ni Mike Pante

Ngayong buwan ng Agosto, ipinagdiriwang natin ang Buwan ng Wika. Ito ang panahon kung kailan nagkakaroon ng iba’t ibang gawain sa mga paaralan: balagtasan, pagsusuot ng pambansang kasuotan, at salu-salong namumutiktik sa pagkaing Pilipino. Ito ang panahon kung kailan, nakakakita tayo ng iilang opisyal ng pamahalaan na nakasuot ng Barong Tagalog sa halip na Amerikana. Ito ang panahon kung kailan sinusubukan nating maging matatas sa paggamit ng ating wika, tanda ng pakikiisa sa pagdiriwang.

Tuwing Agosto, ganito ang ating napapansin. Tuwing Agosto, bumabalik tayo sa ating pagiging Pilipino. Kung gayon nga, hindi ba parang lumalabas na sa natitirang labing-isang buwan ng taon, hindi tayo mga Pilipino?

Inilalaan anumang pagdiriwang sa mga pangyayaring minsan lang kung dumating sa ating buhay. Nariyan ang mga pagdiriwang dahil sa panahon ng pag-aani, kapanganakan ng isang mahalagang tao, o tagumpay ng isang rebolusyon. Kung gayon nga, hindi rin ba lumalabas na minsan lang tayo magbihis, magsalita, at maging malay bilang mga Pilipino?

Nakakatawa (o marahil, nakakahiya) ang ganitong kalagayan. Naglalaan tayo ng isang natatanging buwan para ipagdiwang ang ating pagiging tayo. Para bang kamangha-mangha at isang malaking bagay para sa isang ibon ang makalipad, sa isang isda ang makalangoy, sa isang Pilipino ang maging Pilipino.

Kung ganitong tuwing Agosto lang tayo nagiging mga Pilipino, sinu-sino tayo bago at pagkatapos ng buwang ito?

Ang ilan sa atin, nananatili na lamang sa pagiging mga Ilokano, Cebuano, Muslim, Tagalog, Manileño, at kung anu-ano pang kasapiang nakabatay sa kultura, wika, o heograpiya. Wala  namang masama sa pagkilala sa katutubong ugat ng sinuman. Nararapat pa ngang ipagmalaki ito subalit, dapat ding kilalaning mayroong isang hiblang nagbubuklod sa ating mga mamamayan ng Luzon, Visayas, at Mindanao. At ito ang pagiging Pilipino nating lahat.

May ilan ding humihinto sa pagiging kasapi nila ng Simbahang Katoliko, Islam, Iglesia ni Cristo, o El Shaddai. Muli, walang masama sa pag-anib sa isang partikular na relihiyon o pagsunod sa pananampalataya, basta’t hindi ito nakasisira sa pagkakaisa ng bayan.

Marami-rami naman ang nag-aanyong Amerikano, kahit na nga buwan pa ng Agosto. Sa kanilang pananalita, bihis, at kamalayan, minsan nais mong itanong kung hindi nagsisisi ang ating mga bayani at nagbuwis pa sila ng buhay para sa bayan. Hindi rin tama ang magalit nang walang dahilan at kapararakan sa Estados Unidos o anupamang bansa, subalit lalong hindi tama ang pagtalikod sa tahanan ng ating lahi na siyang kumukupkop sa mamamayan nito – pati na sa “malalansang isda.”           

Subalit ang karamihan sa atin, hindi na talaga nabibigyan ng pagkakataong maging mga Pilipino kahit pa sa pagsapit ng buwan ng wika. Sila ang ating mga magsasaka, mangingisda, at manggagawa. Sila ang mga batang kalye, taong-grasa, at katutubo. Sila ang mga hindi makalasap ng mga karapatang nararapat tamasahin ng bawat Pilipino. Sila ang mga naghihirap na tinutumbasan ng kakarampot na sahod. Sila ang mga pinalalayas dahil sa kanilang madudungis at “primitibong” anyo. Sila ang mga hindi makapag-aral dahil sa taas ng matrikula.

Nakakatawa at talagang kahiya-hiyang isiping kung sino pa ang mga karapat-dapat tawaging Pilipino, sila pa itong hindi gumiginhawa sa bansang tinatawag nating Pilipinas.

Marahil, ayos lang siguro. Minsan lang naman natin naiisip ito, tulad ng ating pagiging Pilipino.


Orsem 2003
Para sa mga Bagong Salta





GUESTBOOK
WEB DISCUSSION
MESSAGE BOARD
 


 
Copyright © Matanglawin.com 2003