Make your own free website on Tripod.com

Kaiingat Kayo
Setyembre 1975 Blg.2 Tomo I

Ngayon ang panahong tigmak sa kakulangan ng katotohanang mapanghahawakan ng sinuman. Ngayon ang panahong kay hirap mawawaan ang tunay at ang kasinungalingan. Ngayon ang panahong lukob ang diwa’t isipan natin ng mga patalastas na tila kalugud-lugod, ngunit nagdudulot kaipala ng kimbot at pangamba sa ating kalamnan — sapagkat totoong nagbabadya ng kadiliman ang katahimikang labis at halos mala-paraiso.

Kaiingat kapatid! Magpunyaging tagusin ng katuwiran ang piring na tumatakip sa mga mata. Huwag bulagin ang sarili sa mga balatkayo, at sa halip, pagsikapang makita ang katotohanang umiiral.

Ito at ito lamang: walang karalitaang-madla na mapapalis sa loob ng isang libo, siyam-napu’t limang araw;...di-maikakaila ang karukhaan ng angaw-angaw sa ating kapatid;...naroon pa rin ang yagit na may tsapa;...lalong nag-iibayo ang agwat ng bagong ilustrado at bagong indiyo;...buong-kusang ipinipinid ng mapagimbot na nakaririwasa ang kanilang budhi sa daing at panaghoy ng Katagalugan; ... buong tiwasay na nating tinanggap—tayong manhid at mapagparaya sa sariling pagnanasa—ang isang laksang pahatid sa atin.

Mga kapatid kaiingat kayo! Huwag humimlay sa naglalakihan nating awto, sa ating tahanang malapalasyo, sa nagsasawalang-kibo nating pamantasan na tila ba nakaluklok na tayo sa panibagong Eden. Kasalanang di-mapapatawad ang matulog nang panatag sa mga kamang dekutson nang hindi man lamang isinasaisip kahit saglit ang tablang amoy-estero, galisin at lipos sa libag na higaan ng kapatid na maralita.

Maikakaila ba ang pagdarahop ng nakararami? O tuluyan na ba tayong nalulong sa huwad nating daigdig na kasaganaan at katiwasayan? Mag-isip kayo at huwag magsa-tanga! Napakadaling marahuyo, lalo na tayong walang ibang talos kundi ang tangos ng ilong nating mestisuhin. Napakadaling paglalangan ang sarili habang hitik sa de-sampung papel ang nagpuputok nating kartamoneda. Napakadaling patahimikin ang budhi habang kusang binubulag ang sarili sa katotohanan na kamuhimuhi tayo sa malas ng angaw-angaw na kalahi.

Tiyak na mamumuhi at mapopoot ka rin kung araw-araw mong mapapanood ang landian, ang talsikan ng mga pinintahang daliri ng pulutong na anak-mayaman —samantalang kalapit-bahay lamang ang umpukan ng mga dampang mahihiya sa bahay ng aso. Titiim din ang bagang kung masisilayan ang mga kansusuwit na mestiso at mestisang walang pakundangan kung magparaya sa sarili na tila walang katapusang pista ang buhay.

Kaiingat kayo kapatid! Malayo’t matagal pa ang pagsapit ng tunay na Eden sa kalupaan natin. Huwag kalilimutan ang nakaraan sapagkat sa nakaraan nakasalalay ang pagkamulat sa katotohanan.

Kaiingat ka, Atenista! Kaiingat ka! Hanggang taglay pa ang sariling pag-iisip at pusong malambot, dinggin ang namamaos na daing ng aping kalahi. Gumising at alisin ang lambong na kusang isinuklob sa mga mata. Gumising bago tuluyang, bangungutin sa kahalumigmigan ng silid na de-air con. Bumangon at magsimulang balikatin ang pananagutang matagal nang ipinapatong ng nakaraan!