Talaalaalaan
ni Nicolas Tani

Ika-14 ng Marso, taong 2003

Hindi ko maintindihan kung bakit kailangang pakialaman ng Amerika ang bansang ito. Biro mo, nananahimik kami dito sa bansang ito ng magda-dalawang taon na. Ang pamilyang Modher, na pinagtatrabahuan ko mula sa pagkaapak ko sa lupang ito, ay pinanganak at pinalaki dito rin sa bansang ito na walang reklamo sa gobyerno. Halos limampung taon na yun.

Walang reklamo ang mga tao dito sa gobyerno, di tulad nung nasa ‘Pinas pa ako. Yung kay Marcos, tapos yung kay Cory, tapos kay Erap bago ako umalis. O baka naman dito lang yun sa Baghdad na walang nagrereklamo. Basta masaya talaga dito. Tingnan mo, nakakasulat pa ako ng sarili kong diary bago ako matulog. O, diba? Turo sa akin ito ni Fareeza. Siya lang naman yung medyo naiintindihan ko dito e. ‘Tsaka mabait siya. Sabi niya nakakatulong ang magsulat kapag walang ginagawa.

Teka, diba nagka-giyera na dati na US at Iraq din ang magkalaban? Yung nasa disyerto ata yun… Di ko na maalala kung sinong pangulo yung magkalaban noon, basta alam ko meron nga. Di pa pala bati ang mga bansang ‘iri.

Tinanong ko si ser kanina, “Ser, why this war about, ser?” Wala naman siyang sinagot sa akin. Ngumiti lang at tinuloy ang pagkabasa ng diyaryo. Ah, ewan. Mag-away sila kung mag-away, basta importante lang talaga sila Junjun at Bing.

Sana sulatan na ako ni mahal.

Ika-15 ng Marso, taong 2003

Narinig kong mag-usap ang mag-asawa kanina tungkol sa balita. Wala akong masyadong maintindihan, pero parang tungkol ata sa nangyayari sa Amerika nanaman ata, kasi tinuturo ni Ser yung diyaryo na may litrato ng mga sundalong ‘Kano. Giyera ata ang pinag-uusapan nila. Tapos narinig ko si Mam na binanggit ang pangalan ko habang umiiling… para bang humihindi. Ewan ko lang kung tungkol saan yun… tanungin ko na lang si ‘Mareng Lani bukas pag nagkita kami sa palengke.

Si Lani nga pala yung isang Pinay na katulong din. Kaya lang dun siya nagtatrabaho sa pamilya sa may Alwiyah, samantalang dito ako sa Amiryah.. Nagkakilala kami nung umikot ang pamilyang Modher sa mga palasyong nakakalat sa Baghdad, mga ilang buwan na ang lumipas. Sabi nila umikot ako at bumili ng gusto ko sa may souk na malapit sa Abbasid Palace. ‘Di ko naman alam kung ano ang souk, kaya lakad muna ako ng sandali. Tapos nakakita ako ng palengke, naisip ko na baka nga palengke yung sinasabi nila.

Nakakaaliw nga sa may palengke… parang yung nasa ‘Pinas, wala nga lang masyadong isda. Pero kakaiba ang mga binebenta doon… sayang nga lang, di ko kasama sina Fareeza. Siguro tinuruan niya ako kung ano yung mga tinitinda kung kasama ko siya noon.

Tapos may nadaanan akong kumakanta ng “Nananaginip ng gising, nakatulala sa hangin…” Syempre napatingin ako. Aba, ‘Pinay nga! E di tinawag ko. “Hoy, kabayan!” sabi ko, sabay nag-usap na kami. Magda-dalawang taon na daw siya dito, kaya lang mababa ang bayad sa kanya. ‘Di naman daw kasi mayaman ang amo niya. Bago kami umuwi sa aming mga amo, naging magkaibigan na kami. At doon ko lang naisip na suwerte pala ako.

Wala pa akong natatanggap mula kay mahal.

Ika-16 ng Marso, taong 2003

Nagsulat na si mahal! Ang ganda pa ng balita – may medalya si Junjun at Bing! Number 1 daw si Bing sa lahat ng grade 1, tapos number 2 daw si Junjun sa lahat ng grade 4. Ang galing! May litrato pang pinadala si mahal sa akin na may medalya ang dalawa! Naiyak ako doon… gusto ko nang umuwi, kahit sandali lang.

Gustung-gusto kong magpasalamat sa Diyos, kaya lang wala naming simbahan dito. Magro-rosaryo na lang ako mamaya bago matulog.

Sabi nga pala ni Lani, usapin pala yung giyera sa mga Arabo. Narinig daw niya ang mga amo niyang nag-uusap at nagsasabing ‘wag daw ipaalam sa kanya, baka matakot daw siya at tumakas. Sabi ni Lani, malamang ganun din ang sinasabi ng mga amo ko kahapon. Naisip kong ‘wag naman sana. Paano na ang pamilya ko kung bigla ngang magka-giyera at may mangyari sa akin? Iniisip ko na rin ang pwede kong gawin.

Baka tumakas na lang ako kung sakaling ganun na nga.

Ika-17 ng Marso, taong 2003

Nilapitan ako ni ser kanina, sabi niya tataasan niya ang suweldo ko. Natutuwa daw silang lahat sa akin, at ‘wag daw sana ko silang iiwan. Buti naman at naintindihan ko ang Ingles niya. Tuwang-tuwa talaga ako sa narinig ko!

Magandang ibalita ito kay mahal! Pwede na rin akong bumili ng mga ireregalo ko kay Bing at Junjun.

Natatandaan ko na… ‘di ba si Saddam din ang kasama sa giyera noon? Tapos Amerika din ang kalaban niya? Bakit nga ba? ‘Di ko na matandaan… siguro iniisip nilang masasama ang mga Arabong ito. Loko pala silang lahat e… baka ‘pag nasabihan ko sila na mabait ang mga Arabo bigla na lang sila maiinggit sa akin. A, mamatay sila sa inggit!

Walang pasok si Fareeza ngayon… kinansel daw, sabi niya sa akin. Sabi niya takot daw ang mga titser niya. Sabi ko naman, “Scare?Scare of who?” Sabi niya, “White people.” Tapos bigla na lang siya nanahimik, parang ang daming iniisip. Sino kaya yung tinutukoy niya?

Si Mam naman kanina pa ako binabantayan dito. Naiinis ako, kasi di ba niya naisip na kung gusto kong umalis, ginawa ko na noong Setyembre pa? Libre pa yun. E di ko lang masabi sa kanya na gustung-gusto ko dito sa pamilya nila. Ayaw kong umalis. Bibisita ako sa ‘Pinas paminsan-minsan, pero ayaw ko munang umalis. Sana malaman niya yun. Na mahal ko na rin silang lahat – si Mam, Ser at Fareeza.

Lalo na si Fareeza, na kamukhang-kamukha ni Bing.

Ika-18 ng Marso, taong 2003

May narinig akong balita kaninang umaga. Nanonood si mam at Ser ng balita kaninang umaga, tapos narinig ko yung sinabi ni Bush, yung pangulo ng Amerika. Pagkaintindi ko may “48 hours” daw si Saddam na sumuko, kundi itutuloy daw yung giyera. Natakot ako nung narinig ko yon, kasi yung 48 hours dalawang araw lang pala yun. Tapos bobombahin daw ang Iraq.

Diyos ko, ayaw ko po pa pong mamatay. Paano na sina Bing at Junjun? Paano na si mahal? Diyos ko po, sana naman ‘wag mangyari yun... mahal na mahal ko po ang pamilya ko, ayaw ko pa pong iwanan sila. Sana sumuko na si Saddam…

Tinawag ako nin Mam at Ser kanina. Sabi nila sa akin na sana ‘wag daw akong matakot. Tataasan daw nila ang suweldo ko nang mas mataas pa kung mananatili ako doon hanggang matapos ang gulo. Wala raw kasing mag-aalaga kay Fareeza. Ayaw ko rin namang iwanan si Fareeza. Napalapit na sa akin ang bata, e. Naawa ako sa kanya… isipin mo, hindi pa nga siya tin-edyer ay may ganitong klaseng gulo sa paligid niya. Naisip kong manatili muna para alagaan siya hindi para sa pera. Pero ‘pag natapos na ang gulo, uuwi na ako sa ‘Pinas para alagaan naman sila Junjun at Bing. At para makasama ko na si mahal.

Diyos ko… sana talaga sumuko na si Saddam.

Ika-19 ng Marso, taong 2003

Hindi pa sumusuko si Saddam, malapit na ang 48 hours. Nagkita kami ni Lani kaninang umaga. Sabi niya siguradong susuko si Saddam alang-alang sa mga mamamayan niya. Gabi na, hindi pa siya sumusuko. Diyos ko, tulungan ninyo po kami…

Dito kami nagtatago sa bomb shelter na pinagawa ni ser. Hindi ko alam na bomb shelter pala ito nung pinapagawa ito ni ser noong ilang buwan na ang lumipas. Akala ko bodega. Ngayon lang sinabi at pinakita sa akin na bomb shelter pala ito. Nag-nobena ako sa mahal na Birhen… dati-rati, nung nasa ‘Pinas pa ako, tuwing Miyerkules ako nagno-nobena kasama ang pamilya ko. Magmula nung dumating ako dito, hindi na ako nakadasal. Ngayon lang ulit ako nakapag-nobena. Hinahayaan na lang ako nina mam at ser.

Ang tahimik na ng buong paligid. Hinihintay na naming ang unang bomba na bumagsak. Umiiyak si Fareeza kanina. Iyak ng iyak. Takot na takot ang bata, baka daw kung ano ang mangyari sa kanila. Niyakap pa nga niya ako. Ayaw niya na mawala ako. Naiyak din ako nung sinabi niya yun. Kasi ayaw ko ring may mangyaring masama sa kanya. Para ko na rin siyang anak ko.

Sabi ni mam at ser sa akin, pagkatapos ng pagbomba pauuwiin daw ako para walang pwedeng mangyari sa akin. Babalik na lang ako ‘pag tapos na ang giyera. Lilipad daw kaming lahat papuntang ibang bansa gamit ang eroplano ni ser. Tapos idadaan ang eroplano sa ‘Pinas. Yun yung sinabi ni ser sa akin.

Sana talaga matapos na ito ng maaga. Sana hindi na magkabombahan dito. At sana makita ko ulit ang asawa ko’t mga anak.

Diyos ko, tulungan ninyo po kaming lahat. Tulungan ninyo po kami…

Ika-20 ng Marso, taong 2003

Ngayon lang ako nagsulat ng umaga dito. Tuwang-tuwa kami na walang nangyari kagabi! Walang bombang bumagsak, e tapos na ang 48 hours na binigay ni Bush. Mamayang hapon daw kami aalis sabi ni ser.

Pupunta muna ako sa palengke sa may Abbasid. Bibilhan ko na ng pasalubong sina Junjun, Bing at si mahal. Bibili na rin ako ng talong at karne para ipagluto ko muna sila ng paborito nilang lahat – Shaikh Mahshy – kahit wala pang Martes.

Tuwang-tuwa talaga ako! Makikita ko ulit sila Junjun, Bing at si mahal!

Ituloy ko na lang ‘to mamayang gabi.