Atenista, Ano na nga ba ang Nangyari?
ni Brenda Chua

ika-25 ng Agosto. Sumama ang mga mag-aaral, guro, seminarista at pari ng Ateneo sa isang martsang maghahatid sa bangkay ni Ninoy sa simbahan ng Sto. Domingo. Tinatayang mahigit sa pitondaang libong tao ang nakiisa.

ika-26 ng Agosto. Nagmisa sa Sto. Domingo ang mga paring Heswita na pinangunahan nina P. Bonoan at P. Gorospe. Inihambing ni P. Gorospe si Aquino kay Rizal at tinawag siyang isang martir at bayani dahil sa paglaan nito ng buhay para sa bayan.

ika-31 ng Agosto. Sampung araw matapos ang trahedya, nawalan ng pasok ang pamantasan upang, kasama ng ilang milyong taong nakiramay, ihatid si Ninoy sa kanyang huling hantungan. Nagmula ang martsa libing sa Sto. Domingo, dumaan ng Luneta at tuluy-tuloy sa Manila Memorial Park sa Paranaque. Ito na marahil ang pinakamahabang martsang dinaluhan ng napakaraming tao para sa libing ng isang pulitiko.

ika-8 ng Setyembre. 6:30 ng umaga. Nagmartsa ang humigit-kumulang sa isandaang mag-aaral mula as Gate 2 hanggang sa bahay ni Justice Fernando sa may Esteban Abada. Nagpiket sila sa harap ng bahay ng hukom upang hilingin sa kanya na magbitiw bilang pinuno ng komisyong nananaliksik sa pagpaslang kay Senador Aquino. Mapayapang naidaos ang iligal na piket na ito.

ika-12 ng Setyembre. Ipinasya ng Sanggunian ng Mag-aaral sa Ateneo na magdeklara ng isang boykot ng klase mula 1:30 hanggang 2:30 ng hapon. Nagpulong ang mga nag-boykot sa Quadrangle. Nagbigay ng pahayag sina Henry Totanes, mula sa panig ng mga mag-aaral, G. Dayrit, guro ng Chemistry, at si P. Javellana na siya ring nagbigay ng panalanging pangwakas na sinundan ng pag-awit ng "Bayan Ko."

ika-14 ng Setyembre. 8:00-8:30 ng gabi. Nagsagawa ng isang noise rally at motorcade ang ilang estudyante.

ika-15 ng Setyembre.. Naglakad ang ilang mag-aaral mula admi papuntang Gate 2, lumabas ng Katipunan, at pumasok ulit ng Gate 3, upang simulan ang Newspaper Burning. Sa pangunguna ni John-John Nery, nagsimula ang pagdiriwang sa isang panalangin at sinundan ng pag-awit ng Lupang Hinirang. Ayon sa pangulo ng Sanggunian, isa itong "pagprotesta sa sensura at panunupil sa midya" at humihingi tayo ngayon ng "katotohanan at kalayaan na ipahayag ito.’’ Dalawang panauhin ang naimbitang magsalita. Una si Ninez Cacho Olivares, na nagmungkahi na ipagpatuloy ang pagboykot sa pahayagang hawak ng gobyerno. Pagkatapos ng pahayag ni Olivares, sinimulan ang seremonya sa pagsunog ng mga pahayagan. Nagbigay din ng pagmumuni-muni si P. Arguelles ng Radyo Veritas ukol sa okasyong ito. Sinabi niyang ang pagsusunog ng sariling puso ang tunay na hinihingi ng sitwasyon. Hihinto lamang ang pagkalat ng kasinungalingan ng mga pahayagan kung hihinto rin tayo sa paggawa ng kasinunga­linangan sa sarili nating mga buhay.

ika-16 ng Setyembre. Sa Liwasang Bonifacio, nagsalita si John-John Nery, Kalihim-Heneral ng Sanggunian, sa isang indignation rally ng League of Filipino Students. Binigyang diin niya ang isang militante ngunit mapayapang pagkilos. Wika niya, "UBOS­ LAKAS LABAN SA DAHAS!"

ika-21 ng Setyembre. Lumahok ang humigit kumulang na tatlondaang Atenista sa Araw ng Pambansang Pagluluksa sa Liwasang Bonifacio. Pinamu­nuan ito nina Gng. Cory Aquino, G. Butz Aquino, at ng mga dating Senador na sina Jose Diokno, Lorenzo Tanada, at iba pa. Narinig ang maraming talumpating naglalagablab sa poot, subalit nagtitimpi, sa harap ng maraming katiwalian sa pamahalaan.

Subalit may ilang hindi nakatiis. Pagsapit ng dilim, nagkaroon ng riot sa Mendiola. Maraming nasaktan, nasugatan, at namatay.

Tahimik na sa Mendiola sa ganap na ikawalo ng gabi. Subalit, sa ibang bahagi ng Kalakhan, isa namang motorcade ng limampung kotse ang sinimulan ng mga Atenista. Nilibot nila ang Marikina, Loyola Heights, Kamias, New Manila, at Cubao. Pag-abot sa Makati, lumaki ang motorcade sa humigit-kumulang na dalawandaang kotse. Ayon sa Radyo Veritas, limandaang sasakyan ang kasalukuyan ding nagpuputputan sa España.