Kakaunti lang ang nagsisimba sa EDSA
(Sa ikalawang anibersaryo ng EDSA Dos)
 
Kakaunti lang ang nagsisimba sa EDSA.
 
Dumadalo sa misa, oo. Marami nga.
Ngunit ang sumasamba,
aba! ibang kwento iyon.
Hindi ko alam kung ano ipinagdarasal nila:
nang manalo sila sa eleksyon,
o tumaas ang kita ng kumpanya,
o para sa kapayapaan sa buong bansa.
(Baka nangangarap lang ako.)
 
Kanina, noong pagpasok ko,
walang misa. Katatapos lang niyon.
Nakakita ako ng tinedyer
na bumabalik sa kanyang lungga sa Galleria.
Hindi man bumili ng limang pisong sampaguita
sa paslit na nakabantay sa bukana.
Malamang ay wala siyang pera. Wala.
(O baka wala lang siyang barya?)
 
Kahit ang lugar, na minsa’y naging larangan
ng pakikibaka’t kalayaan,
ay dumumi na rin, sabi ng iba.
Silang nagsabit ng larawan
ng nasirang pangulo sa tabi ng Banal na Pamilya
ang diumano’y nagparumi rito.
Katawa-tawa, bulong ng mga imahen sa dingding ng kapilya,
naging dukha rin sila minsan,
ngunit sila ang sinasabihang nadungisan.
Pero, giit sa akin ni San Jose,
hindi sila dinungisan ng dukha,
kundi ng nagmamalinis.
 
Kaya naman hindi ako nagsisimba rito;
dumadalaw na lang ako kapag walang tao.
Tuwing ako at ang Birheng Maria lang ang magkikita,
at wala nang iba pa.
 
Teka. May naririnig ako. Sa labas.
Ito na ba ang masang
nagpupumiglas sa tanikala?
 
-Jonar Sabilano
 
 
Masarap Maging Iskolar
 
Lalong nakaririndi
ang mga nagsasabi
na masarap daw maging
                             iskolar.
 
Masarap nga sana
kung ang mga libro’t salita
ng mga pantas, pilosopo, at makata
na nakahain sa aming mga mesa
ay maaaring makabusog sa amin
o kaya’y maging kwarta.
 
Masarap daw maging
                             iskolar.
 
Kung alam lang nila
ang alam namin.
Kung magagawa lang nilang akuin
ang sa lipuna’y aming tungkulin.
Kung matitiis lang nila
ang aming mga hinagpis.
 
Sa totoo lang, masarap maging
iskolar.
 
-Kakoi Abeleda
 
 
Mga Tanaga ng Digma
 
I.
Maliligo sa apoy
ang maiiwang sanggol.
Ang bala ay uulan,
ang lupa’y matitigang.
 
II.
Nananahan sa dibdib
ang mapoot na lamig.
Ang mundo’y mayayanig,
walang kwenta’ng tumangis.
 
-Kakoi Abeleda