Subalit Sino nga
ba ang Mahirap?
ni Joel Tabora,SJ
Kung hindi tayo magiging maingat sa paggamit ng salitang mahirap o kahirapan, maaari tayong magsalita ng iba't-ibang katotohanan sa iba't ibang pamamaraan; kaya't hindi tayo magkakaintindihan. Maaaring makatulong ang isang programang pampabahay ng pamahalaan sa mga "mahihirap," subalit nakakaligtaan naman ang mga "lubhang mahihirap." Sa ilalim ng bagong kalagayan ng pag-unlad ng ekonomiya, maaaring mas ituring ng isang tao na kabilang siya sa "mga mahihirap," kahit na tumaas mismo ang kaniyang kita. Maaaring manawagan ang lider-sibiko at simbahan laban sa kahirapan, sinasabi maging ng Kasulatan, "Mapapalad kayong mga dukha" (Lucas 6,20); Ipinapahayag ng Simbahan na siya ay "Simbahan ng mga Maralita," at nangangako ang iba, bilang pagtulad kay Kristo na isang maralita, na maging isa mismong maralita. Hindi inihihiwalay ng "Simbahan ng mga Maralita" ng San Antonio Parish sa Forbes Park ang mga mayayaman kahit na naghuhumapit ito na isama ang mga mahihirap. Ang isang may-ari ng lupa na nawalan ng kaniyang pangatlong mansyon dahil sa pagkakaremata ay maaaring ituring na mahirap, kahit na ang isang iskwater na nais bumili ng 110 metro-kuwadrado ng lupa mula sa pamahalaan para sa"sosyalisadong pabahay," ay mayaman kung ating ihahambing. Kaya't nakalilitong gawain ang pag-uusap ukol sa mahihirap, kahit mismo sa malalapit na magkakaibigan.
Hindi tinatangka ng papel na ito na magbigay ng huling salita sa kung sino ba talaga ang "mahirap." Hinahangad lamang nito na mabigay ng balangkas sa iba't-ibang gamit ng salitang mahirap upang sa ating pag-uusap sa isa't-isa ukol sa "mahirap," hindi natin makaligtaan (o matakasan) kung ano nga ba ang dapat isaalang-alang sa liwanag ng Mabuting Balita.Magsimula tayo sa paggamit ng salitang "mahirap" sa Kasulatan.
Ang Mahirap sa Banal na Kasulatan
Marami nang naisulat ukol dito, kaya't maaaring lubhang-simplipikasyon na lamang ang mga sumusunod. Sa Kasulatan, ang mga mahihirap ay yaong mga nagkukulang sa kung ano ang kinakailangan para mabuhay ang isang tao. Sa Lumang Tipan, karamihan sa mga tao ay mga dukha. Hinihikayat ang iilang mayayaman na magbahagi ng kanilang biyaya sa mga mahihirap, o kaya naman tampulan sila ng banal na galit o poot sa pang-aapi sa mga mahihirap. Iniuugnay ng ilang teksto ang kariwasaan sa kabutihan; pinagpapala ang mga matuwid sa kanilang kayamanan. Sa ibang teksto, gaya ng aklat ni Job, inihihiwalay ang kabutihan sa kariwasaan. Ang nakagugulat na mensahe ng aklat na ito: Maaaring maging matuwid ang isang tao subalit manatiling mahirap, mula sa kamay ng Diyos. "Panginoon ang nagbigay, Panginoon ang nagbawi; Purihin nawa ang pangalan ng Panginoon."
Napangibabawan sa Bagong Tipan ang walang-pagkiling ng Matandang Tipan sa mga mayayaman at mahihirap. Nanindigan si Hesus. Hadlang ang kayamanan sa pagpasok sa Kaharian ng Diyos. "Madali pa sa isang kamelyo ang dumaan sa butas ng karayom kaysa isang mayaman ang pumasok sa Kaharian ng Diyos." (Mt 19,24; Mk. 10,24; Lk. 18,25). Alinman: Maaari mong pagsilbihan ang Kabutihan dilikaya'y ang salapi: "Walang makapagsisilbi sa dalawang panginoon.Hindi kayo makapaglilingkod sa Diyos at kayamanan. (Mt. 6,24; Lk. 16,13) Sa kontekstong ito ipininahahayag ni Hesus: "Mapapalad kayong mga dukha, sapagkat inyo ang kaharian ng Diyos." ( Lk 6:20). Ang muling paglalahad sa ebanghelyo ni San Marcos "Mapapalad kayong mga dukha sa espiritu" ( Mt 5:2) ay nagbigay linaw na hindi sapat ang karalitaang pang-ekonomiya. Pinagpala sapagkat lumilinang ito ng panloob na pagpapakumbaba at lubos na pagtitiwala sa Panginoon, kahit na sa mga pangunahing pangangailangan. (Cf. Mt. 6,28-34). Sa gayong tao, naghahari ng lubusan ang Panginoon. Kaya ang hamon ni Hesus: "Kung ibig mong maging ganap, humayo ka, ipagbili ang iyong mga ari-arian, ibigay sa mga dukha, at magkakaroon ka ng kayamanan sa langit, at saka ka bumalik upang sumunod sa akin" (Mt 19:21). Sa Huling Paghuhukom, ang paggawa o di-paggawa para o laban sa mga mahihirap - mga gutom, uhaw, hubad, dayuhan, maysakit, bilanggo - ay paggawa o di-paggawa para o laban kay Hesus. (Cf. Mt 25: 31-44). Lubos na iniuuri ni Hesus ang kaniyang sarili sa mga mahihirap; "na anuman ang ginawa ninyo sa isa sa aking pinakamaliit na kapatid ay ginawa ninyo sa akin."(Mt 25:40). Samakatuwid, nakasalalay ang walang hanggang pagkaligtas o pagkasumpa sa paggawa o di-paggawa.
Ang mga mahihirap sa Banal na Kasulatan ay yaong mga dukha sa kabuhayan. Nagkukulang sila sa kung ano ang kinakailangan para sa disenteng pamumuhay. Pinagpala sila hindi dahil sa sila'y naghihikahos. Pinagpala sila sapagkat sa kanilang kahirapan, mas nagiging bukas, napapalapit sila sa pagtanggap ng paghahari ng Diyos sa kanilang buhay kaysa sa mga nagbaling ng lubos na pagtitiwala sa kanilang kayamanan. Pinagpala sila sapagkat hindi laan sa kanila ang babala ni Hesus tungkol sa di-pagtutugma ng kayamanan at Kaharian ng Diyos.
Samakatuwid, walang nakikitang kontradiksyon sa pagbabahagi ng mga Kristiyano, noong kauna-unahang mga araw ng Simbahan, ng kanilang kayamanan upang matugunan ang pangunahing pangangailangan ng komunidad (Cf. Acts 4:32-34); nagkakaroon sila ng paglilikom para sa nangangailangang pamayanan. (Cf. Rom 15-26). Samantalang pinagpala ang mahihirap, naisasagawa sa pananampalataya at pagmamahal ang paglaban sa kahirapan, na bunga ng paghahari ng Panginoon sa buhay ng bawat isa. Isang paggalaw ng paghahari ng Diyos ang kanilang pamamahagi ng kayamanan. Sa katunayan, para kay Santiago, isang atas ng pananampalataya ang paggawa upang mapaginhawa ang pasakit ng mga mahihirap, na kung wala, maituturing na patay ang pananampalataya ( Jos 2:15-17).
Kahirapan bilang Payong Ebangheliko
Kahit hindi natin pasukin ang historikal na detalye, ang pagsunod, pagkadalisay at karukhaan (obedience, chastity and poverty) bilang mga payong ebangheliko na niyayakap ng mga taong sumusunod kay Kristo. Tulad ni Kristo, na masunurin, dalisay at dukha, kaya nabubuhay ang mga Kritiyanong pamayanan (mga relihiyoso at mga kongregasyon) sa pagsunod, pagkadalisay at karalitaan. Sa pamamagitan ng kanilang pagsuko ng mga lehitimong bagay sa kasalukuyan (indibidwal na kagustuhan, buhay may-asawa, indibidwal na kayamanang materyal), nagbibigay sila ng espesyal na pagpapatotoo sa hinaharap na katuparan ng Kaharian kay Hesukristo. Naipamamalas sa maraming paraan kung papaanong isinasabuhay (o hindi isinasabuhay) ang karalitaan ng mga relihiyosong pamayanang ito. Karaniwan sa relihiyosong kahirapan ang pag-aari ng mga pag-aari bilang isang komunidad, at pinangangasiwaan para sa komunidad sa pamamagitan ng mga superyor. Marami at iba-iba ang antas ng kahirapan sa grupo at indibidwal sa gayong mga grupo.
Hindi lamang para sa mga relihiyoso ang mga payong ebangheliko, kasama na ang kahirapan. Katunayan, ang kamakailan lamang na mga dokumento ng Simbahan, kasama na ang Ikalawang Konsilyo Plenaryo ng Pilipinas, ang nagdiin na tinatawag lahat ng mga Kritiyano na isabuhay ang mga payong ebangheliko. Sapagkat kung itinuon ng tagasunod ni Kristo ang kaniyang buhay sa Kaniya, ang sentro ng buhay ng isang tao ay hindi na ang sariling kagustuhan, kalugurang sekswal, o kayamanan. Dapat isabuhay ng lahat ng kristiyano ang kanilang pananampalataya sa kanilang pagsunod sa mga payong ebangheliko.
Gaano karealistiko ang panghihimok na ito? Kung isasabuhay ng lahat ng Kritiyano ang ebanghelikong kahirapan, maraming paraan kung paano ito tunay na maisasabuhay. Maraming mga layko ngayon ang sumusubok sa "alternatibong pamumuhay" sa mga pamilya o mga komunidad na unti-unting o radikal na nagbabawas ng material na pagkonsumo sa ngalan ng Ebanghelyo. Kung "mahirap" ang mga Benediktino, Dominikano, Franciskano at mga Heswita, sa gayon kaya rin ng mga laykong miyembro ng Opus Dei at mga grupong karismatiko na maging "mahirap" sa isang konkretong paraan na makikita sa kanilang tunay na pagsusumikap na iayon ang kanilang buhay ayon sa kahirapang ebanghelikal.
Mayroong nakakagulat (lubhang pagkabigla sa iba) na pagkahati sa pagitan ng mga "mahirap" sa iba't-ibang aspetong pagtingin at mga mahirap pang-ekonomiya. Si Kristo ay tunay na mahirap. Ni wala man lang siyang lugar na pagtulugan. Hindi siya napabilang sa mga mayayaman. Pero hindi rin naman siya naghihikahos. Sinabi niya, "Mapalad ang mga dukha.Mapalad ang mga dukha sa espiritu." Tahasan siyang nagbabala ukol sa kayamanan. Subalit, sentral na mensahe niya ang paghahari ng kaniyang Ama, at kung papaanong ang paghaharing ito ay dapat magiging totoo sa ating buhay at sa ating mundo. Para dito, Siya'y nagpakasakit, namatay, muling nabuhay, at kasama ng Ama ipinadala ang kaniyang Espiritu sa mundo. Ang Espiritung ito ang siyang nag-aatas sa ating pagmumuni-muni ng kasalukuyang konteksto ng sandaigdigang pang-ekonomiyang pagkakataon at ang skandalosong malakihang kahirapan. Ang Espiritung ito ang nag-aatas sa ating makipaglaban sa paghihikahos ng kasalukuyang mundo, na dapat itakwil ng alinmang tunay na pag-unawa sa Kaharian ng Diyos. Ito rin ang Espiritung nanghihikayat sa ating maging mahirap upang bigyan ng pagpapatotoo sa mga taong masyadong nakakapit sa materyal na kayamanan na nagbubunga bunga ng di-matawarang paghihirap at pang-aapi sa ating lipunan ngayon.