigrante sa Sabah. Ngunit kung tutuusin, sa pagsilip muli sa kasaysayan makikita ang mga kadahilanang ito.

Noong dekada 70 pa nagsimula ang malawakang paglikas ng mga Pilipino patungong Sabah, dulot ng insureksyon ng mga separatistang Muslim, tulad ng Moro National Liberation Front na pinangunahan ni Nur Misuari. Dahil nga sa takot sa pagtugis ng mga Kristyanong naninirahan sa mainland Mindanao dahil sa kanilang disposisyon sa insureksyong ito, at sa pangkalahatang banta sa kanilang buhay dahil sa rebolusyong ito, lumikas ang marami sa ating mga kababayang Muslim sa Sulu at iba pang bahagi ng Mindanao patungong Sabah. Dahil sa Islam ang namamayaning pananampalataya sa Sabah, at dahil na rin sa magkalapit naman ito sa katimugang Mindanao, naging madali ang paglikas ng mga kababayan natin.

Pagpatak naman ng dekada 80, nabiyayaan ng pahintulot ang ilang kumpanyang Pilipino na magtroso sa mga kagubatan ng Sabah. Nagmula sa Visayas at sa Mindanao ang mga manggagawa ng mga kompanyang ito. Nang magsara ang mga kumpanyang ito at bumalik sa Pilipinas, nagpa-iwan ang mga manggagawang ito sa Sabah at dito nagtrabaho.

Dahil na rin sa pag-angat ng ekonomiya ng Malaysia bilang isa sa mga pinakamayayamang bansa sa rehiyon, umangat naman ang halaga ng mga manggagawa. Tumaas ang demand ng Malaysia sa mas mababang halaga ng paggawa na mula sa ibang bansa kaya’t mahihinuhang mas mataas ang pasahod dito para sa mga manggagawa. Kasabay nito ang patuloy ng pagdarahop ng Mindanao, kaya naakit ang marami pa sa mga kababayan natin na magtungo sa Sabah at maghanap ng ikabubuhay doon. Para nga sa isang deportadong babae, mas mabuti pang apihin sila roon at makakain kaysa mamatay sa gutom dito sa Pilipinas.

Sa kasalukuyan, panakit-ulo sa pamahalaan ang biglaang pagdagsa ng mga ilegal na imigrante pabalik sa bansa. Una, may kakulangan sa pagkain at gamot ang mga relocation center na tinutuluyan ng mga ilegal na imigranteng dinala pabalik sa bansa. Hanggang ngayon, marami pa rin sa kanila, lalo na sa mga kabataan, ang may sakit. Malaki ang pangangailangan para sa mga bakuna laban para sa mga sakit na maaaring dala ng mga kababayan nating ibinalik. Bukod doon, gayong maraming mga Pilipinong imigrante ang kasalukuyang dumaraan sa pagpoproseso ng kanilang pagbalik sa bansa, marami rin sa kanila ang hindi dokumentado. Tinatayang marami pang bumalik sa bansa lulan ng kanilang mga bangkang pangisda.

Ngunit pinakamatindi ang problemang maaaring harapin ng mga kababayan nating ito at maging ng buong Mindanao. Ayon sa National Economic Development Authority (NEDA), umaabot sa 12% ang unemployment rate sa pulo. Mindanao. Sa padagsang pagbalik ng mga kababayan natin, maaaring higit na tumaas ang bilang ng mga walang trabaho sa Mindanao, at higit na maghirap ang rehiyong ito ng bansa.

Hindi rin naman ligtas ang kapitbahay nating Malaysia sa mga ekonomikong suliranin dulot ng eksodus na ito. Sa ngayon, pilay ang lakas-paggawa ng Malaysia dahil sa kakulangan ng mga trabahador. Hinihintay ng mga kumpanya sa Malaysia ang muling pagpoproseso at pagbalik ng mga Pilipinong manggagawa sa kasalukuyan. Hinikayat naman ng pamahalaang Malaysia ang mga kapatid nilang Muslim sa Gitnang Asya, sa mga bansang Uzbekistan, Kazakhstan and Turkmenistan, upang magtrabaho sa Malaysia.

Sabah: ang nakatulog na pag-angkin

Sa mga usap-usapin ukol sa dagsaan ng mga Pilipinong manggagawa, maraming nagpanukala na gisingin muli ang nahihimbing nating pag-angkin sa Sabah. May ilan rin sa ating mga mambabatas na nagsabing gamitin ang pag-angkin na ito ng Pilipinas upang makakuha ng bentahe para sa diplomatikong pag-uusap ng dalawang bansa. Ngunit may mga nagsabi rin na maaaring makasira sa matalik na diplomasya ng dalawang bansang ito ang muling panumbalik sa isyung ito.

Muli, nararapat nga bang mapasaatin ang Sabah?

Nagkaroon ng mga ispekulasyon sa pagitan ng mga mambabatas na nakikita ng pamahalaang Malaysia ang libu-libong ilegal na imigrante bilang banta sa pag-angkin ng Malaysia. Maaaring nakita ng pamahalaang Malaysia na sleepers ang mga ilegal na manggagawa, na maaaring maging instrumental sa muling pag-angkin sa Sabah.

Pumagitan ang Pangulo, at sinabi niyang hindi nararapat na isangkot ang isyu ng Sabah sa eksodo ng mga Pilipinong deportado. Aniya hindi ito makatutulong sa paghupa ng problema sa kasalukuyan. Ayon naman kay Etta Rosales, kinatawan ng partidong Akbayan, kailangang mag-ingat sa pagbuhay sa kaso ng Sabah sapagkat lalong mapapainit nito ang tensiyon sa pagitan ng Malaysia at Pilipinas. Bakit nga naman hindi tayo mag-iingat? Alam naman ng lahat ang kalagayan ng Hukbong Sandatahan ng Pilipinas, balikatan man o walang balikatan. Pagdating sa ‘takutan’ o psychological military warfare ay minamani na tayo. Dagdag pa, may mga nagpapalagay ngang mas may pagkiling ang Estados Unidos sa Malaysiya kaysa Pilipinas dahil, kung titingnan sa ekonomikong pananaw, wala pa tayo sa kalingkingan ng ating ‘ASEAN brother’.

Marahil, malabo na ngang mapasaatin ang Sabah dahil: una, makapangyarihan sila; ikalawa, halos isang katlo (1/3) na ng Malaysia ang Sabah kaya’t malaki ang kawalan sa kanila kung mapasaatin ito. May dalawang posibilidad ang ganitong perspektibo: 1) ginagamit ng Pilipinas ang pagmamaltrato sa mga deportees bilang pwersang diplomatiko para sa pagbawi sa Sabah; 2) maaari rin namang baligtad: ginagamit ang pagbuhay sa kaso ng Sabah bilang pwersa para sa ikabubuti ng kalagayan ng mga deportado. Hindi rin naman mahihiwalay ang pansariling interes ng mga nasa ‘poder’ bilang ikatlong agenda. Balikan na lamang natin ang ‘photo op’ ng pangulo sa pagdating mga nauuhaw at nanghihinang mga deportado sa bansa.

Malagim na Hinaharap

Nabanggit na malaking pahirap sa bansa ang pagdating ng mga Pilipinong sing-dami ng kalahati ng Zamboanga. Nakikini-kinita na ni Kongresman Lobregat ng Zamboanga ang malaking pagtaas ng unemployment rate hindi lamang sa naturang lugar kundi sa buong bansa. At dahil kaya itong gawin ng isang bansa tulad ng Malaysia, na isa sa matalik na kaibigan ng Pilipinas, paano pa kaya kung mainis ang iba pang mga bansa sa mga iligal na migranteng Pilipino ngayon pa’t nakita ng mundo ang ginagawa ng Malaysia? Ilang beses mauuulit ang nangyayari ngayon sa Tawi-tawi? Hanggang donasyon, diplomatic protest, sisihan, at paghihiganti na lamang ba tayo? Kahimanawari’y huwag naman po sana. Nakatatakot isipin ang posibilidad ngunit posibilidad siyang dapat antabayanan at iwasan. Sa panahong humuhupa ang humanismo’t tumataas ang kahirapan sa mundo, lalong lumilinaw ito. Idagdag pa natin ang pulitikal sa sitwasyon sa Pilipinas.

13 tatlong sanggol ang namatay dahil dinala sila na kanilang mga magulang sa ibang bansa sa pag-asang maganda ang kinabukasan dito, marahil dahil hindi nakikita ng mga magulang na ito ang kinabukasan sa Pilipinas. Ipinagtabuyan sila ng Malaysia makaraan ang ilang panahon dahil ilegal ang kanilang pagpunta. Kasalanan lamang ba ito ng mga deportees? ng Malaysia? ng Pilipinas?

Kailangan pa bang sagutin ang mga tanong na ito?

Basahin: Malayang Diskarte...