Kalansing sa Karimlan:
Paano Kumikita ang US sa Digmaan
ni Leo Angelo Nery at Aaron Rom Moralina

Mga imahen ng kasawian, sakuna at sigalot ang sumasambulat sa isipan tuwing nababanggit ang salitang digmaan.  Mula sa mga larawang ibinabandera sa telebisyon at mga pahayagan, hanggang sa mga paglalahad ng mga istoryador sa mga librong pangkasaysayan, hitik ang mga kuwento at mga larawan ng digmaan ng mga nawasak na gusali at tahanan, lugmok na ekonomiya at industriya, at mga sugatan at duguang mga  katawan na nakakalat sa daan.

Ngunit sa gitna ng karimlang dulot ng digmaan, may mga pwersang nagsasamantala sa nasabing pagkakataon upang mapagkakitaan ito, at minsan, upang makasalba ng isang namamatay na industriya.

Panimulang Puhunan

Isa ang US sa mga bansang may pinakamalaking alokasyon sa badyet para sa pagdidisenyo at pagpapagawa ng mga armas-pandigma.  Sa kasalukuyan, pinag-uusapan pa sa Kongreso ng US ang hiling ni Pangulong George W. Bush na 343.2 bilyong dolyar para sa defense budget, higit na mataas ng 32.6 bilyong dolyar sa nakalaang badyet ng nakaraang taon.  Sa pagtataya ni Phyllis Bennis, kasapi ng Insitute for Policy Studies, gumagastos ang Amerika ng 11,000 dolyar bawat segundo para sa defense sector (tinatayang isang bilyong dolyar bawat araw) kalahati lamang ng pinagsama-samang ginagastos ng mga kaalyado ng US para sa pambansang seguridad.

Mapupunta ang malaking bahagi ng pondong makakalap para sa kabuuang gastos sa kampanya laban sa Iraq..  Tinataya ng IPS na mahigit-kumulang sa 60 bilyon hanggang 1.6 trilyong dolyar ang magugugol para sa digmaang US-Iraq mula pag-aarmas hanggang sa rehabilitasyon ng Iraq. 

Ngunit, malaki rin ang bahaging mapupunta para sa sinasabing “international aid” na ibinibigay ng US kapalit ng pagtulong ng mga kaalyadong bansa sa kampanya nila sa Iraq.  Halimbawa rito ang pagsang-ayon ng Turkey para makapag-istasyon ng mga sundalong Amerikano at Ingles sa border ng Turkey at Hilagang Iraq kapalit ng tulong-pinansyal.  Mahigit kumulang 25 bilyon dolyar ang ipinangako ng US bilang kabayaran sa paggamit at mga maaaring matamong pinsala sa mga imprastraktura sa pananatili ng mga pwersa nito.  Dagdag pa rito ang ilang mga panukala tulad ng pagtatayo ng mga permanenteng base militar, pagbalik ng Turkey sa European Union, at iba pa.

Samakatuwid, bago pa man nagsimula ang mga digmaan, mayroon nang mga nakikinabang dito.

Unang yugto: Suplay at Demand

Ang mga pagawaan ng mga armas at sasakyang pandigma ang ilan sa mga pangunahing nakinabang sa digmaan sa Iraq.   Dahil nga sa isa sa mga batas ng merkado ang pangangailangan ng demand para sa suplay, ang pagkakaroon ng pandaigdigang kapayapaan ang magdudulot ng kamatayan para sa mga kumpanyang ito, at ang pagkakaroon ng malawak na banta sa seguridad ang magdudulot ng malawakang pagdaloy ng pera para sa kanila.

Ayon nga kay Loren Thompson, defense analyst ng Lexington Institute, “the whole mind set of military spending changed on Sept. 11. The most fundamental thing about defense spending is that threats drive defense spending. It’s now going to be easier to fund almost anything.”

Dala nga ng panganib at takot na dulot ng atake sa World Trade Center , nagsilbing lisensya ang pangyayaring ito upang magsimula ng malawakang opensiba ang US para pabagsakin ang mga sinasabing mga salarin ng WTC - si Osama Bin Laden at ang pinamumunuan nitong al Qaida.  Kasama na rito ang mga rehimeng pinaghihinalaang may kaugnayan sa al Qaida at ang kanyang tinaguriang “Axis of Evil”. 

At dahil nga militar na kampanya ang isasagawa rito, bagamat nalugmok ang industriya ng armas sa US sa pagkalugi dahil sa relatibong panahon ng katahimikan, biglang nahimasmasan ito: nagsilbing ningas sa gitna ng karimlan ang mga pangako ng sunod-sunod na paglusob at pagpapabagsak  ng rehimen sa pamamagitan ng armas.

Kapayapaan  =/=  Kita

Isa ang Lockheed Martin sa mga pangunahing defense contractor ng Estados Unidos at ang pinakamahalagang supplier nito ng mga eroplanong pandigma at teknolohiyang militar.  Kilala sa buong mundo ang kanilang linya ng mga fighter planes, lalo na ang F-16.   Nakuha rin nito ang pinakamalaking kontratang pandepensa sa buong mundo:  ang 200 bilyong dolyar na kontrata para sa pagdisenyo ng Joint Strike Fighter, isang makabagong fighter jet  na gagamitin ng buong sandatahan ng Estados Unidos.

Noong ika-10 ng Setyembre, 2001, nasa 39.39 na dolyar ang halaga ng stock ng Lockheed.  Ngunit, matapos ang trahedya ng 9/11, biglang tumaas ang halaga ng stock nila ng mahigit-kumulang sampung dolyar. Sa kasalukuyan, naglalaro ang halaga nito sa 46 dolyar bawat stock.

Ang pagtaas ng halaga ng stock ng Lockheed Martin ay dulot ng opensibang militar ng US sa Afghanistan, kung saan naging pangunahing supplier sila ng sasakyang pandigma at lubos na ginamit ang mga F-16 nila.  Higit pang tumaas ang kinita ng Lockheed nang dumating ang digmaang US-Iraq, kung saan umakyat ang kita nila sa 250 milyong dolyar ng unang tatlong buwan ng taong 2003, mula sa 218 milyong dolyar ng nakaraang taon. Tinataya ring higit na mataas pa ang kikitain nila sa pagtatapos ng taong ito kaysa sa 500 milyon noong 2002, dahil malaki rin ang nakuha nilang kontrata sa operasyon ng US sa Iraq.

Kaugnay rin nito ang pagbulusok ng kita ng Raytheon, isa sa mga pangunahing pagawaan ng missile at bomba sa mundo.  Katulad ng Lockheed, naging mahalaga ang opensiba sa Afghanistan sa pag-angat ng kita nila.  100 Tomahawk missile na nagkakahalagang mahigit-kumulang dalawang milyong dolyar ang binili at ginamit ng US sa Afghanistan na nagresulta sa malaking kita para sa Raytheon.  Sa unang tatlong buwan ng taong ito, dulot ng digmaan sa Iraq, kumita sila ng 155 milyong dolyar, lampas doble ng kinita nila sa parehong panahon noong nakaraang taon na 64 milyong dolyar.

Ilan lamang ang dalawang higanteng kumpanyang ito sa industriya ng armas na malaki ang kinita dahil sa malawakang demand para sa mga makabagong kagamitan, sasakyan at teknolohiyang pandigma.  At iisa lamang ang banta sa kanilang kalakal: pandaigdigang kapayapaan.

SILANG NAIILAN:

Ayon sa Seattle Post-Intelligence, ito ang ilan sa mga kumpanyang kasalukuyang may kontratang posibleng bigyan ng kontrata para sa rehabilitasyon ng Iraq:

May Kontrata na:

Halliburton (Houston): 85,000 empleyado -- sila ang mangangasiwa sa pagpatay ng sunog sa mga minahan ng langis at iba pang mga gawaing pangrehabilitasyon sa Iraq. Sila rin ang namuno sa mga gawaing ito sa 1991 Digmaang Golpo.

Stevedoring Services of America (Seattle): 12,000 empleyado -- nakuha nila ang mangangasiwa sa pagtatayo, pagsasaayos at operasyon ng piyer sa Umm Qasr. Ang halaga ng kontrata na ito ay 4.8 milyong dolyar at aabot ito hanggang 2006.

Mga Naghahabol ng kontrata:

Fluor (Aliso Viejo, Calif.): 55,000 empleyado --
hinahabol ang kontrata sa pagtatayo ng mga imprastrukturang pangmina ng langis.

Washington Group International (Idaho): 38,000 empleyado -- tulad ng Fluor, para rin sa konstruksiyon ng mga naturang imprastruktura.

Parsons (Pasadena, Calif.): 9,000 empleyado -- dating nagtrabaho sa paggawa sa hindi natapos na Baghdad subway. Sa ngayon, sila ang isa sa mga nangangasiwa sa wastong pagliligpit sa mga armas-kimikal at nuclear waste.

Kung papansinin, mga Amerikanong kumpanya lamang ang nakakuha ng mga kontrata o may may pagkakataon na makakuha ng kontrata. Pansinin rin ang laki ng mga gugulin para sa rekonstruksiyon ng Iraq. Saan nga naman kukuha ng pera ang US bilang pambayad sa mga pinagkalooban nito ng kontrata?

Ikalawang Yugto: Rehabilitasyon

Dulot ng pangamba ng malawakang sigalot na idudulot ng digmaan, naglatag na kaagad ng mga programa at badyet ang Estados Unidos para sa pagsasaayos ng mga pasilidad at imprastruktura, at upang  matugunan ang mga pangangailangang pantao ng mga Iraqi. Naglabas na ang pamahalaang US ng 900 milyong dolyar bilang paunang badyet para sa sinasabing “rehabilitasyon” ng Iraq na pangangasiwaan ng US Agency for International Development (USAID).  Ang USAID din ang organisasyong nangangasiwa sa sinasabing rehabilitasyon ng Afghanistan.

Dito na pumapasok ang ikalawang yugto ng siklong ekonomiko ng digmaan: rehabilitasyon.  Nakaaakit ang industriyang ito dahil sa malaking badyet ang inilaan at ilalaan pa ng US dito.  Panimula pa lamang ang nasabing halaga, at panandalian lamang ang mga pangangailangan na tutugunan nito tulad ng pagtatayo ng mga panandaliang mga silungan para sa umaabot sa dalawang milyong taong nawalan ng tahanan, paggamot sa mga nasugatan at iba pang pangangailangang pantao.

Tinatayang 25 hanggang 100 bilyong dolyar ang aabutin ng pagsasaayos ng imprastruktura sa Iraq.  Ang pagsasaayos ng mga imprastruktura para sa pagmimina ng langis ay aabutin ng limang bilyong dolyar, habang aabutin naman ng 20 bilyong dolyar ang pagtatayo muli ng mga imprastruktura para sa kuryente.  Wala pang mga estadistikang ang para sa gugulin sa mga tahanang nawasak, dahil kasalukuyang sinusukat ang pinsalang natamo.

Muli, gumagalaw na naman ang batas ng suplay at demand.   Dahil nga malaki ang nakalaang badyet para sa rehabilitasyon ng Iraq, nag-aagawan ang mga kumpanya sa buong mundo sa mga malalaking kontratang siguradong malaki at matagal ang daloy ng pera.

Ikatlong Yugto: Langis

Batikos ang tinanggap ng US sa buong mundo nang sinimulan nila ang kanilang kampanya laban sa Iraq.  Laman ng mga hinaing na ito ang pagtutol nila sa isang digmaan para sa pagkamal ng langis.  Ngunit, mariing itinanggi ito ng White House.  Wika ni Ari Fleisher, tagapagsalita ng White House, “If this was a war for oil, the United States would be the one saying ‘lift the sanctions, that way Iraq could pump oil.’ This is about peace, and this is about protecting people in the region and the American people from Saddam Hussein, who has weapons that kill millions.”

Ngunit, kasalukuyan nang may nakahain na resolusyon ang US sa UN Security Council na iangat na ang mga trade sanctions na ipinataw sa Iraq noong 1990.  Ayon kay Pangulong Bush, kinakailangang iangat ang mga sanctions upang muling makilahok ang Iraq sa pandaigdigang kalakal para makakalap ng pondong gagamitin sa muling pagbubuo ng kanilang bansa. 

Kalakip rin ng resolusyong ito ang panukala ng White House na tanggalan na ng kapangyarihan ang UN sa pondong manggagaling sa pagbebenta ng langis.   Bagamat sinasabi ng panukalang ito na ang Iraqi Central Bank ang siyang mangangasiwa ng nasabing kita sa langis, ang International Monetary Fund at ang World Bank ang magbabantay dito.  At katulad ng kababanggit lamang, dito rin manggagaling ang pondong gagamitin  sa Office of Reconstruction and Humanitarian Assistance na pinamamahalaan ng Pentagon.

Samakatuwid, nagtitila binubuksan na ng US ang buong Iraq sa mga banyagang kumpanya ng langis.  Ngunit pinamumunuan pa rin ng mga Amerikanong kumpanya ang kampanyang ito.  Kung hindi dati pinapapasok ang mga Amerikanong kumpanya sa Iraq, makapapasok na ngayon ang tatlong pinakamalaking kumpanya ng langis ng US – Exxon Mobil, Chevron Texaco at Conoco Philips – sa pagmimina ng langis at pagsasamoderno ng mga pasilidad at imprastrakturang gagamitin rito. Dahit dito, lalaki ang produksyon ng langis ng Iraq at  kasabay nito ang kitang makakalap.

Ayon sa energy analyst ng Stratfor na si Peter Zeihan, dulot ng mga trade sanctions at mababang antas ng teknolohiya, 1.8 milyon hanggang 2.5 milyong bariles ng langis lang ang namimina bawat araw sa Iraq.  Kung maisasakatuparan ang mga plano sa Iraq, lampas pa sa limang milyong bariles ang mamimina bawat araw.

Hindi maikakailang malaki ang kikitain bawat araw kung sakali mang minahin ang malaking reserba ng langis ng Iraq.   Kung sino ang makikinabang rito ang siyang tanong.

Digmaan para sa Kaunlaran

Malaking negosyo ang digmaan at nagbubunga ito ng malaking kita para sa mga kumpanya sa iba’t ibang industriya  sa kabilaang dako ng mundo.  Binigyang-diin ng digmaang US-Iraq ang kapangyarihan ng digmaang makapagsimula ng isang mataas na antas ng palitan at pagpoproseso ng kapital.

Tapos na ang sagupaang militar sa Iraq sa kasalukuyan. Gayunpaman, nagbunga ang mga pangyayaring itong mga masasalimuot na katanungan: maaari bang gamitin ang digmaan bilang kasangkapan upang makapagsimula o makapagsalba ng isang namamatay na ekonomiya gayong kasawian, sigalot at karahasan ang kapalit nito?

MGA SANGGUNIAN:

Charles Pope, “Contracts Doled Out to Rebuild Iraq are Questioned”
Lisa Sanders, “Reaping the spoils of war. Ousting Saddam could put U.S. oil giants in ‘driver’s seat’ “  Boston Globe Journal
Phyllis Bennis, “Understanding the U.S. – Iraq Crisis,”  Institute for Policy Studies
Richard Wray, “Lockheed profit boosted by war”
Frida Berrigan, “The War Profiteers: How Are Weapons Manufacturers Faring in the War?”
Evelyn Leopold, “U.S. wants to shut down UN controls on Iraq’s oil”