Atenista Bilang mga Palakang Sarado ang Isipan
ni Juan Danilo Jurado

“In approaching a problem . . . (one) should see the whole as well as the parts. A frog in the well says, ‘The sky is no bigger than the mouth of the well.’ That is untrue for the sky is not just the size of the mouth of the well. If the frog said that, ‘A part of the sky is the size of the mouth of a well”. That would be true, for it tallies with facts.”  -Mao Tse Tung-

Marahil ay nakakabigla ang pamagat ng salaysay na ito. “Bakit sinasabi ng taong ito na ang Atenista ay parang isang palaka na sarado ang isipan? Hindi ba’t ang Atenista ay matalino, magaling at, para sa iba, ay mayabang?” Bago matuligsa ang salaysay, siguro ay dapat na munang pagtiyagaan ng mambabasa na intindihin ang nilalaman at nais sabihin ng salaysay na ito. Hindi man kasing orihinal ng diskurso ni Emman Lacaba o kaya’y kay Amado Guerrero ang nais ilahad, sa aking palagay ay kinakailangan pa ring bigyan pansin ang lumalalang problema ng kawalang pakialam at elitismo sa loob ng pamantasan. Parang kanser na kumakalat, kinakailangang malaman ng mga kinauukulan (at mga patatamaan) ang katotohanan . . .ang Atenista ay parang ang palaka sa alegorya ni Mao na sarado ang isipan.

Noong 1969, isinulat ni Emman Lacaba ang kontrobersiyal na “Down From the Hill” kung saan pinatamaan niya ang kawalan ng diskursong pamprotesta sa loob ng pamantasan. Sa manifesto na ito, kanyang kinuwestiyon ang saloobin ng Atenista at ito’y kanyang hinamon na pumili ng panig. Siya ba’y patuloy magsasawalang-kibo o kaya’y papanig sa masang sumisigaw ng katarungan at kalayaan? Kanyang tinira ang “standard” na kasuotan ng mga Atenista noon na “long-sleeves” at “neck-tie” bilang mga damit na pinalalala ang “alienation” ng Atenista sa masang kanyang dapat na pagsilbihan. Ika nga, “To whom so much has been given, much is also expected”. Mahigit tatlumpung taon na ang nakalipas matapos ang kanyang pagsulat ngunit may nagbago nga ba?

Sa ngayon, ang Atenista nga ba ay nakaapak na sa lupa at kaya nang tingnan ang masang naghihirap at nagugutom? Kaya na ba ngayon ng Atenista na sumigaw at humingi ng panlipunang katarungan para sa mga masang walang boses at biktima ng kamangmangan? Kaya ba nating mabuhay na wala ang ating cellphone, na para sa iba ay napakadaling palitan na parang karsonsilyo? Kaya ba nating makisalamuha sa mga taong walang pambili ng magarang damit at walang pangtambay sa “Starbucks”, na para sa iba sa atin ay mga “jologs” kung tawagin? Kaya ba nating iwaksi ang ating mga gimik at luhong pang-relax na mahina na ang gastos na P500, na para sa mga mahihirap na kabataang nais makatuntong sa paaralan ay tuition na? Panahon na, O Atenista, magising sa katotohanan. Hindi lamang umiikot ang mundo sa magagarang lugar, na kaya ninyong puntahan; mga gamit, na kaya ninyong bilhin; at burgesyang lipunan na inyong ginagalawan!

Oo, inaamin ko na alam ng Atenista na karamihan ng mga tao sa ating mundo ay mahirap at walang salapi, ngunit bakit kung umasta ang Atenista ay parang nakapiring na batang naghahanap ng palayok na mapapalo? Kaya sila mahirap dahil tamad sila . . . Kasalanan na ng tao kung siya’y mamatay ng mahirap pa rin . . .. . . Mahirap na nga sila, maram pai sa kanila ang magnanakaw at kriminal?. . . Ay, kawawa naman the poor. Ilan lamang ito sa madalas nating marinig sa ating mga kapwa Atenista. Hindi ko maintindihan kung kanila itong mga sinasabi nang dahil sa katangahan o marahil dahil sa pag-aakalang lahat ng bagay ay nakukuha sa sipag na sang-ayon lamang sa burgesyang kapaligiran na iniikutan ng mga Atenista. Hindi ba’t ang kahirapan ay kasiguraduhan din ng ‘di pagtatapos ng pag-aaral at pagkasumpa sa habambuhay na paggawa? Hindi ba’t ang isang manggagawa o magsasaka ay tinitingnan lamang na parang mga makinang bayaran o dili kaya’y mga sakang tagatanim na kayang palitan at alisin “for a more efficient and lower cost of production”? Paano nga ba makakaalpas ang mahihirap sa kahirapan kung ang kakarampot nilang kinikita ay hindi man lamang sapat para sa pang-araw-araw na gastusin, lalo na kaya sa pag-ipon ng kaunti man lamang na kapital?  Kung maraming kriminal sa mahihirap, mas maraming kriminal sa mayayaman . . .hindi nga lamang nahuhuli.

Ang Atenista ba ay napakamanhid na para hindi makita ang kabalintunaan ng lipunang ginagalawan? Kung sino ang mayaman at makapangyarihan ay siyang nasa itaas, sinusuportahan ng mahihirap at mahihinang napipilitang ipagpatuloy ang imoral na buhay ng “malalakas” at mapera. Parang isang punong baliktad . . .  ang ugat na malakas, na siyang dapat na sumuporta’t maging pundasyon ng puno ang siyang nakalitaw sa lupa; samantalang ang mga dahon, sanga at kahoy na siyang dapat na itinatayo ng ugat ay siya pang nakabaon. Ang mahirap ay patuloy na maghihirap hangga’t ang punong baliktad ay hindi naisasaayos at ang dapat na nasa ilalim ay siya pa ring nakalitaw! Hindi na kinakailangan ng henyo upang makitang ang isang punong baliktad ay babagsak din dahil sa kahinaan at kawalan ng tunay na pundasyon.

Pinagmamalaki ng mga Heswita na ang edukasyon na kanilang ibinibigay sa kabataan ay isang edukasyon na nakapagmumulat, ngunit ito ba ay totoo? Kung totoo man, nakikita ba ito sa gawain, asal at kaisipan ng mga kabataang naupo sa klasroom ng mga Heswita?  Sa ating panahon, ito ang hamon ng Atenista. Patuloy ba siyang titingala sa langit at sasabihin na ang langit ay sinlaki lamang ng butas ng balon? O siya ba’y sasagot sa hamon ng karunungan at katarungan na tumingala’t sabihin na isang parte ng langit lamang ang nakikita sa butas ng balon? Saan tayo papanig? Magiging parte ba tayo ng lipunang nang-aapi o makikiisa tayo sa mga inaapi? Patuloy ba tayong magiging mga palakang magbubulag-bulagan at magsasabing hindi kasalanan ang magkaroon ng salapi? O  ipaglalaban natin at isisigaw ang katarungang matagal na napapanahon nang ibigay sa mahihirap, mahihina at mga walang boses sa lipunan? Kahit isang grade five student, marahil, ay alam ang makatarungang sagot. Walang gitna o “neutral” na panig sa laban na itong matagal nang nagyayari. Sa panig na pipiliin, doon makikita kung sino ang tunay na Atenista . . .”men and women for others”. 

Marahil, sa punto ng salaysay na ito ay marami na ang nanggagalaiti sapagka’t ayaw ng karamihan sa Atenista na matawag na elitista. Pinupuri ko kayo, ngunit hindi kaya dapat nating tingnan kung tayo mismo ay kabalintunaan?

(Mula sa isang artikulo ukol sa “diversity” ng kulturang Atenista. Paraphrased para hindi obvious . . .)
Tanong: “What is a misconception about Ateneans?”
Sagot ng lalaki(?): It’s unfair to brand Ateneans as elitists . . .
Tanong: Where do you hang-out?
Sagot ng lalaki(?):  . . .Oh, Penn
Manila for the Ice Cream

Ilang tao kaya ang makakabili ng “ice cream”  sa Peninsula Manila? Tama nga ang lalaki(?) na ito . . .”unfair” nga na tawagin na elitista ang Atenista. Isang palaka na umiikot sa pag-aakalang ang langit ay kasinlaki lamang ng butas ng balon.