Piracy: Makabubuti sa Bayan?
ni AR Salabang

Karaniwan na sa lipunan natin ang paggamit at paglalako ng mga pekeng CD’s. Makikita ng karamihan sa atin na binebenta ito sa mga baratilyo o sa mga tiangge. Madalang lang ang Pilipinong taga-Maynila na walang karanasan sa paanyayang bulong ng “boss, dvd?” o kaya (lalo na sa isang sikat na mall sa may San Juan), “boss, ex?” Totoong nakaiilang ang mga taong nagbebenta nito ngunit napakahirap tumanggi sa mga CD na sampung beses ang baba sa presyo ng “original.”

Ngunit dapat alalahaning sa konteksto ng isang bansang third world tulad ng Pilipinas, hindi ito isyu ng “pandaraya” at paghahanap ng higit na murang produkto, kundi isa nang bahagi ng araw-araw na pamumuhay. Lalo na sa mga mahihirap, malamang na ang “pirated” lamang ang umiiral sa mundo nila sapagkat ito lamang ang kaya nilang bilhin.

Ang problema ngayon, napasasailalim ang mundong ginagalawan natin sa mga rehimeng internasyunal na may kapangyarihan sa ating bansa. Ayon sa kanilang tradisyong liberal, bahagi ng karapatan ng bawat indibidwal ang karapatan sa pag-aari. Hindi ang pagprotekta sa mga kaisipan ang prinsipyo ng copyright kundi sa mode of expression, bilang isang intelektwal na pag-aari.

Sa ganoong kalagayan, natural lamang na magkakaroon ng salungatan ang ating pamahalaan sa mga rehimeng iyon. Katunayan nito ang pagsali sa Pilipinas sa listahang “Special 301” ng US trade representative, na nangangahulugang maaari tayong patawan ng mga trade sanctions kung walang pagbabago para isaayos ang mga Karapatang Intelektuwal na Pag-aari (Intellectual Property Rights) sa ating bansa. Samantala, isang partikular na alyansa ng mga Amerikanong kumpanya ang gusto pang lalong ibaba ang Pilipinas sa priority watchlist of rampant IPR violators.

Habang tila nabigla at nagpoprotesta ang gobyerno natin, mayroon din namang punto ang mga kumpanyang ito. Ayon sa National Bureau of Investigation (NBI), pinakalaganap ang piracy sa mga arkitektural, engineering services, shipping at manufacturing na sektor ng kalakalan. Sa madaling salita, malinaw na pumapasok ang piracy sa malalaking negosyo. At sa ganoong pananaw, hindi mahirap maunawaan kung bakit ganoon na lang ang galit ng Kapitalistang Kanluran.

Sa kabilang dako, higit na binibigyang-pansin ng mga grupo tulad ng Thank You for the Music Foundation na nakasasama ang piracy pati sa mga artistang gumagawa ng materyal na pinipirata. Iba-iba ang kanilang mga solusyon, tulad ng higit na kaalamang pampubliko, mas mabigat na parusa, mas matimbang na mga batas, at isang personal na pangakong umiwas sa piniratang bilihin.

Samantala, kahit sa panig ng mga mamimili, idinidiin na para rin sa kanilang ikabubuti ang pagpapahigpit sa piracy. Isa sa mga dahilang tinutulak, ay, na nakasisira sa mga makina ang paggamit ng mga depektibong piniratang kopya. Halatang ito ang pinakapinahahalagahang argumento, gaya ng nakikita sa paulit-ulit na mga patalastas na ipinapakita ang isang paputol-putol na music video.

Sa kabila ng mga tulak para sa paggawa ng mga batas laban sa piracy, hindi nakakagulat na nagmamay-ari ang Pilipinas ng kumpletong koleksiyon ng mga batas-IPR. Isinabatas ng Republic Act No. 165 (RA 165) ang patent office, tinalaga ang kapangyarihan at gawain nito, tinakda ang pagbibigay ng patents, at pag-sasantabi ng pondo para rito. Nagbigay-daan naman ang RA 166 para sa pagrehistro at proteksiyon ng mga trademark, trade-name, at service-marks, binigyang-kahulugan ang mga katagang, unfair competition at false marketing, at nagtalaga ng mga solusyon para sa mga ito, at sa iba pang mga bagay. Kahit nga noong Martial Law, mayroon nang mga batas laban sa piracy: ang Presidential Decree No. 49 na kilala bilang Decree on the Protection of Intellectual Property.

Sa kabila ng mga nabanggit nang batas, hindi maaaring talakayin ang Piracy sa Pilipinas nang hindi nadaraanan ang Intellectual Piracy Code (RA 8293). Ito ang haligi ng mga batas-IPR at ang pangunahing pagpapakita ng anti-piracy policy sa Pilipinas. Sa madaling salita, tinalaga nito ang Intellectual Property Code at ang Intellectual Property Office, at nagbigay ng kapangyarihan at tungkulin ng mga ito. Binigyang kahulugan ang IPR para sumaklaw sa copyright at konektadong mga karapatan, trademark at karapatan sa serbisyo, geographic indications, disenyong industriyal, patents, disenyo ng topographies ng mga integrated circuits at ang pagprotekta ng tinatagong impormasyon.

Sa mga tinutugunang isyu ng Intellectual Property Code, ang isyu ng pagkopya ang siyang pinakamahalaga sa piracy. Bilang patnubay, pinapayagan ng batas ang pribadong pagsipi ng nilimbag na produkto sa isang kopya na kung saan ginawa ang pagkopya ng isang tao para lamang sa pagsasaliksik o sa pribadong pag-aaral. Sa larangan ng mga programang pangkompyuter, pinapapayagan ang pagsipi, ngunit sa ilalim lamang ng iilang mga kwalipikasyon.10  Sa pagkakataong may paglabag, nagkakaroon ng: injuction para sa pagtigil ng Gawain, pagbayad ng multa, paghandog ng mga dokumentong kailangan sa korte, paghandog ng ilegal na kagamitan para sa pagsira, sa ilalim ng anu pa mang magdulot ng pangangailan at kondisyon na itinalaga ng korte. Sa kabilang dako, ang criminal paglabag ay maaaring may pagkulong ng 1-3 taon maliban sa multa mula 50,000 piso hanggang 150,000 (para sa unang paglabag), hanggang pagkulong ng 6 na taon at isang araw hanggang 9 taon maliban sa multa mula 500,000 hanggang 100,000 piso (ikatlo at susunod pang paglabag).11 

Counter:

Sa katunayan, ang konsepto ng paglaban sa piracy sa isang naghihirap na bansa tulad natin ay isang panlilinlang. Hindi lamang ito inutil (hindi naman maaaring hulihin ang buong sambayanan, sa siyang namimili ng mga piniratang CD), kundi isa rin itong pagsayang ng mahahalagang resources sa isang bagay na hindi tumutulong sa pag-unlad sa mahabaang panahon.

Sa salita ni Conrado de Quiros, ang konsepto ng karapatang IPR ay, sa katunayan, isang institusyonalisado at nagbabalatkayong pagnanakaw ng mga mayayamang bansa sa mga mahihirap.12  Hindi nalilihim na ang mga kolonya ay inapi at pinagsamantalahan para sa pag-unlad ng mga mayayamang bansa sa Hilaga. Hindi lamang tayo kinuhanan ng mga likas na yaman at ng sapilitang paggawa, kundi sinadyang gawing dependent an gating mga ekonomiya sa mga mananakop. Ang software market ay hindi naiiba rito. Sa pamamagitan ng industriyang Kanluranin at kaalaman ng Silangan, ang mga mayayamang bansa ng mundo ay gumagagawa ng software technology at kinakalat ang mga ito sa “periphery” ng mundo. Ang mga naghihikahos na bansa ay napipilitang bilhin ang mga teknolohiyang ito, ayon sa presyong itinalaga ng Developed world, at nang hindi sila mapag-iwanan ng panahon. Sa wika ng ekonomiya ng developing world, ito ay isang premium hidi kayang bayaran. Ang appeal ng mumurahing, halos break-even na pagpepresyo ng pirated software, ay hindi mahirap makaligtaan.

Sa ganitong konteksto, ang Anti-piracy policy ng Pilipinas ay isang malungkot na pagpapatibay ng isang mapang-aping ekonomikong pagbabalangkas: Nakakahiya na ang gobyernong nabubuhay sa buwis ng mga mamamayan ay higit pang pumapanig sa mga kagustuhan ng mga dayuhan. Nakasulat sa batas mismo na ang pagprotekta sa pribadong pag-aari ay para sa ikabubuti ng investor confidence, at siyang nagpapakita na ang gobyerno natin ay mas gusto pang umasa sa mga dayuhan (gaya ng pag-uutang sa World Bank) kaysa sa pag-uunlad ng mas-pangmatagalang kakayahang pamproduksiyon. Kahit ang pamamaraan ng pag-aakusa ng Intellectual Property Alliance sa Pilipinas, ay nagmimistulang economic blackmail.13  Habang hindi naman binabalewala ang kahalagahan ng investment, hindi masama isipin na ang isang edukadong, marunong na pagtitipon ng manggagawa, ay may kakayahang puunan ang mga pagkukulang bunga ng piracy.

Sa moral na nibel, walang kumokontra sa karapatang pantao bilang pangangailangan para sa pamumuhay. Ngunit nasaan ang katarungan sa pag-aari ng isang tao sa higit pa sa mauubos niya sa isang haba ng pagkabuhay, habang ang mundong pumapaligid sa kanya ay nagdarahop sa paghihirap? Sa ganyang pananaw, walang karapatang ipataw ng mga Amerikanong kumpanya ipataw ang IPR sa Pilipinas. Hindi naman nagugutom ang mga corporate CEO. Sa kabilang dako, 33.3% ng mga Pilipino ay hindi makapamuhay ng matino dahil sa kahirapan. Anong karapatan nilang hadlangan ang pagsali ng Pilipinas sa global economy bilang isang pantay na manlalaro? Sa totoo lamang, ang lubusang pagsuporta sa IPR ay tila nagpapakita na isa pa rin tayong kolonya ng Amerika.

DATA

Ang pananaw ng iilang mga pulitiko na ang kahalagahan ng IPR ay ang pag-iwas sa pagkamatay ng industriya ng pelikula dahil sa piracy, ay isang lubusang makitid na pagtingin sa isyu. Maaaring isipin na ang isang mas-maluwag na Anti-piracy policy ay mas makakatulong pa sa pagkamalikhain ng Pilipino. Ang mapiling paggamit ng IPR, tulad ng pag-iiwas ng “basura” at pagtulak ng mga banyagang “Artfilms,” kasama na rin ng pinupuring musika, ay walang magagawa kundi pagandahin lamang ang pananaw ng publiko sa sining at kultura. Ngunit, kinakailangan din na ang mga katutubong likha ay bigyang higitang proteksyon sa piracy, kundi dahil lamang sa pangangailangan nito sa pondo para sa pag-unlad.

Sa katunayan, maaaring kailangan ang kaunting piracy para sa long-term na pag-unlad n gating bansa. Ayon nga kay Gabriel Mercado, hindi matatamo ng mga Pilipino ang kanilang katayuan bilang world-class software developers kundi dahil sa piniratang software na ginamit sa kolehiyo.14  Ngunit itong tinatawag nating nating “developmental piracy” ay nagtataas ng kung ano-anong mga katanungan, lalung-lalo na sa pagkatao ng ating sambayanan. Tunay bang sulit ang paggamit ng pilyong pamamaraan makatamo ng pag-uunlad? Maaari -- walang estadong naging ganap na makapangyarihan nang hindi nandugas, kahit kaunti.

Ngunit sa praktikal na pananalita, simple lamang ang kaso laban sa kasalukuyang policy ng gobyerno. Sa kabila ng paghanap ng software companies para sa kabayaran, hindi na nila naisip, na hindi naman talaga malaki ang nawawala sa kanilang pera. Simple lang ang lohika: ang mga kumpanya ay nagtatakda ng mga presyong naabot lamang ng mga elitistang Pinoy. Noong taong 2000, 33.7% ng mga Pilipino ang namumuhay sa ilalim ng poverty line.15  Ang karaniwang kinikita ng bawat pamilya sa isang taon ay 144,039 piso16  o 16,000 piso sa isang buwan. Ibig bang palabasin ng mga kumpanyang ito na iaasahan nila ang ganitong uri ng mga taong magbayad ng parehong presyo sa binabayad ng karaniwang Amerikanong kumikita ng sahod-first world? Ayon sa  pinakabagong pag-uulat ng  Bussiness Software Alliance (BSA), ang piracy rate ng Pilipinas ay umangat sa 63% mula nung huling pag-uulat, umaabot ng 24,665 dolyar ng pirated software. Ngunit isipin muna na ang piracy sa kabuuang Asya ay umaabot ng 4,726,454 dolyar. Sa kabila nito, higit na nakikitang hindi matimbang ang perang nawawala dahil lamang sa Pilipinas. Bakit nga ba ang Pilipinas ang napag-iinitan, habang ang isang bansang first world tulad ng Japan (1,721,050 dolyar ang nawawala dahil sa piracy), ay hindi man lamang naiistorbo?17 

Kung hindi kumikita ang mga kumpanyang ito sa mga third world na mamimili, dapat lang ba silang tumalikod at umalis? Hindi naman. Sinasabi ng iba na mali ang piracy dahil kumikita ang mga pirata sa pinaghirapan ng iba. Ang implikasyon ay kumikita ang mga pirating ito. Kung itong mga “kriminal” na ito ay may kakayahang kumita ng pera sa napakababang profit margin, eh paano pa kaya ang mga malalaking kumpanya na may economies of scale? Marahil, nararapat na ang pananagutan ay nasa mga kumpanya para makipaglaban sa pagpepresyo ng mga pirata, at hindi sa mga mamimili. Isipin na lamang: sino ba ang hindi mas gugustuhin ang orihinal kaysa sa peke, kung pareho lang ang presyo?

SA KABUUAN

Kaya, nakikita na maaari ring talakayin ang isyu ng pamimirata bilang isang bagay na ikabubuti ng ating bansa; sa pamamagitan ng pamamahagi ng mga kagamitan para sa edukasyon na makapagbibigay ng pagkakataon sa mga Pilipinong makilahok sa ekonomiyang internasyonal. Sa pagkakataong katutubong galling ang nakasalalay, nararapat lamang ang malupit na pagbabantay sa pag-aaring intelektwal, nang ang mga trabaho sa katutubong industriya ng entertainment, sining at teknolohiya ay lalong mabuo at mapanatili.

Bilang pagtatapos, kinakailangan ding gawing programa ng gobyerno na aktibong mangampanya sa pagbabawas ng presyo ng legitimate software sa Timog-Silangang Asya na kung saan karamihan ng mga bansa ay nabibilang sa kategoryang “paunlad.”Ang mga home video discs at cassettes ay mayroon nang mga regional markers na nagmamarka kung saan sila pinahihintulutang ibenta. Gaano kahirap bang magkaroon ng iba’t-ibang pagpepresyo sa iba’t ibang rehiyon?

MGA SANGGUNIAN:

1 G. Bruce Doern, Global Change and Intellectual Property Agencies, New York: Wellington House, 1999, p.82.
2 “Protect International Property Rights,” The Philippine Star, April 12, 2000.
3 Jerome Aning, “2Big Microsoft Pirates Raided,” Philippine Daily Inquirer, June 19, 2001.
4 “Battling Piracy in Showbiz,” Philippine Daily Inquirer, September 09, 2001.
5 “Protect International Property Rights,” The Philippine Star, April 12, 2000.
6 Emma C. Francisco, Republic Act No. 8293, the Intellectual Property Code of the Philippines, Makati: Bureau of Patents, Trademarks, and Tachnology Transfer, Department of Trade and Industry, 1988, p. 75.
7
 Ibid., 98.
8 Ibid., 117.
9 Bureau of Patents, Trademarks, and Tachnology Transfer, Department of Trade and Industry, 1988.
10 Bureau of Patents, Trademarks, and Tachnology Transfer, Department of Trade and Industry, 1988, p. 57-58.
11
 Ibid., pp. 66-67.
12 Conrado de Quiros, “Fighting Pirates,” Philippine Daily Inquirer, July 30, 2002.
13 Des Ferriols, “DTI Brushes off accusations of rampant IPR violations in RP,” The Philippine Star, April 12, 2000.
14 Gabriel H. Mercado, “Smash Hits and Dude in Consumer Tech in 2001,” Philippine Daily Inquirer, December 26, 2001.
15 “Poverty Incidence,” National Statistics Coordination Board, 2000.
16 “Average Annual Family Income,” National Statistics Office, 2000.
17
 Bussiness Software Alliance, Seventh Annual Piracy Study, June 2002.