Pag-aalaga ng Rehimen
ni Mike Pante

Napupuno ng kabalintunaan ang kasaysayan ng tao.

Isa sa mga aral ng kasaysayan na maagang itinuturo sa ating mga mag-aaral ay ang konseptong ang mga Amerikano ang nagkaloob sa ating mga Pilipino ng demokrasya. Kung hindi raw sa kabutihan ng isang mananakop, hindi natin matatamasa ang ating sistema ng pamahalaang nagpapahalaga sa kalayaan – isang napakalaking balintunang bumabalot sa ating panlipunang kamalayan; isang balintunang ayaw tantanan ng siyang nagpasimuno. At patuloy pa rin, hindi lang sa Pilipinas. Hanggang sa ngayon, hindi pa rin matinag ang Estados Unidos sa pagbubuhat nito ng sariling bangko sa pagiging tanod ng demokrasya. Hanggang sa ngayon, sa kanyang pagsusumikap iwan ng isang panibago at “makabagong”  pamahalaan ang lupaypay nang Iraq, patuloy ang paglapastangan nito sa kalayaan ng iba sa ngalan ng ibang uri ng kalayaan. Hanggang sa ngayon, tila hindi makita ng tao ang balintuna.

Abala sa kasalukuyan ang Estados Unidos sa pagpapatupad ng kanilang planong post-war Iraq. Bilang patunay na siguro ng kanilang sinasabing dalisay na intensyong palayain ang Iraq mula sa mapaniil na diktadura ni Saddam Hussein, isang demokratikong pamahalaan diumano ang kanilang nais para sa bansa. Hindi katanggap-tanggap sa kanila na manatili ang isang diktador lalo na at demokrasya ang kanilang palagiang sigaw. Sa Iraq, si Saddam ang siyang matingkad na kabaliktaran ng kanilang ipinaglalaban…Kuno.

Kung mayroon mang isang partikular na libangan ang Estados Unidos nitong nakaraang siglo, ito ang pagkupkop ng mga diktador sa halos bawat sulok ng daigdig. Habang ipinangangalandakan nito ang kanyang kultura ng demokrasya, patuloy din naman ito sa pag-aarmas, pagpapautang, at pagtatanggol sa mga rehimeng kaibang-kaiba sa kulturang kanyang ipinagkakapuri. Mananatiling mga kakampi ng “demokrasya” ang mga rehimeng ito, basta’t huwag lang silang tataliwas sa Estados Unidos. At kung magkagayon, kaaway na silang maituturing. Isa sa mga tumaliwas si Saddam Hussein.     

Dekada otsiyenta nang sumiklab ang Digmaang Iran-Iraq. Hindi kataka-takang kampihan ng Estados Unidos ang Iraq dahil hindi mabuti ang relasyon ng huli sa Iran lalo na at katatapos pa lamang ng makasaysayang Iran Hostage Crisis (kung saan, mga armas ang ipinantubos ng Estados Unidos para sa mga bihag). Upang makaganti ito sa Iran, binigyan at binentahan ng Estados Unidos ang Iraq ng mga armas. Sinuportahan nito si Saddam Hussein, pangulo ng Iraq, bagaman inagaw lamang niya ang kapangyarihan. Natapos ang digmaan subalit patuloy pa rin ang pinansiyal na tulong para kay Saddam na siyang ginamit nito upang magpalakas pa lalo. Tumagal ang matamis na relasyon ng dalawang bansa hanggang sa naging suwail si Saddam at kanyang sinakop ang Kuwait. Dahil dito, nagtampo ang Estados Unidos at agad nitong pinulbos ang taksil na kaulayaw.

Ilang beses nang naulit ang ganitong pakikipagrelasyon ng Estados Unidos sa mga rehimeng hindi maganda ang pakikitungo sa iba pang bansa at sa mismong mga mamamayan nito. Para bang mayroong sinasaligang proseso ang lahat.

Una, dala ng pangangailangan nitong maipagtanggol ang kanyang mga interes sa iba’t ibang panig ng daigdig, “napipilitan” ang Estados Unidos na makipagkasundo sa mga nabanggit na rehimen. Susustentuhan nito ang mga pangangailangan ng rehimen, mula sa mga pautang hanggang sa mga armas. Gagamitin ang mga pautang upang mapanatili ang mga multinational companies (MNCs) na nakabase sa mga bansang ito; at ang mga armas, upang mapanatili ang “katahimikang” siyang napakahalaga sa pagpapatakbo ng mga MNCs. Madalas, pupurihin ng Estados Unidos ang diumanong demokrasya at kaunlarang tinatamasa ng mga bansang hawak ng mga rehimen. Subalit, sa oras na tumaliwas ang mga diktador sa landas na nais nito, (hal. industrial nationalization) ang Estados Unidos na rin mismo ang gagawa ng paraan upang bumagsak ang mga dating tuta.

Iilan lang ito sa mga diktador na sinapit ang kapalaran ni Saddam:

1.  Trujillo ng Dominican Republic

2.  Noriega ng Panama

3.  Suharto ng Indonesia

4.  Marcos ng Pilipinas

At huwag din nating kalimutan si Osama bin Laden.