Laging Buong-puso para sa Aid
ni Kakoi Abeleda

Hindi kaila sa marami ang buong-pusong pagsuportang ibinigay ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa digmaang pinamumunuan ng Estados Unidos upang hanapin at sirain ang mga weapons of mass destruction ng Iraq, pabagsakin ang rehimen ni Saddam Hussein, at palayain ang mga mamamayan ng Iraq.  Sa katunayan, si Pang. Arroyo ang pangunahing sumusuporta sa US sa buong Asya. Kaya bago pa man niya personal na naideklara ang pagsali ng Pilipinas sa “Coalition of the Willing,” isinali na ito ni US Secretary of State Collin Powell sa listahan.

Hindi kagulat-gulat ang ganitong posisyon ni Pang. Arroyo hinggil sa digmaan sa Iraq. Matatandaang noong gumuho ang World Trade Center noong 11 Setyembre 2001, isa si Pang. Arroyo sa nanguna sa pakikidalamhati sa US.

Bukod pa rito, aktibong nakikilahok ang Pangulo sa sinasabing “pandaigdigang digmaan laban sa terorismo.” Ang kampanya laban sa terorismo ang siya ring naging pagpapatunay ni Pang Arroyo sa matagal nang mga militar na opensiba niya laban sa mga grupo tulad diumano ng Abu Sayaff, Moro Islamic Liberation Front, at Communist Party of the Philippines – New People’s Army dito sa Pilipinas.

Maliwanag din ang suportang ibinibigay niya sa mga ehersisyong pang-militar, ang Balikatan, at malugod na tinatanggap ang anumang tulong-militar na ibinibigay ng Estados Unidos. Masasabing naging consistent si Pang. Arroyo sa kaniyang posisyon hinggil sa terorismo at pagsuporta sa US.

Ang “Coalition of the Willing”

Bagaman walang suporta ng United Nations, nagpasya si Pangulong George W. Bush na salakayin ang Iraq. Bukod pa rito, bumuo siya ng isang koalisyon ng mga bansang sumusuporta sa kanyang mga kilos. Tinawag niya itong “Coalition for the disarmament of Iraq,” o higit na kilala bilang “Coalition of the Willing”. Binubuo ng halos apatnapu’t limang bansa, hayag at hindi hayag, kabilang na ang Britanya, Australia, Espanya, at Pilipinas. Idineklara ni GMA na “[Ang Pilipinas ay] part of a willing coalition giving political and moral support to actions to rid Iraq of weapons of mass destruction2 ,” sa graduation ng PMA sa Baguio na ginanap nitong Marso.”

Sa mga bansang kabilang sa koalisyon, ang Britanya, Australya, at Espanya lamang ang nagpadala ng pwersang militar. Ipinangako naman ng Pilipinas ang pagpapadala ng tulong na ‘humanitarian’ at para sa ‘peacekeeping. Bagaman may ilang bansang nag-alinlangan sa pagkakasali nila sa koalisyong ito, nananatiling matatag ang pagsuporta dito ni Pang. Arroyo hanggang sa kasalukuyan.

Ang Digmaan laban sa Pandaigdigan at Lokal na Terorismo

Ayon kay Pang. Arroyo, malinaw ang kaugnayan ng pagsuportang ibinibigay niya sa Estados Unidos at ng lokal na pagkilos laban sa terorismo. Sa gitna ng mga kilos-protesta at kritisismo laban sa pagsuporta niya sa US, idineklara niyang makabubuti ito sa pagsugpo ng terorismo sa bansa. Ayon sa kanya, ”We are part of a long-standing security alliance. We are part of the global coalition against terrorism. These relationships are vital to our national security. They bear a significance to this war and to our combined efforts to fight terrorism.” Upang pigilang makakuha ng WMD ang mga grupong tulad ng Abu Sayyaf, kinakailangan daw na suportahan ng Pilipinas ang naging pasya ng US na lusubin ang Iraq. Sa kabila ito ng kakulangan ng patunay na mayroon nga nito si Saddam, at ng di-pagsang-ayon ng UN. Ang pagiging “preventive measure” na ito lamang ang katwirang ibinigay ng pangulo.

Pangakong Tulong

Ika-2 ng Mayo ng kasalukuyang taon nang pormal na ideklara ni Bush na tapos na ang operasyong militar sa Iraq, at panahon na upang simulan ang pagpapabangon ng Iraq. Panahon na upang tuparin ni Pang. Arroyo ang ipinangako niyang tulong na humanitarian at pwersang pang-kapayapaan. Ngunit maraming sakit ng ulo ang idinudulot ng misyong ito sa pamahalaan sa kasalukuyan.

Binalak magpadala ng Pilipinas ng isang “humanitarian task force” na binubuo ng 500 kasapi: 300 sa bilang na ito ay mga sundalo, 100 ang mula sa pulisya, 60 ang mula sa Kagawaran ng Kalusugan (DOH), 39 ang mula sa Kagawaran ng Kapakanang Panlipunan (DSWD), at isang kinatawan mula sa Kagawaran ng Pakikipag-ugnayang Panlabas (DFA). Binuo ang pwersang ito sa ilalim ng Executive Order 194, samantalang ayon naman sa EO 195, inilaan ng pamahalaan ang P 10 Milyon bilang panimulang pondo ng misyong ito. Ngunit sa minimum na anim na buwang pamamalagi ng peacekeeping mission na ito, malabong kumasya ang nakalaang pondo. Makatatanggap lamang ang bawat isang kasapi ng tatlo hanggang 3.5 dolyar sa isang araw: halos katumbas lamang ng 150 piso sa isang araw. Papatak ito sa 75,000 bawat araw para sa 500 katao, at humigit-kumulang 13,500,000 piso para sa anim na buwang pamamalagi, o 180 araw, sa Iraq. Bukod pa sa pang-araw-araw na allowance na ito, may iba pang gastusin ang mga kasapi ng misyon at tinatayang aabot sa anim na raang milyong piso ang kinakailangan para dito.

Hindi suportado ng UN ang Pilipinas sa misyong ito, at boluntaryo ang pagpapadala ng pwersa ng Pilipinas kaya hindi ito tutustusan ng Estados Unidos. Bukod pa dito, sinasabi rin ng mga deputado na higit na kailangan ang mga pulis at sundalo upang magsilbi sa Pilipinas. Malaki rin ang pangangailangan ng Pilipinas sa mga health worker dahil sa isyu ng SARS.

Mukhang hindi na rin matutuloy ang misyon dahil walang Status of Forces Agreement o SOFA ang Pilipinas, Iraq, at Kuwait.

Military Aid

Ayon kay Pang. Arroyo, tumaas ng halos isandaang milyong dolyar ang tulong-militar ng Amerika simula nang maupo siya sa pwesto. At dahil na rin sa suportang ibinigay niya kay Bush, tumanggap ang Pilipinas ng halos 30 milyong dolyar na tulong-militar mula sa US. Bukod pa ito sa sinasabing 133 milyong dolyar na foreign aid na magmumula sa 75 bilyong dolyar na war budget ng US.

“Coalition of Sub-Contractors?”

Tinatayang aabot sa sampung taon ang muling pagbabangon sa ekonomiya at imprastruktura ng Iraq. Ngunit sanhi ng paglikas ng mga dayuhang manggagawa mula sa Iraq, malaki ang pangangailangan ng manpower sa naturang bansa. At dahil na rin sa naging pagsuporta ng Pilipinas sa US, nakikita ni Pang. Arroyo at ng Department of Labor and Employment na malaki ang maitutulong ng manggagawang Pilipino sa pagtatayo ng imprastuktura ng Iraq. Marami-rami ring trabaho ang naghihintay sa Kuwait. Tinatayang 100,000 bagong trabaho ang maaaring makuha ng mga OFW sa mga bansang ito.

Huling Analisis

Hindi natin masasabi kung isang biyaya ang naging daloy ng mga pangyayari hinggil sa pagsuporta ni Pang. Arroyo sa US sa kampanya ng nahuli sa Iraq: isa itong bagay na dapat nating subaybayan. Marami ang natatakot na umigting ang banta ng terorismo sa bansa bilang paghihiganti ng mga organisasyong tulad ng Abu-Sayyaf. May nagsasabi ring maaaring bumalik ang mga base-militar sa Pilipinas, ngunit sa pagkakataong ito ay wala na tayong magagawa kung magpapatuloy ang policy ni Arroyo hinggil sa US. Sambayanan ang nagluklok kay Pang. Arroyo sa posisyon, ngunit minsan na niyang nasabi, “I for one shall never allow populist pressure to deter me from my rightful and moral course.

Anu’t ano pa man, masasabi ring nakita ni Pangulong Arroyo ang mga benepisyong matatanggap niya sa pagsuporta sa Amerika. Nariyan ang tulong-militar at foreign aid na ipinangako ng Amerika, ngunit hindi pa ganap na nakikita o nadarama man lamang ng mga Pilipino. Nariyan din ang oportunidad na makakuha ng mga trabaho at kontrata sa Iraq at Kuwait. Masasabi ring  ang pagsuporta ni GMA sa Estados Unidos ay isang paraan ng pagtanaw ng utang na loob sa tulong-militar na ibinigay nito laban sa Abu Sayyaf at sa modernisasyon ng ating hukbong sandatahan.  Ayon pa sa isang opisyal ng Malacañang na tumangging magpakilala, ”Perhaps it’s a quid pro quo… We’ll get paid back in defense assistance. (But) if we don’t send a team there, we won’t get defense aid.

Sa kabila ng mga ito, marami pa rin ang hindi sang-ayon sa ginawa at ginagawa ng Pangulo. Sapagkat walang pahintulot ang Estados Unidos sa ginawa nitong opensiba laban sa Iraq, maaaring maisalang si Bush bilang isang war criminal kasama ng mga taong sumuporta sa kaniya. Ngunit isa lamang itong posibilidad. Sa kasalukuyan, pinag-uusapan pa sa UN kung ituturing ngang ligal at makatarungan ang ginawa ng Amerika. Samantala, nakatuon ang marami sa muling pagbangon ng Iraq at tila ayaw nang pag-usapan ang bagay na iyon.

 1 Soliven, Max V., sa kaniyang kolum na “By The Way” . Nalathala sa Philippine Star, Marso 21, 2003.
 2
 “Macapagal justifies decision to join anti-Iraq coalition”, artikulong ni Fe B. Zamora na lumabas sa PDI, Marso 20, 2003.
 3
 “RP backs Coalition of the Willing”, artikulong lumabas sa Philippine Star, Mar 21, 2003.
 4
 “No Regrets for Supporting War in Iraq”, artikulong lumabas sa Philippine Star, Abril 12, 2003.
 5 “RP task force to Iraq to get P 10 M”, artikulong lumabas sa Philippine Star, Abril17, 2003.
 6 Tuazon, Bobby. “ GMA Boards ‘Coalition of the Coerced’”. Artikulong lumabas sa Bulatlat.com, Vol. 3 No. 8, Marso 23 – 29, 2003.

Mga Sanggunian:

1.  Sinuyod ko ang Philippine Star at Philippine Daily Inquirer para sa mga facts at artikulo na lumabas hinggil sa digmaan sa Iraq mula Marso 1, 2003 hanggang Mayo 3, 2003.

2.  Tuazon, Bobby. “GMA Boards ‘Coalition of the Coerced’”. Lumabas sa Bulatlat.com, Vol. 3 No. 8, Marso 23 – 29, 2003.

      3.  Leupp, Gary. “The Philippines: ‘Second Front’ in the US’s Global War”.(Sanaysay), Pebrero 12, 2002.