Pangulong Tudling

Noon, may kongkretong mukha ang kalaban ng EstadosUnidos: ang Unyong Sobyet, na binansagan nito bilang ‘Evil Empire’. Nang gumunaw ang USSR at diumanong bumagsak na ang komunismo, naiba ang tagpuan: iisa na lamang ang superpower. Hanggang sa pinadausdusan ng panibagong banta ng terorismo ang kanyang hegemonya nang pabagsakin ang WTC towers noong 9/11. Dito nagsimula ang krusada ng US sa paglupig ng bago nilang kalaban.

Ngunit, sino nga ba talaga ang kalaban?

Sa pagkakataong ito, hindi na isang bansang makapangyarihan ang nagbibigay-mukha sa kalaban: binansagan na lamang ang kasalukuyang katunggali ng US  sa kolektibong pangalan ng ‘terorismo,’ at nagka-mukha ang bantang ito sa persona ni Osama bin Laden at ng mga ‘pundamentalistang Muslim.’ Matapos ang madugong pagpapabagsak ng rehimeng Taliban sa Afghanistan, kinakailangan muli ng kalaban ng US upang maipagpatuloy ang kanilang krusada laban sa ‘terorismo,’ at isinunod niya sa kanyang agenda ang tinaguriang ‘Axis of Evil.’

Bugso ng kampanyang “pagpapanatili ng kapayapaan” ang digmaang US-Iraq, na siyang nagtakda ng simula ng panibagong paradigmang pulitikal ng daigdig. Nagpunyagi pa rin ang US sa kanyang pakikidigma sa Iraq sa kabila ng pandaigdigang pagtutol. Naitaguyod nito ang pagpapahiwatig na anumang bansang may sapat na lakas-militar ay maaaring lusubin ang mga maituturing banta sa kapakanan at interes nito.

Tanggap na nga ba sa kasalukuyang panahon ang mga unilateral na preemtive strikes sa anumang napipinto pa lamang na banta? Ito ba ang simula ng isang bagong kamalayan kung saan naisasawalang-bahala ang soberanya ng isang bansa dahil nakita itong banta ng isang makapangyarihang estado?

Bagamat hindi nakikitang banta ng US sa mga interes nito ang Pilipinas, sa katunayan, kapaki-pakinabang nga ang nahuli, namimiligro ang ating soberanya sa bagong paradigmang pulitikal na itinataguyod ng US. Hindi maaaring tumaliwas ang ating pamahalaan sa mga paninindigan ng US sapagkat natatali ito sa nahuli sa kung anu-anong dahilan: mga kasunduang militar tulad ng Mutual Defense Treaty at Visiting Forces Agreement, mga pagkakautang at tulong-pinansyal, at maging ang mga foreign investments sa bansa mula sa mga kumpanyang multinasyonal at transnasyunal. Sadya man o hindi, kailangang bumuntot ang ating bansa sa anumang ikilos ng US. Ganito rin ang sitwasyon ng iba pang bansang natatali sa US.

Kailangan ng US ang isang pandaigdigang kaayusang aayon sa mga interes nito. Kailangan nitong manatiling superpower. At dudurugin nito ang anumang balakid sa mga balak nito. 

Tapos na ang paglusob sa Iraq, ngunit simula pa lamang ng tunay na digmaan.