Ninakawang Sibilisasyon
ni PJ Mariano

Marso 13—170,000 artifacts sa Pambansang Museo ng Iraq ang natangay ng mga magnanakaw at mandarambong matapos ang “liberation” ng Baghdad. Ang masaklap pa rito, wala pang 50 metro ang layo ng isang tangke ng hukbong sandatahan ng Estados Unidos mula sa museo. Dumadaan sa harap ng mga Amerikanong sundalo ang mga daan-daang taong tangay ang sari-saring mahahalagang rebulto, iskultura, atbp. Hindi man lang sila pinigilan ng mga sundalo, o tinanong man lang kung bakit nila inilalabas mula sa museo ang mga mahahalagang artifacts

Hindi lamang ang Pambansang Museo sa Baghdad ang ninakawan.  Pinasok at ninakawan din ang mga museo sa mga lungsod ng Basra at Mosul, kung saan nakatago ang marami pang ibang mahahalagang dokumento at rebulto.  Ninakaw din ang nililok na pintong kahoy ng mosque sa Mosul at nasunog naman ang Pambansang Aklatan ng Iraq. Mahigit 40,000 dokumentong makasaysayan na tinatago sa aklatan ang natupok ng apoy.  Walang ibang sipi ang karamihan ng mga ito.

Ayon kay Dr. Donny George, isang tagapangalaga ng Pambansang Museo ng Iraq, tatlong araw bago maganap ang pagnanakaw, nilapitan na nila ang mga sundalo upang humingi ng tulong upang bantayan ang museo.  Lumapit lamang ang mga sundalong Amerikano sa museo noong Marso 19 - anim na araw na ang nakalipas mula nang simulan ang nakawan.  Wala na silang naabutan, ngunit hanggang ngayon, nagbabantay sila sa wala.

Lunduyan ng Sibilisasyon

Para sa mga akademiko at arkeyolohiko, ang Iraq ang “lunduyan ng sibilisasyon” dahil dito sumibol ang mga sinauna at pinakatanyag na kabihasnan sa balat ng lupa—ang mga kabihasnang Sumeria, Assyria, at Babylonia. Mahalaga rin ang Iraq para sa tatlong pangunahing relihiyon ng mundo (Judaismo, Kristiyanismo, at Islam) dahil dito isinilang ang propetang si Abraham na itinuturing ng tatlo na isang patriyarka.  Sa Iraq din sinasabing naganap ang ilang mga tagpo sa mga aklat ng Lumang Tipan.

Nasa Pambansang Museo sa Baghdad ang karamihan ng mga artifacts na labi ng mga naturang tanyag na kabihasnang umiral sa Iraq.  Kasama rito ang daan-daang cuneiform tablets, mga labi ng pinakaunang porma ng pagsusulat na nilikha ng tao; ang Warka Vase na nililok mula sa bato higit na 5,000 taon na ang nakalipas; at ang Lyre of Ur na nanggaling sa lungsod na pinagsilangan ni Abraham.  Kasalukuyang nawawala pa rin ang mga ito, kasama ng libo-libo pang iba na tinangay mula sa museo.  Nangangamba ang mga antropologo at arkeyologo na nailabas na mula sa bansa ang mga nasabing artifacts, at ibinebenta na sa black market.  Sa halip na mapag-aralan at mapangalagaan bilang pamana sa mga darating na salinlahi, magiging bahagi na lamang ang mga ito ng mga pribadong koleksyon ng mga indibidwal.  Hindi lamang ang Iraq ang nawalan ng mana ng lahi, kundi ang buong sangkatauhan.

Langis muna

Bakit hindi agad natugunan ng mga tropang Amerikano ang pangangailangan ng museo?  Iniulat sa pahayagang The Observer na inutusan ang hukbong sandatahan ng Coalition na unahin ang seguridad sa Ministro ng Langis bago pa man ang lahat.  Ilang araw matapos ang pandarambong sa mga museo, may lumabas na memorandum mula sa Office of Reconstruction and Humanitarian Assistance (ORHA), ang komisyong itinatag ng pamahalaan ng Estados Unidos upang tugunan ang pangangailangan ng Iraq matapos ang “liberation.”  Sa nasabing memo para sa hukbong sandatahan ng Estados Unidos, itinala ang mga lugar na kailangang siguraduhing ligtas ng mga sundalo.  Ikalawa sa pinakamahalagang lugar sa Baghdad ang Pambansang Museo.  Pang-ilan ang Ministro ng Langis?  Huli sa listahan ng 16 na lugar.  Dalawang linggo ang nakalipas mula nang binigay ang nasabing memo, hindi pa rin binabasa umano ng mga heneral ng hukbong sandatahan (at kahit binasa na nila ito, tila ipinagwalang-bahala nila ang anumang nabasa).  Sa sobrang galit at kahihiyan sa ipinakita ng Estados Unidos, nagbitiw ang mga kasapi ng Advisory Committee on Cultural Property ni Pangulong George Bush.

Sinong panalo?

Tanda ang insidenteng ito ng tunay na layunin ng Estados Unidos sa kanilang paglusob sa Iraq.  Mukhang langis lang talaga ang kanilang habol—pakialam ba nila sa mga pamana ng lahi? 

Sa isang talumpati ng kilalang nobelistang si Ben Okri, sinasabi niyang masamang pangitain ang  “…need of the Americans to protect oil fields, but not hospitals, museums and libraries.” Aniya, “This is a catastrophic failure of imagination and a signal absence of a sense of the true values of civilization. It does not bode well for the future.”  Tama nga si Okri.  Hindi basta-bastang bato, paso, at papel ang nawala, ninakaw, at nasunog, kundi mga libo-libong alaala ng ating nakaraan, ng kasaysayan ng sangkatauhan.  Kung titingnan ang inaasal ng puwersa ng Coalition, kabaligtaran ang lumalabas—bato, paso, at papel lang ang nawala.  “It turns out that we didn’t believe truly in the values of civilisation either, or else we would have found a wiser way to win. A way in which we all were winners. Now, with the looting of the museums, and the burning of the National Library, with its inestimable manuscripts and books, the whole of humanity is the loser. We have lost great swathes of our past.”

Hawak na ng Amerika at ng Coalition ang mga bukal ng langis sa Iraq.  Kapalit nito, nawasak ang alaala ng mga natatanging sibilisasyong nanatili ng ilang dantaon.  Mababayaran ba ng lahat ng langis sa mundo ang halaga ng lahat ng nawala, nasira, o nasunog na artifacts sa Iraq?  Mababayaran ba ng lahat ng langis sa mundo ang pamana ng lahing ipinagkait na natin sa mga darating na henerasyon?

Mga Sanggunian:

Mga Artikulo mula sa pahayagang The Guardian, UK.
http://www.guardian.co.uk/Iraq/Story/0,2763,946259,00.html
http://education.guardian.co.uk/higher/worldwide/story/0,9959,940641,00.html

Artikulo mula sa pahayagang The Observer
http://www.observer.co.uk
http://users.ox.ac.uk/%7Ewolf0126/ “The Threat to World Heritage in Iraq”