Ang Maskara ng
Kawanggawa ni Bush
ni Kapi Capistrano
“Free nations have a duty to defend our people by uniting against the violent, and tonight, as we have done before, America and our allies accept that responsibility”
– George W. Bush, talumpating ultimatum sa rehimeng Saddam Hussein noong ika-(18) ng Marso.
Sa loob ng higit sa isang taon bago magsimula ang armadong paglusob ng mga puwersa ng Estados Unidos at ng Gran Britanya sa Iraq, nagpairal ang pamahalaang Bush ng propaganda sa pagbibigay-katwiran sa unilateral na pag-atake ng koalisyong US-UK. Maging sa pagkatapos ng halos isang buwang bunuan sa lunduyan ng sibilisasyon, ginamit din nina Bush ang nabanggit upang manghikayat ng mga taga-suporta dulot ng masidhing pagtutol sa pag-atakeng ito.
Lumabas ang mga sumusunod sa bibig ni Bush – sa mga talumpati tulad ng State of the Union Address noong nakaraang Enero at ang kanyang ultimatum kay Saddam Hussein 48 oras bago nagsimula ang paglusob – at sa kanyang mga tauhan sa gobyerno at mga ka-alyadong lider. Matamis nga naman ang mga sinambit ni Bush: ngunit tulad ng sinabi ng isang bantog na kolumnista, anumang sabihin ni Bush na pangit sa pandinig ay higit na pinatatamis ni Punong Ministro Tony Blair ng UK.
Gayunpaman, naikubli ng mga sumusunod sa mukha ng kawanggawa ang mga natatagong interes ng US, pulitikal man o pang-ekonomiya.
Teroristang Iraq
Totoo ngang naging rehimeng mapaniil ang ilang taong rehimen ni Saddam Hussein sa Iraq, at ito ang ginawang pundamental na propaganda ng koalisyon ni Bush. Nakapalibot dito ang mga ulat na gumagawa diumano ang rehimen ng mga weapons of mass destruction, at maging ang pagkakaugnay ng naturang rogue state sa mga teroristang organisasyon, partikular na ang al-Qaida.
Nag-ugat mula sa pagpapaguho ng kambal na tore ng World Trade Center sa New York ang krusada ng pamahalaang US laban sa terorismo. Sa pamamagitan diumano ng kanilang intelehensya, tinukoy at binigyang-mukha ang kalaban sa persona ni Osama bin Laden at ng mga “Pundamentalistang Muslim.”
Kasama ang Iraq (sa mga bansang binansagan bilang “Axis of Evil” (sampu ng Islamikong Republika ng Iran at ng Sosyalistang Hilagang Korea) sa unang State of the Union Address ni Bush noon pang Enero 2002, dahil sa pagtatangka ng mga nabanggit na lumikha ng mga biyolohikal at nukleyar na Weapons of Mass Destruction. Ani Bush, “The United States of America will not permit the world’s most dangerous regimes to threaten us with the world’s most destructive weapons.”
At uminog nga sa pagpapawasak ng mga WMD ang pakikipagbunuan ng US sa Iraq: pinalabas nilang tumatangging makipag-koopera ang rehimeng Saddam sa mga inspektor ng sandata ng United Nations, gaano pa man pabulaanan ni Chief Inspector Hans Blix ang ganitong paratang. Bukod sa nabanggit, naglantad pa si Secretary of State Colin Powel sa harap ng UN Security Council ng mga ebidensiyang nakuha diumano ng intelihensya ng Estados Unidos ukol sa patuloy na pagkukubli ng pamahalaang Iraqi ng mga naturang sandata at mga kasangkapan sa paggawa nito, na siya namang patuloy na pinapawalang-katotohanan ng mga kasalukuyan at dating weapons inspectors.
Sa ganitong pagpupumilit ng US na mayroon ngang taglay na peligrong mga biyolohikal at nukleyar na sandata ang Iraq, nabulabog ang mga pagsusuri ng mga weapons inspector na lalo pang nagipit sa oras at naparatangan ang tila nga nakikipag-koopera nang si Saddam na pronta lamang niya ang kooperasyon upang makakamit ng ‘magandang imahen.’ Sa huli, nadali rin ang mga weapons inspector sapagkat bukod sa nagmukha silang hindi lamang inutil kundi nakikiapid pa sa rehimeng Saddam sa kanilang paghingi ng dagdag na panahon para sa mga pagsusuri.
Bukod sa pagkakaroon ng mga WMD, pinanindigan din ng pamahalaang Bush na may kaugnayan ang pamahalaang Iraqi sa mga teroristang grupo, partikular na ang al-Qaida. Gayumpaman, hanggang ngayon, hindi makapagbigay ng malinaw na kaugnayan ng mga teroristang grupo sa rehimeng Saddam: mga pahapyaw lamang na ebidensya, tulad ng pagkakahuli sa isang kasapi ng al-Qaida sa Iraq.
Inutil na Diplomasya
Ukol sa ilang taon nang diplomatikong pakikitungo ng United Nations sa Iraq, sinabi ni Bush sa kanyang ultimatum ng 48 oras na “when evil men plot chemical, biological and nuclear terror, a policy of appeasement could bring destruction of a kind never before seen on this earth.”
Naipakita sa naunang bahagi ang pagtitila-inutil ng weapons inspection bilang diplomatikong pamamaraan ng pagpapatupad ng mga multilateral na kasunduan. Sa pagkabigo ng koalisyong US-UK na magkaroon ng ikalawang resolusyong nagbibigay-pahintulot sa pakikidigma sa Iraq dahil sa hindi pakikisang-ayon ng iba pang permanenteng kasapi ng Security Council, kinailangan ng koalisyong makakalap ng popular na suporta sa kanilang binabalak na unilateral na pakikidigma: kinailangan nilang magmukhang tama, lumabag man sila ng ilang mga pandaigdigang batas.
Nakakalap pa ang koalisyong ito ng kanilang mga taga-suportang bansa: ang Coalition of the Willing, na sumusuporta sa US at sa UK sa kanilang paglusob sa Iraq. Gayumpaman, kapansin-pansing marami sa mga bansang nabanggit ay may pulitiko-ekonomikong pagkakakabit sa US. Kasama ang Pilipinas sa mga bansang ito, na may suporta mula sa USAid, mga tratadong militar na Mutual Defense Treaty, kakabit rin sa nauna ang napipintong Balikatan joint military exercises, at ang pangako ni Bush sa pamahalaang Macapagal-Arroyo na magkakaroon ng tungkulin ang Pilipinas sa rehabilitasyon ng Iraq, na maaaring lumikha ng mga panibago ngunit pansamantalang trabaho.
Paglaya ng mga Iraqi
At marahil upang sagutin ang lumilitaw na pagtanggi ng mga Iraqi na ‘iligtas’ sila ng US, pangunahing mensahe ni Bush sa mga mamamayang Iraqi: “Your enemy is not surrounding your country - your enemy is ruling your country.”
Sa esensya, ganito ang laging sinasabi ni Bush sa mga mamamayan ng Iraq: ang puwersa ng koalisyong US-UK ang siyang magliligtas sa kanila mula sa diumanong mapaniil nilang pinunong si Saddam. Ang unilateral na koalisyon ang tagapagligtas, at ang sarili nila mismong pamunuan ang kalaban. Kapansin-pansing laging binabanggit ni Bush sa kanyang mga talumpati ang mga torture chamber at mga palasyong itinayo sa perang dapat inilalaan sa mga mamamayan. Gayong maaaring totoo ang mga nabanggit, maaari ring epektibo ang mga ito bilang propaganda hindi lamang upang himukin ang mga Iraqi sa kanilang panig kundi maging ang iba pang mga mamamayan ng mundo.
Bago magsimula ang digmaan, ipinapakita sa medya ang mga imahen ng mga Iraqing bagamat lubog sa hirap ay tapat kay Saddam. Kung ilalapat ang nabanggit bilang pangkalahatang kamalayan ng mundo sa sitwasyon ng mga marami, higit na posibleng naitanim sa kamalayan ng nakararami na talaga nga namang kawawa ang mga Iraqi: hindi lamang sila naghihirap, nalinlang pa. Pagkatapos ng digmaan, ang ipinakita namang mga imahen ng medya ang mga Iraqing nagdiriwang sa napipintong pagbagsak ni Saddam sa pamamagitan ng pagpapatumba sa mga rebulto ng naturang tirano. Muli, mga imahen ng medya ang mga nabanggit, na hindi maituturing na kabuuang katotohanan. Sa gayon, maging ang mga tagatangkilik ng pangmundong medya, na kadalasan ay mga medyang kanluranin, ang nalilinlang sa paniniwalang lumaya na nga ang mga Iraqi.
Nasasa-kuwestiyon ang kahulugan ng kalayaan sa puntong ito, sapagkat ang ipinapakitang imahen ng malayang mga Iraqi ay ang siyang kawalan ng kaayusan sa Iraq – ang pagsira sa mga monumento at maging ang pagnanakaw sa mga museo ang ipinakita bilang pagdiriwang ng kalayaan.
Demokrasyang Ipinataw
Halata ang pagbabago-bago ng mga diumanong pakay ng US sa pakikidigma sa Iraq: mula sa pagpurga sa mga weapons of mass destruction, napunta ito sa pagbibigay ng isang demokratikong lipunan sa mga Iraqi. Dito rumurukrok ang maskara ng kawanggawa ni Bush. Hindi na lamang ito isang legalistikong pagpapatupad ng mga resolusyon ng UN: isa na itong pilantropiya para sa isang lipunang ilang dekada nang inapi. Sa kasalukuyang napatalsik na si Saddam, magkakaroon ang Iraq ng isang pamahalaang interim, na pinamumunuan ng isang pinunong ayon sa US. Sa panahon ng pagkakasulat ng artikulong ito, hindi pa nakakapagpasya ang US-UK kung sino ang nais nilang paupuin sa poder.
Kung tutuusin, hindi rin ang mga ‘pinalayang’ Iraqi ang pinapili ng kanilang pinuno. Dito rin nagsisimula ang pagpataw ng demorkasya sa kanila. Isa nga na naman ba itong benevolence sa bahagi ng mga Amerikano? Sa katunayan, higit na kapaki-pakinabang sa US ang isang demokrasya at pamunuang binuo nila at ayon sa kanila kaysa isang demokrasya ng mismong mga mamamayan ng Iraq. Sa mga kaugnay na artikulo sa bahaging ito, ipakikita ang mga posibleng ekonomiko at pulitikal na interes ng US sa sitwasyon: ang ukol sa langis, war economy, at pandaigdigang pulitika.
Muli, tunay nga bang demokrasya at kalayaang ipinataw ng panlabas na kapangyarihan?