MALAYANG DISKARTE
ni Tinalupang Tupa

 

SARSmaryosep! ANAK NG TUPA!

 

Simula noong namatay si Adela Catalon noong Abril, kumalat na ang panic sa SARS sa buong bansa. Hindi namin alam kung baga lang ang naaapektuhan ng sakit na ito o nakaka-flip din ito ng ulo. Pero kamakailan lamang, nakakalap kami ng mga balitang patunay na baka kumakalat din ito sa utak. Todo ‘na ‘to, ‘ika nga.

 

Exhibit A: Bago dumating ang Mahal na Araw, naglabas si Panggulong Pikachu ng panawagan sa mga OFW na huwag munang dumalaw sa mga pamilya nila. Ang katuwiran niya: baka raw kumalat ang SARS. Noong araw ding iyon, nagpahayag ang isang dating miyembro ng Blue Babble na ngayo’y head cheerleader ng bansa na welcome na welcome sa Pilipinas ang mga turistang galing sa mga bansang apektado ng SARS. Ang katuwiran niya: SARS-free ang bansa. Ang labo!

 

Exhibit B: Biglang naging fashion statement ang mga face mask. Mas malaki, mas maganda. Balita namin, sa Japan, kung anu-anong disenyo na ang natatagpuan. ‘Yun nga lang, hindi mo mabibili sa suking tindahan. Sa drug store lang. Dito sa Wow! Pilipings, hindi pa nauuso. Lagi na lamang tayo huli sa mga trend sa Asya. Sa Amerika kasi nakatuon ang mga mata natin.

 

Exhibit C: Pero kahit hindi pa nauuso ang face mask dito, mataas na rin ang presyo ng nasabing produkto. Inirerekomenda ng Deportment up Hellth (DUH) na ibenta sa halagang sitenta pesos lamang ang mga iyon. Ngunit nabalitaan naming doble pa ng presyong iyon ang benta sa mga suking drug store.  Kaya, bilang sagot sa artificial price increase na ito, nakaisip ng alternatibo ang mga mamamayan ng isang bayan sa Zamboanga: ginagamit nila ang padding ng bra bilang pansala sa hangin. ‘Singbisa pero di ‘singmahal.

 

***

 

May idinaraos na one-month stay-in forum sa isang hotel dito sa Maynila. Inimbitahan ang lahat ng honor students na nagsitapos sa kolehiyo ngayong taon. All-expense-paid, tsong. All-starpa ang mga magsasalita: mga kalihim ng Defartment of Depends, Metro Mani-nila Duh-velopment Authority, at iba pa. Pero napapansing wala sa mga tagapagsalita ang mga kagawarang tumutugon nang diretso sa kahirapan. Bakit ganoon?

 

Clue: Strong dapat. Walang lugar sa pagkalinga.

 

***

 

Mula sa pagiging terror para sa iba’t ibang grupo tulad ng manininda, militate, at iskwater, nag-shift sa pagiging tenor ang tatlo sa pinaka-visible na kalihim ng Gabinete. Kamakailan lang, nagdaos sila ng konsiyerto sa Manila Hotel. Nakipag-duet pa sila sa isang sikat na mang-aawit. O, sey mo? Iniimbita pa silang umawit sa iba’t ibang lugar, kahit sa labas ng bansa.

 

Sabi ng isa sa mga terror, este, tenor, “A lot of friends bought tickets. But I don’t think we’ll still have them as friends after this concert.” Kung alam lang niyang sa simula pa lang ay kakaunti na ang mga kaibigan niya, hindi na siya siguro nangahas magbenta.