MLSA: Malalapit Lalo sa Amerika
ni Janice Payoyo

Noon, may Visiting Forces Agreement at Mutual Defense Treaty. Ngayon, meron pang Military Logistics Support Agreement.

Ang MLSA ay isang kasunduang sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos na tatagal nang limang taon. Isa sa mga layon nito ay ang pagpapalakas ng “war against terrorism” ng dalawang bansa. Ayon sa kasunduang ito, sa panahon ng kapayapaan, unforeseen circumstances at exigencies, magkakaroon ng palitan ng logistical support, supplies at services. Sa palitan na ito, tatanggap ang bawat partido ng salapi o di kaya’y katumbas na suporta. Kabilang sa mga ito ang medical services, operations support, storage services at paggamit sa mga pasilidad. Hindi kabilang dito ang mga armas at weapon systems, na siya diumanong higit na kailangan ng bansa. Kabilang din sa mga pinagbabawal ay ang pagpasok ng nuclear at weapons na walang kakayahan ang gobyerno na bantayan.

Ilan pa sa mga probisyon nito ang pagbabawal sa pagtatayo ng mga permanenteng pasilidad at base militar sa Pilipinas, pagkakaroon ng Pilipinas ng kontrol sa mga storage facilities at daungan sa lahat ng oras. Maaari ding ipagsasawalang-bisa ng kasunduan na kailangang may paunang sabi anim na buwan bago ang balak na pagsasawalang-bisa mula sa isa sa dalawang partido. Pipirmahan daw ito ng mga pinakamatataas na pinuno ng Hukbong Sandatahan ng Pilipinas at United States Pacific Command.

May mga bagay na kapansin-pansin sa kontrobersyal na kasunduan na ito. Hindi binabanggit kung saan sa Pilipinas ilalagay ang mga naturang istruktura. Kung hindi kasama ang mga armas sa usapan, maaring salapi lamang ang matanggap ng Pilipinas. Maaaring lumalabas na ipambibili lamang natin ito ng mga armas na gawa sa US. Ngunit lingid pa roon, hindi rin nagpapalabas ng maraming detalye tungkol sa kasunduang ito dahil pinag-aaralan pa raw ito ng dalawang bansa. Mukha ring agresibo ang US sa pagbibigay-tulong sa Pilipinas. Patunay dito ang $55 milyon na tulong at ang karagdagang $30 milyong pledge na mula sa US. Naitatanong tuloy ng madla kung ano nga bang bansa ang magbibigay ng ganito kalaking halaga nang walang kapalit.

Napapatanong rin ang ilan – tungo nga ba sa pagbabalik ng basing rights at mga base militar ng US ang MLSA? Ayon sa interpretasyon, ni G. Renato Reyes, tagapagsalita ng Bagong Alyansang Makabayan, napakalawak ng saklaw ng MLSA. Unang-una, ano ang ibig sabihin ng unforeseen circumstances? At ano ang mga maituturing na international tension at national emergencies? Hindi nilinaw sa final draft kung ano ang mga ito. Kaya maraming mga interpretasyon ang pwedeng ilapat dito, at maaari ring magdulot ng pang-aabuso ng US. Samakatwid, maaring sabihin na nilalayon ng MLSA na buhayin muli ang mga military facilities ng US, o magtayo ng mga bagong pasilidad. Sa mga national emergencies, tulad ng mga EDSA Revolution, maaring magkaroon ng dahilan ang pamahalaan na palakihin ang mga ito at maging dahilan ito upang makapasok ang mga tropa ng US sa bansa. Sa pamamagitan ng MLSA, maaaring mapanatili ng US ang military presence nito sa higit na maliit na gastos kung ikukumpara sa pagpapanatili ng mga base militar tulad ng Clark at Subic.

Sa kasalukuyan, hindi pa napapatupad ang MLSA sapagkat pinag-aaralan pa Estados Unidos ang final draft na isinumite ng gabinete ng Pilipinas. Pinag-uusapan pa rin kung ituturing itong kasunduan (agreement) o treaty sapagkat kung ituring ito na isang treaty, kakailanganin pa nitong dumaan at maaprubahan ng Senado. Itinatayang ma-aaprubahan ito dalawang buwan pa mula sa kasalukuyan.

Sa tuwing umiinit ang usapin ukol sa base militar ng US sa Pilipinas, lumalabas ang mga makabansang sentimyento ng mga Pilipino. Unang-una, marami ang nagpapanukalang mabigat ang banta nito sa pambansang soberenya. Tila lumalabas ngang walang kakayahan ang Pilipinas na ipagtanggol ang kanyang sarili. Pag-aari ng mga Pilipino ang Pilipinas, bakit may base militar ang US dito? May mga nagsasabi ring paraan lang ito ng US upang ipakita sa buong mundo kung gaano sila kalakas, at kaya nilang gamitin ang mga higit na mahihinang bansa tuladng Pilipinas. Bukod pa sa mga ito, lumalabas na rin ang mga takot na maulit ang mga kawalan ng hustisya na nangyayari noon pang panahon ng pananakop sa ating ng mga Ameriko. Totoo ngang mahalaga ang mga ito, subalit dapat din nating tignan natin ang mga implikasyon nito sa aspetong politikal, sosyal at lalo na ang pang-ekonomiya.

My brother is not a pig!

Unang nagkaroon ng base militar ang US sa Pilipinas kasabay ng pagsakop nila sa ating bansa. Inilagay nila sa mga lugar tulad ng Subic, Clark, Cubi Point at Camp John Hay upang makatulong sa kanilang operasyong military sa bansa. Ang mga base militar dito ang pinakamalalaking military installation ng isang bansa sa lupain ng iba pang bansa sa buong mundo.

Kinainisan ng maraming Pilipino ang pagkakaroon ng mga base militar na ito at isa sa kanilang mga pangunahing mga dahilan ay ang mga kawalan ng hustisya na naganap. Noong 1962, isang batang Pilipino ang nabaril sa likod ng isang Amerikanong sundalo. Nang ipinaliwanag ng Embahada ng Amerika ang nangyari, sinabi nila na may mga Pilipino kasing gustong bombahin ang isang paaralan sa Clark Field. Nagkaroon pa sila ng pagpupulong sa press na kung saan nagpakita pa sila ng mga bombang natagpuan nila diumano. Subalit nang imbestigahan, nakitang hindi sumasabog ang mga bombang ito. Noong 1968 naman, isang Pilipino ang binaril ng isang Amerikanong sundalong off duty sa Cavite. Nang tanungin ang sundalong ito tungkol sa nangyari, sinabi niyang pinagkamalan daw niyang “baboy damo” ang kanyang nabaril, gayong naganap ang pamamaril nang mataas ang sikat ng araw. Ito ang naging inspirasyon sa pelikulang kinatampukan ni Nora Aunor na pinamagatang “Minsan May Isang Gamu-Gamo” na kung saan binitawan niya ang sikat na linyang, “ My brother is not a pig!” Bukod dito, hindi pa nabayaran ng US ang $500 milyon na sweldo na dapat ibigay sa mga Pilipinong sundalo at guerilla units na nagsilbi para sa kanila.

Noong 1947, isang taon matapos palayain ng US ang Pilipinas, nagkaroon ng kasunduan na nagpapanatili ng mga base militar sa loob ng 99 na taon. Subalit noong 1966, binago ang kasunduang ito at naging 25 taon na lamang simula 1966. Noong 1991, nawala sa mga kamay ng Amerikano ang mga base military nang hindi pumayag ang Senado na lumampas sa 25 taon ang pananatili ng mga base militar dito.

Tuloy ang Ligaya

Ngayon, umiinit muli ang mga usapin tungkol sa U.S bases dahil sa banta ng “terorismo” sa ating bansa. Sa isang banda, hindi nawawala ang mga usapang ukol sa nuclear wastes, prostitusyon at pagkalat ng AIDS noong panahon bago buwagin ang mga base military sa Pilipinas. Sa kabilang dako naman, nariyan ang banta ng Abu Sayyaf at iba pang armadong banta na nilalabanan ng gobyerno sa pamamagitan ng paghingi ng tulong sa US.

Sa mga mariing tumatanggi sa mga base military at MLSA, may dalawang mga isyu ang nangingibabaw—ang pag-insulto sa soberenya ng Pilipinas at ang malakas na impluwensya ng US sa mga polisiya ng pamahalaan.

Ukol sa pagkawalang-galang sa soberenya ng Pilipinas, masasabing labag sa konstitusyon ng Pilipinas ang pagkakaroon ng base militar sa bansa. Maraming kumekwestiyon kung bakit maaaring bigyan ng kontrol ang US sa mga lugar na ito sa Pilipinas gayong pag-aari ito ng mga Pilipino. Dahil dito, maaring magnet of attack ang mga base militar ng mga kaaway ng US.

Sa pagpayag din ng pamahalaan sa mga ganitong kasunduan sa US, makikita ang pagkalapit ng mga pangulo sa Amerika. Sinasabi na kung gustong manalo ng isang pulitiko sa eleksyon, lalo na sa pagkapangulo, kinakailangan niya ang suporta ng US lalong-lalo na sa pagkuha ng pondo. Sa totoo lang, hindi naman kailangan ng US na magkaroon ng mga base militar upang protektahan ang mga interes nito sa pamamagitan ng pagimpluwensya sa gobyerno. Subalit, kung magkakaroon ng base military, higit na lalakas ang dahilan ng gobyerno upang “makipagtulungan” sa US gayong malakas ang banta ng terorismo sa bansa.

Kamakailan lamang, nang isusulong na sana ng Pilipinas ang mga usaping pangkapayapaan, pilit na inimpluwensyahan ng US ang gobyerno upang ideklara ang krisis sa Mindanao at ang pagtuligsa sa CPP-NPA bilang isang “digmaang laban sa terorismo”. Ito ay dahil sinasabing may kaugnayan ang Abu Sayyaf sa Al Qaeda at laban daw sa interes ng US ang CPP-NPA.

Ang Ekonomikal

Higit na umaasa sa US Ang ekonomiya ng Pilipinas noong panahon ng pananakop ng naunang bansa. Dahil sa mga direktibang tulad ng Payne Aldrich Act na nagtatanggal ng buwis, bagamat nagpapataw ng quota, sa lahat ng exports ng US at Pilipinas na ipinapadala sa isa’t isa, naging number one trading partner ng Pilipinas ang US. Ang 18% sa mga produktong iniluluwas ng bansa na ipinapadala sa US noong 1899 ay umabot ng 83% noong 1920. Ang imports naman ng US na 9% ng kabuuang imports ng Pilipinas ay umabot ng 84% sa pareho ring panahon.

Kontrolado ang ekonomiya ng Pilipinas noon ng mga mayayamang maylupa. Naging pangunahing export ng bansa ang asukal, abaca, at niyog na pawang wala sa US. Hindi napaunlad ang mga sector ng industriya at paggawa (manufacturing).

Matapos ang Ikalawang Digmaang Daigdig, bumagsak ang ekonomiya ng Pilipinas dahil sa mga pinsalang idinulot ng digmaan. Binigyan ng US ang Pilipinas ng materyal at pinansyal ng tulong, ngunit bilang kapalit, kinailangang amyendahan ang konstitusyon ng Pilipinas upang mabigyan ang mga Amerikano ng Parity Rights sa paggamit ng mga likas na pinagkukunang-yaman ng Pilipinas. Sinundan ito ng Laurel-Langley Agreement na nagbibigay ng karapatan sa US sa eksploytasyon ng lahat ng gawaing pang-ekonomiya ng Pilipinas. Kaya noong dekada 50, iniwan ng mga Amerikano ang Pilipinas na may malaking utang, mababang nibel ng produksyon, laganap na korupsyon, lubos na pag-asa sa iilang iniuluwas na produkto, kakulangan sa kapital at kaawa-awang kondisyon ng mga manggagawa na pawang mga simptoma ng economic backwardness.

Noong dekada sisenta, pinilit ng IMF at World Bank ang Pilipinas na tanggapin ang polisiya ng ang Export-Oriented Industrialization upang lunasan ang lumalalang import-dependence ng bansa. Dito, nilalayong papasukin ang kapital mula sa ibang bansa upang lumago ang export industry ng bansa. Kapansin-pansin na pagkatapos lamang ng deklarasyon ng Martial law noong 1972 naaprubahan ang EOI. Mapapawalang-bisa na ang Laurel-Langley Agreement sa 1976, kaya pinilit ng US ang dating pangulong Ferdinand Marcos na magsaayos ng panibagong direktiba. Sa isang banda, masasabing naging epektibo ang programang ito. Pumasok ang 57 kompanya sa bansa na nagbigay ng trabaho sa 28 000 na Pilipino, subalit nanatiling mababa ang sahod nila. Sa kabilang dako, mula 1973 hanggang 1981, pinautang ng World Bank ang Pilipinas ng $2.6 bilyon gayong mula 1950 hanggang 1972, $236M lamang ang natanggap ng Pilipinas. Lumaki tuloy ang utang ng Pilipinas at umabot sa $27.2 bilyon.

Sa kasalukuyan, itinuturing na number one trading parter ng Pilipinas ang US. Sa kabuuang iniluwas na produkto ng Pilipinas noong taong 2000 na nagkakahalagang humigit-kumulang na $38B, $11.3 B o 29% ang napupunta sa Amerika. Pumapangalawa lamang ang Japan na kumukuha $5.6B o 14.7% lamang. Sa mga produktong inaangkat naman, sa kabuuang $31B ng 2000, $5.3B o 14% ang galing sa US, habang $6B o 16% naman sa Japan.

Datapwat, masasabing isa sa mga mahahalagang papel na ginagampanan ng mga base militar sa Pilipinas ay ang pagprotekta nito sa mga interes ng US at pati na rin ng Pilipinas. Sa dako ng US, maitataguyod nila ang kanilang mga pang-ekonomiyang interes sa Asya sa pamamagitan ng pananatili ng seguridad sa rehiyong ito sa pamamagitan ng pagsugpo ng terorismo. Ibig sabihin nito, mahihikayat nila ang mga namumuhunang negosyanteng mga Amerikano na magtayo ng negosyo sa Asya kung mapapanatili nila ang seguridad dito. Dulot nito ay karagdagang kita para sa Amerika. At sa dako ng Pilipinas, maaring mahikayat ang mga namumuhunang mga dayuhan na magtayo ng negosyo dito sa Pilipinas kung alam nila na napalakas ng bansa ang kanyang depensa gayong alam ng lahat kung gaano kahina ang militar ng Pilipinas. Mangangahulugan ito ng kita para sa gobyerno ng Pilipinas at mga bagong trabaho para sa mga mamamayan.

Kung hindi tayo hihingi ng tulong sa mga Amerikano, paano na ang ating ekonomiya? Sa bawat balita pa lamang ng mga dinakip ng Abu Sayyaf, lubhang apektado na kaagad ang Stock Market at ang halaga ng piso. At nang naganap ang mga pag-atake sa World Trade Center noong Setyembre 11, maraming mga negosyo sa Pilipinas ang nalugi. Patunay ditto ang tumaas na Non-Performing Loans Ratio ng mga bangko sa Pilipinas. Mula sa 15.1% noong 2000, naging 17.3% ito noong 2001. Lalong tumaas ito at naging 18% noong Marso ng 2002. Madaling matinag ang ating ekonomiya dahil masyadong dumedepende sa mga dayuhan, lalong-lalo na sa Amerika.

Masyado Kasing Umasa…

Kung susuriin ang ekonomiya ng Pilipinas, dalawang malalaking isyu ang madaling lilitaw—ang kawalan ng self- reliance ng ating mga industriya at ang pananatiling mababa ng purchasing power ng mga Pilipino. Nakakatawang isipin na sa Pilipinas, ang nangungunang export ay ang electronics habang ang nangununang import ay electronics din. Paano ito nangyayari? Bumibili tayo ng electronic parts sa ibang bansa at dito kinukumpuni. Matapos nito, ipinapadala natin sa ibang bansa at minsan binibili ulit natin ang natapos na produkto. Sa kabuuang halaga ng produkto, 76% ang halaga ng imported parts at 24% lamang ang value-added.

Ayon kay G. Leland dela Cruz, Pinuno ng Kagawaran ng Development Studies ng Ateneo, sa halip na itanong natin kung kaya ba nating wala ang U.S, dapat itanong natin kung alin bang bansa ang hindi kayang dumepende sa U.S., gayong napalaki ng market nito? Maraming mga bagay na ang nagbago at isa dito ay ang pagsusulong ng globalisasyon na kung saan higit na umaasa ang mga bansa sa isa’t isa. Kung ayaw na nating umasa sa mga dayuhan, dapat nating itaas ang local demand sa ating bansa. Kung gayon, dapat magsagawa ng Agrarian Reform. Dahil 70% ng mga Pilipino ang nasa mga kabayanan (rural areas), kailangan nating itaas ang kanilang purchasing power. Dapat ding itaas ang sahod ng mga manggagawa.

Sino pa ba ang tatangkilik sa industriyang Pilipino kundi mga kapwa Pilipino?

Sa kasalukuyan, patuloy na bumababa ang porsyento ng kalakal sa Pilipinas na galing sa at pumupunta sa US. Isa sa mga dahilan nito ang pagsulong ng Asian Free Trade Area, na kung saan binabawasan ang buwis at quota na umiikot sa mga bansa sa Asya na kasapi sa kasunduang ito. Ayon kay G. Dante Canlas, Kalihim ng Kagawaran ng Economic Planning, nananatili pa ring numero unong trading partner ng Pilipinas ang US. Subalit ang Asean 5, na kinabibilangan ng Brunei, Singapore, Malaysia, Thailand at Indonesia, kasama ang China at South Korea, kung pagsama-samahin ay maituturing na pinakamalaking destinasyon ng exports ng Pilipinas at pinagmumulan ng mga kalakal na inaangkat.

May Pag-asa pa ba ang Pilipinas?

Upang umunlad ang Pilipinas dapat magsikap ito na hindi na masyadong umaasa sa US, na maging self- reliant. Datapwat, kailangan ding itaas ang sahod ng mga manggagawa at pag-ibayuhin ang edukasyon sa Pilipinas. Ilan pa bang Pilipino ang mapipilitang magtrabaho sa ibang bansa dahil higit na mas mataas ang sahod doon? At ilan pa bang mga Pilipino na nagtapos ng kolehiyo ang magiging domestic helper sa ibang bansa? Mananatili nalang ba na katumbas sa domestic helper ang salitang Filipino, gaya ng nakasulat sa isang diksyonaryong Amerikano?

Ayon kay Dr. Gealogo ng Kagawaran ng Kasaysayan ng Ateneo, gaya ng Pilipinas na lumaya noong 1946, kamakailan lang lumaya ang China noong 1949. Subalit, kung titignan, malaki na ang agwat ng pag-unlad nito sa Pilipinas. Samakatwid, nakasalalay ang pag-unlad sa political will ng mga namumuno sa gobyerno. Sa Timog Silangang Asya, walang bansa liban sa Pilipinas ang mayroong mga kasunduan sa US tulad ng MLSA. Lahat ng mga bansa dito ay pawang may mga problema, ngunit hinaharap nila ito.

Ano Ngayon?

Sa aking palagay, ang isyu ng MLSA ay hindi simpleng pagkakaroon ng panig – kung sang-ayon ka o hindi. Anumang pagbasa ang gamitin upang kilatisin ang isyu ng MLSA, iisa lamang ang tinuturo – ang matinding pangagailangan ng Pilipinas na magkaroon ng pagbabago na hindi matutugunan ng simpleng paghingi ng tulong sa ibang mga bansa. Sa kalaunan, maiintindihan natin ang sitwasyon ng ating bansa at higit na importante, kung ano ang natitirang lakas natin bilang isang bansa.

Sabi nga ni Dr. Gealogo, ang pagkakaroon ng pagbabago ay maihahalintulad sa panganganak. Masakit at madugo pero kailangan. Kailangan pa ng mga pagbabago sa katawan ng ina upang mabuhay ang bata. Kung takot ka, huwag ka nalang manganak at walang lalabas na bunga.

Mga Sanggunian:

Mga itinuro sa klase at pahayag ni G. Leland de Cruz

Panayam kay Dr. Francis Gealogo

Mga artikulo mula sa Philippine Daily Inquirer

History of the Filipino People ni Teodoro Agoncillo

Philippine Economic Development and American Policy: A Reappraisal ni Norman G. Owen

Monthly Review, Disyembre 1999, Volume 51, Number 7

Final Draft ng MLSA na isinumite ng Senado

Some Initial Comments on MLSA ni Renato Reyes ng Bagong Alyansang Makabayan

Istatistikong mula sa BSP at National Statistical Yearbook 2001