Pagninilay sa Kabilang Panig
ni Rafael Zuñiga

Mula nang inilunsad ng Estados Unidos ang kanilang paglusob sa Iraq, wala nang ibang naipalabas sa telebisyon kundi ang mga gusaling lumugmok sa lupa na may bakas ng dugo ng mga Iraqi, lalaki man o babae, armado man o hindi, matanda man o bata.  Sa dami ng media coverage sa digmaang ito, ilang bahagdan lang kaya ang nagbibigay-pansin sa mga taong nakapaloob dito: ang mga Iraqi. Nagiging Bush vs. Hussein na nga lang ba ang digmaan o kaya naman ang US bilang “international police” na nagsasa-ayos ng mga “dysfunctional” na mga bansa? Ang mga Iraqi ang dapat bigyan ng tuon sapagkat sila ang nakakakita at nakadarama ng takot at pangambang dulot ng digmaang ito. 

Bago pa magsimula ang digmaan, hati na ang mga taong sumasang-ayon sa pag-atake ng US sa Iraq. Siguro nga’y may mga loyalista si Saddam, subalit ang kanyang diktatura ang siyang kumitil sa maraming buhay ng mga inosenteng mga Iraqi, gamit ang iba’t ibang uri ng pang-aabuso. Sinasabi ng US na may mga weapons of mass destruction si Saddam, kaya’t nais nilang maalis sa puwesto si Saddam upang hindi na niya magagamit ito. Napunta sa gitna ang mga Iraqi. Ayaw nilang pumanig kay Saddam, at ayaw rin nilang pumanig sa US. Para bang napilitan silang pumanig sa US ng panandalian hangga’t mapabagsak si Saddam, ngunit maaaring kalabanin nilang muli ang US matapos mangyari iyon. Mula sa simula ng digmaan, hanggang sa pagbagsak ni Saddam, walang naipakitang weapons of mass destruction ang Estados Unidos. Kaya naman para sa maraming Iraqi, isa lamang palusot ang dinahilan ng US, na ang totoo nilang pakay ay ang mapaalis sa kapangyarihan si Saddam Hussein.

Ngunit, marami ang nagalak sa pagbagsak ng rehimeng Saddam. Maraming mga Iraqi ang ginustong umuwi sa kanilang inang bayan nang kanilang mabalitaan ang pagdiriwang ng kanilang mga kababayan. Gusto nilang makisigaw at makisipa sa mga rebulto ni Saddam na kanilang ibinagsak sa tulong ng mga Amerikano.

Ang imaheng iyon ang nagpakita ng suporta ng mga Iraqi sa mga Amerikano. Siguro nga’y iyon na lamang ang kanilang kayang gawin—ang maki-isa. Subalit ayon kay Yasmin, isang Iraqi na nasa Baghdad nang maganap ang pangyayari, hindi natin masasabing sila ang nagpapakita ng totoong sentimyento ng mga Iraqi, sapagkat maaring sila rin ang dating nakikita natin sa telebisyon na sumusuporta kay Saddam. Kumbaga, may posibilidad na sila ang mga Iraqi na balimbing, na kung sino ang nananalo, doon sila papanig.

Ayon naman kay Sama Hadad, isang Iraqi na nakatira sa London, galit ang lahat ng mga Iraqi kay Saddam, at simula pa noon, gusto na nilang ibagsak ang kanyang rehimen.Ayon rin sa kanya, emosyonal para sa kanila ang makitang bumagsak ang rehimen sa Baghdad sapagkat ito ang puso ng diktatorya ni Saddam. Para naman kay Hani Lazim, isa ring taga-London, nagalak siya sa pagbagsak ni Saddam ngunit sadyang hindi siya sang-ayon sa paraan kung paano ito nakamit, dahil para sa kanya, kapag nakikita niyang bumabagsak ang mga gusali, hindi lamang mga gusali ang bumabagsak, kundi ang buong bansa.

Marami ngang Iraqi ang pumanig sa mga Amerikano, pero hindi maikakaila na sila rin ay may sama ng loob sa US. Umuugat ang galit na ito noon pang Gulf War. Nagkaroon ng mga ekonomikal na balakid sa Iraq, nalimitahan ang mga pagkain at iba pang mga bagay, kaya’t sobrang naghirap ang mga Iraqi, kung saan may ilan ring nasawi. Labindalawang taong sumailalim sa mga balakid na ito ang mga Iraqi. Labindalawang taon rin silang gumapang upang makamit ang pinakabasikong pangangailangan. Ayon kay Nasa Al-Sadoon, puro pulitikal lamang ang sinasabing pagtugon ng UNSC (United Nations Security Council) sa “humanitarian needs” ng Iraq. Ano nga naman ba ang “humanitarian” sa paglalapat ng mga balakid na nagiging dahilan sa lalong paghihirap ng mga taong nais nilang tulungan?

Pero bilang mga mamamayang sadyang naghihirap, na minsan pa nga’y wala nang bahay na maaaring silungan, o kaya nama’y walang pagkain sa pang-araw-araw, nagagawa ng mga Iraqi na tumahimik na lamang at maging kuntento sa kung ano ang mayroon sila; may balakid man o wala. Ang mahalaga ay ang makaraos.

Halos lahat naman tayo (maliban sa mga gumagawa ng armas), Iraqi man o hindi, ay humihiling na matapos na ang digmaan. Subalit, dahil sa digmaang ito, lalong nalugmok ang estado ng Iraq. Kapalit ng pagbagsak ni Saddam ay ang pagbagsak ng mga imprastraktura, ekonomiya, at kalidad ng buhay sa Iraq. Sa halip na limitahan ang tulong, dapat higit na pag-ibayuhin ng United Nations, lalo na ng US, ang pagtulong sa Iraq. Kung tutulong man, sana’y walang kunin ang US ng kahit ano man mula sa Iraq, dahil sila rin naman ang sumira nito, gamit ang kanilang naglalakihang mga bomba.

Sa buong mundo, walang humpay ang mga pagtutol ng iba’t ibang bansa, na ang tanging hiling ay kapayapaan. Siguro nga’y gustong magpasalamat ng mga Iraqi sa US sapagkat natanggal na sa puwesto ang taong sumakal sa kanila ng ilang dekada, ngunit hindi nila gustong manatili ang US sa kanilang bansa, lalo na sa iniisip nilang posibilidad na gagatasan lamang sila nito. Sana nga hindi maulit ang nangyari sa ating bansa sa Iraq, kung saan si Uncle Sam ang naging ating taga-pamuno mula nang tayo’y “nasagip” ng mga Amerikano.

Wala na nga bang magawa ang mga Amerikano kundi maki-alam sa mga suliranin ng ibang bansa? Sa bagay, ‘para sa buong mundo’ ang kanilang ginagawa. Ngunit para sa mga Iraqi, hindi simple ang bagay na ito, na nagiging namumukod-tanging “tagapagligtas” ang US, ala-Superman. Simple lamang ang nais nilang iparating: ayaw nilang maging kolonya ng Amerika, sa kahit na anong paraan. Kung makikinig lamang ang Estados Unidos, kung isasa-alang-alang ang kanilang mga hinaing, baka pwede silang magtanong: “Bakit pati kami?”

 1 http://www.islam-online.net/english/News/2003-03/20/article20.shtml
 2
 www.iraqwar.ru
 3 http://www.bbc.co.uk/london/news/
 4 http://www.bbc.co.uk/london/news/
 5 http://www.uruklink.net/iraqdaily/9696/edit1.htm

Basahin: Malayang Diskarte