Nang Muntikang Mag-aklas ang mga Manggagawa
nina Jose Leonardo Sabilano at Aaron Rom Moralina
may mga ulat ni Mon Sarmiento

Ika-5 ng hapon, Hulyo 30 ng taong kasalukuyan: sa isang biglaang pagpupulong ng Ateneo Workers and Employees Union (AWU), yumanig ang silid-pulungan ng AWU sa Blue Eagle Gym sa panawagang itaas ang kasalukuyang sahod ng mga kasapi nito. Maugong na rin sa mga nagsitipon ang mga bali-balita tungkol sa isang strike na idadaos sakali mang hindi pagbigyan ng administrasyon ang kanilang mga hiling. Nang tanungin na nga sila ng mga pinuno ng unyon kung handa silang magsakripisyo (basahin: magdaos ng strike) upang mapaabot man lamang ang kanilang hinaing sa administrasyon, sinagot sila ng isang malakas na kolektibong sigaw: “Oo! Walang iwanan!”

Kung narinig lamang sana ng administrasyon ang kanilang sigaw …

Pataas nang Pataas ang Matrikula, Ngunit Pababa nang Pababa ang Dagdag sa Sahod

Tatlong taon na ring pababa nang pababa ang pagbibigay ng karagdagang sahod sa mga kawani ng Pamantasan: mula sa sampung porsiyento noong panahong 1993 hanggang 1998, naging pitong porsiyento na lamang ito noong 1999, anim na porsiyento noong 2000, at limang porsiyento na lamang noong 2001.

Lahat ng pagbabawas na ito ay nangyari sa panahong pinagpasiyahan ng administrasyong taasan ang bilang ng tinatanggap na mag-aaral taun-taon. Mapapansing noong taong 1999, halos 1,500 mag-aaral ang natanggap sa unang taon at kada taon ay tumataas ang bilang hanggang sa umabot ito sa halos 1,900 na mga bagong mag-aaral na pumasok ngayong 2002. Mapapansin ring pataas na rin nang pataas ang matrikula ng isang karaniwang mag-aaral sa kolehiyo: 12.5% bawat taon ang idinadagdag sa singil. Alinsunod sa mga pamantayan ng Commission on Higher Education (CHED), 70% ng karagdagang singil ay mapupunta sa pagpapataas ng sahod ng mga kawani ng Pamantasan, mapa-guro man ito o hindi. Halimbawa, ngayong tao’y P103, 486, 832 ang kinita ng Pamantasan sa mga dagdag na singil sa matrikula. Kung kukunin ang 70% nito, lalabas na P72, 440, 000 ang dapat ibigay sa mga kawani ng Pamantasan bilang karagdagang sahod. Kung tatantiyahin ang walong porsiyentong dagdag na hinihingi ng AWU, lalabas na P2.8 milyon lamang ang makukuha ng 168 na miyembro nito – barya lamang kung ikukumpara sa dagdag na kita ng Pamantasan.

Kung ihahambing ang mga benepisyong natatanggap ng mga manggagawa sa Ateneo at ang mga natatanggap ng mga empleyado ng ibang institusyong pang-edukasyon, lubhang mababa ang nauna. Sa Unibersidad ng Santo Tomas, walang babayarang matrikula ang dependent (asawa man o anak) ng isang manggagawa sakali mang magpasiya itong mag-aral ng abogasya sa UST. Sa Mapua Tech naman, dalawang beses bawat taon binibigyan ang mga manggagawa ng lump sum bonus na katumbas ng tatlong buwang sahod upang makapagtayo naman sila ng munting negosyo.

Kasabay ng pagpapatayo ng mga bagong gusali tulad ng John Gokongwei SOM at Convergent Technologies Center, hindi nagdagdag ng mga bagong regular na empleyado ang Pamantasan. Bagkus ay nagdagdag na lamang sila ng mga kontraktwal upang panatilihing malinis ang kampus. Samakatuwid, nadagdagan ng trabaho ang mga manggagawa ng Pamantasan ngunit kakaunti lamang ang natatanggap nilang karagdagang sahod. Hindi diumano essential sa pagpapatakbo ng isang paaralan ang pagpapanatili ng mga hardin at pasilidades (ayon din sa labor code), kaya naman higit na pinagtutuunan ng pansin ang pagkuha ng mga manggawang hindi kailangang bayaran nang gaanong malaki – mga kontraktuwal.

Collective Bargaining Agreement: Hindi Lamang Isang Dokumento

Mula pa noong Abril nagkakaroon ng negosasyon sa pagitan ng AWU at ng administrasyon tungkol sa isang collective bargaining agreement (CBA): noong una pa nga ay 15% na karagdagang sahod ang hinihingi ng unyon kasama na ang dagdag sa mga benepisyo, ngunit pagdating ng Hulyo’y ibinaba nila ang kanilang hinihingi sa administrasyon — walong porsiyento (o P50, kung alin man ang mas mataas) na lamang, kasama ang mga dagdag sa benepisyo. Kasama sa mga ibang hinihingi ng unyon ang mga benepisyong pang-edukasyon; mga pagliban sa trabaho (nang may bayad) kapag nagkasakit ang mga empleyado, tuwing magbabakasyon sila, tuwing kaarawan nila, at kung namatayan sila ng mahal sa buhay; at mga bonus na ibibigay kapag pinirmahan ang kasunduan, tuwing gitna ng taon, at tuwing Pasko.

Hindi lamang dagdag na sahod at benepisyo ang hiningi ng unyon noon, kundi may mga probisyon para sa tinatawag na full manning: tuwing may magreretirong regular na manggagawa, maaari siyang palitan sa pwesto ng isa pang regular na manggagawa. Ang patakarang ito ay nagsisilbing pananggalang sa patagong union busting dahil hindi mababawasan ang maaaring sumapi sa unyon. Makalipas ang kontrobersya sa kontraktuwalisasyon noong nakaraang taon, naramdaman ng unyon na kailangang igiit ito upang hindi mawalan ng boses ang mga manggagawa, lalo na ang mga regular na nanganganib na mawalan ng hanapbuhay.

Ngunit iginiit ng administrasyong hindi nila kayang magbigay ng higit pa sa P1,000 na karagdagang sahod kada manggagawa. Sinasabi pa nilang itinatali ng AWU ang kamay ng administrasyon sa pamamagitan ng full manning. Para sa namamahala ng Pamantasan, kailangan munang unahin sa prayoridad ang mga guro at kawaning-administrasyon. Noong hapon ng Hulyo 30, matapos ng pakikipagpulungan sa mga kinatawan ng unyon, humingi ang administrasyon ng consensus mula sa mga kasapi nito, alinsunod sa Labor Code.

Para kay Tobias Tano, pangulo ng AWU, “…[The Administration] is bargaining in bad faith… one-sided… sabi natin [AWU], take it or leave it... Bawat subo sa atin, tanggap [lang] tayo nang tanggap.” Noong araw na iyon, hindi na nila diumano iuurong ang panukala nilang walong porsiyentong dagdag. Wala silang balak magdaos ng welga sapagkat may katumbas itong kawalan ng sahod at hanapbuhay, ngunit kung ayaw ibigay ng administrasyon ang ninanais ng AWU, wala silang ibang magagawa kundi ang magwelga.

Ang Anatomiya ng Isang Welga

Ayon sa Book V, Rule XXII ng Labor Code of the Philippines 2001 Edition, maaari lamang magsagawa ng welga ang unyon mga manggagawa ng isang kumpanya kung 1) mayroon silang pahintulot galing sa National Conciliation and Mediation Board (NCMB); at 2) nagpaalam sila sa administrasyon ng kumpanya na titigil sila sa pagtatrabaho hangga’t hindi nila makuha ang mga gusto nila o di kaya’y wala pang kompromisong napagkakasunduan ang dalawang panig.

Ngunit napakahabang proseso rin ang kinakailangan bago magsimula ang mismong welga. Una, kung hindi magkakasundo sa pamamagitan ng pag-uusap ang dalawang panig, ibibigay ng unyon ang isang Notice of Strike sa administrasyon at sa NCMB. Ang kalagayan kung saan hindi pa rin nagkakasundo ang administrasyon at mga manggagawa ay tinatawag na deadlock – walang gustong bumigay sa kabila. Sa loob ng cooling-off period na tatlumpung araw, susubukan ng isang kinatawan ng NCMB na tulungan ang dalawang panig sa paggawa ng isang solusyong katanggap-tanggap sa lahat. Sa huling araw, boboto ang mga manggagawa kung itutuloy nila ang welga o hindi. Kung bumoto ng “oo” ang 50% +1 ng mga manggagawa, magsisimula ang welga sa ika-pitong araw ng trabaho pagkatapos ng botohan. Maaari pang maghain ng panibagong panukala ang administrasyon bago umabot sa 30 araw ang itinagal ng welga.

Ngunit idinidiin din ng Labor Code na kailangang sundin ng bawat manggagawa ang mga pamantayang ito, kung hindi’y masasabing ilegal ang welga (illegal strike). Ang katumbas nitong parusa ay ang pagkakatanggal sa trabaho ng mga manggagawang kasangkot at ng mga opisyales ng unyon.

Alinsunod sa mga alituntunin ng NCMB, nagdaos ang unyon ng isa pang pulong noong ika-16 ng Agosto. Sa pagkakataong ito’y ipinakilala sa mga kasapi si Cecille Laquian-Basa ng U.P. School of Labor and Industrial Relations na tumatayong legal counsel ng AWU. Ipinaliwanag ni Basa ang mga patakaran sa pakikipag-negosasyon sa pagitan ng isang unyon at ng administrasyon. Aniya, sa oras na hindi magkasundo ang magkabilang panig, kailangang kumuha ng isang third party na walang kinalaman sa kahit anong panig upang magsilbi bilang tagamapagitan o arbitrator. Ngunit, babala ni Basa, may posibilidad na masuhulan ang tagapamagitan. “Sino ba ang may pera? …[ang] problema kasi, lahat ng mga batas [ay] pabor sa mga kapitalista,” para kay Basa.

Ipinaliwanag naman ni Tano na makikita ang halaga ng inaakalang maliit na dagdag-sahod sa panahong nagretiro ang empleyado. Ayon sa Labor Code, ang bawat nagreretirong empleyadong regular ay makatatanggap ng halagang katumbas ng kalahating buwang sahod para sa bawat taon ng kanyang panunungkulan kung siya’y nasasaklaw ng isang CBA. Malaking tulong ito aniya sa mga matatanda sapagkat matatamasa na nila sa wakas ang mga bunga ng kanilang pagod. Dahil dito’y ipaglalaban nila ang walong porsiyentong dagdag, ngunit bilang concession sa administrasyon, papayag na rin ang AWU sa pitong porsiyento.

Pinagpilian din sa nasabing pulong ang mga panukalang inihain ng mga pinuno ng AWU at ng administrasyon (tingnan ang Table). Nanalo sa nasabing botohan ang panukala ng unyon sa bilang na 63-44. Mapapansing tinanggap ng AWU ang lahat ng panukala ng adminstrasyon maliban lamang sa karagdagang sahod. Ang resulta ay binati ng masigabong palakpakan. Hinikayat ni Tano ang mga kasapi ng unyong pinangungunahan niya: “Panindigan natin ito!” Sa susunod na Martes, ika-20 ng Agosto, magkakaroon ng isa pang negosasyon, at ihaharap ng unyon ang panawagan ng mga kasapi nito.

…At Biglang Bumaligtad ang Labanan

Natagpuan na lamang ng Matanglawin si Emmanuel “Mang Manny” Avila, isang opisyal ng AWU, malapit sa kapilya ng Gonzaga noong sumunod na Miyerkules, ika-21 ng Agosto. Mababakas ang marahang tuwa sa kanyang mukha habang isinasalay niya ang mga pangyayari ng nakaraang araw: hindi nga pinagbigyan ng administrasyon ang hinihinging walong porsiyentong karagdagang sahod, ngunit nakuha naman ng AWU ang pitong porsiyentong na bumabawi naman sa mga benepisyo. Dagdag niya, may isa pang negosasyon sa loob ng dalawang taon, at dito nila susubukang idiin ang kanilang panawagan.

Nagkaroon muli ng botohan kinabukasan, ika-22 ng Agosto. Sa pagkakataong ito’y nagpadala muli ang administrasyon ng isang counter-proposal: anim na porsiyentong dagdag na may kasamang dagdag na benepisyo. Ngunit laking gulat na lamang ng mga opisyales ng unyon nang nanalo ang mga bumoto sa panukala ng administrasyon.

Marahil, napagod na ang mga manggagawa sa kahihintay para sa mas mataas na sahod. Mas pinangalagahan nila ang pagiging buhay sa kasalukuyan. Ang welga, katulad nga ng nasabi sa ikaapat na bahagi ng artikulong ito, ay may katumbas na hirap: walang sahod ni hanapbuhay ang mga nagsisidaos nito; at maaari lamang silang umasa sa tulong galing sa labas, katulad ng pakikiramay ng mga guro at mag-aaral. Ngunit, nakalulungkot mang sabihin, kulang ang makukuhang suporta ng unyon galing sa labas sakaling ituloy nito ang welga.

Hanggang ngayo’y hindi pa rin maintindihan ng mga opisyal ng AWU ang mga nangyari. Tila naglaho na ang sigaw na “Oo! Walang iwanan!” noong nagsisimula pa lamang ang mga negosasyon. Ngunit, wika nga ni Jesus Manuel, kasapi ng unyon, maghihintay na lamang sila nang dalawang taon, at hinding-hindi na sila talaga uurong pagdating ng panahong iyon.