
ni
Mike Pante
Sa pagdaloy ng mga pangyayaring may kaugnayan sa Makati Mutiny,
unti-unting nauungkat ang ilang isyung kadalasang lingid sa kaalaman ng
karamihan. Pangunahin na rito ang isyu ukol sa diumanong marangyang
pamumuhay ng ilang opisyal ng Hukbong Sandatahan.
Isa ito sa mga karaingan ng grupong Magdalo; mga karaingang
nagbungsod upang magsagawa ang pamahalaan ng mga imbistigasyon. Maging
sa mga pahayagan at telebisyon, sunud-sunod din ang mga artikulo at
palabas na tumatalakay sa naglalakihang mansyon ng mga heneral. Maging
ang nagbunyag, isa na rin sa mga pinaghihinalaan ngayon. Mayroon daw
ilang mga ari-ariang hindi idineklara ni Lt (s.g.) Antonio Trillanes sa
kanyang SAL (Statement of Assets ang Liabilities).
Tanong ng bayan: Saan kumukuha ng pera ang mga opisyal na hindi naman
kalakihan ang sahod?
Sa ganitong uri ng pagtataka lalong tumitindi ang mga alegasyon ng
katiwalian sa ating Hukbong Sandatahan. Napagtitibay lamang ang mga
hinala ukol sa mga "inayos" na kontrata, "ghost deliveries," at
pagbebenta ng mga armas sa mga rebeldeng grupo.
Kung susuriin, ang ating Hukbong Sandatahan na nga ang ikalawa sa may
pinakamalaking bahagdan ng pambansang badyet. Ngunit palagi pa ring may
mga hinaing ang karaniwang sundalo ukol sa mababang sahod at kakulangan
sa kagamitan at benepisyo. Lalo pang tumitingkad ang kawalang-katarunan
kung ihahambing natin sila sa mga heneral. Kung sino pa ang mga laging
nasa gitna ng labanan at bingit ng kamatayan, sila pa itong nagtitiis sa
masisikip na bahay; habang ang mga heneral na malayo sa mga putukan at
pagsabog, tila komportableng nagbubuhay-hari sa kani-kanilang palasyo.
Higit pang nakaiinsulto ito sa karaniwang mamamayang tapat na
nagbabayad ng buwis. Kung hindi na nga magampanan ng hukbo ang pagtugis
sa isang maliit na pangkat ng mga bandido na tinatawag na Abu Sayyaf,
kalabisan na ang paglalaro nito sa pera ng bayan.
Sa isang institusyong mayroong pagpapahalaga sa seniority, hindi rin
nakapagtatakang walang gaanong pag-alma mula sa mga karaniwang sundalo.
Mayroong pagkilala sa mga opisyal bilang nakatataas kaya naman mahirap
para sa kanila ang mamuna kung may katiwalian sa nibel ng opisyal.
Mistulang naitatatag na ganoon nga ang kalakaran sa hukbo at wala nang
magagawa pa. Dahil din dito, kapag ang mga karaniwang sundalo na ang
pumalit bilang mga opisyal, nauulit din lang ang katiwalian sapagkat
iyon ang nakasanayan nila. Ito na ang kanilang pagkakataon kumbaga.
Dito na pumapasok ang kahalagahan ng mga imbistigasyon ng pamahalaan, ng
midya, at ng taong-bayan. Kung kailangang sumagot ang ating mga opisyal
sa isang nakatataas na pinuno, ito ang sambayanan. Nararapat lamang na
patunayan nila sa bawat Pilipino – kasama na ang mga sundalong
napapasailalim sa kanila - na nararapat sila sa kanilang katungkulan, at
sa mga benepisyong kaakibat nito. Sapagkat kung tutuusin, ang mamamayan
ang nagkakaloob nito sa kanila.
Tungkulin ng Hukbong Sandatahan na turuan ng disiplina ang mga kasapi
nito nang sa gayon, maipagtanggol nito ang bayan mula sa masasamang
elemento. Tungkulin naman ng bayan na turuan ng disiplina ang hukbo nang
sa gayon, maipagtanggol nito ang sarili kapag ang hukbo na ang masamang
elemento.
