Sanggu Elections
2003:
Pagtatangka sa Pagbabago
nina Aves Avecilla, Ruthy Corpuz, at Jacky Cortez
Ngayong taon, maraming mga pagbabago ang naganap sa hahahan sa Sanggunian, lalo na kung titingnan ito mula sa pinanggalingan nating halalan nang nakaraang taon. Kapansin-pansin ang pagkakaroon ng mga partido kaysa sa nakagawiang mga koalisyon. Nagkaroon ng mag susog ang electoral code upang higit raw itong maging mabisa. Nagbago rin ang proseso ng halalan ngayong iba na ang mga puno ng ComElec na kikilos ayon sa kanilang pagbibigay-kahulugan sa nasabing electoral code.
Partido vs. Koalisyon
Nagkaroon para sa halalang ito ng mga partido, hindi tulad sa mga nakalipas na taon na mga koalisyon ang binuo ng mga kandidato. Ayon sa sa Artikulo IV, Seksiyon 1 ng dating electoral code, “The ComElec may allow candidates to run in coalitions as it deems fit. Coalitions are temporary alliances for campaign purposes among candidates not under the same party. Nagsasama lamang para sa kampanya ang kandidato ng bawat koalisyon at hindi sa kung anong dahilan. Maaaring gumamit ng iisang plataporma ang mga kasapi ng koalisyon, subalit hindi sila maaaring magkaroon ng parehong pangalan, slogan, o logo. Maaaring mangampanya ang mga kasapi ng koalisyon para sa isa’t isa sa pamamagitan lamang ng oral endorsement subalit bawal silang maghati ng mga kagamitang-pangkampanya.
Sa kabilang panig, ayon naman sa Artikulo 3, Seksiyon 1 ng bagong electoral code, kinikilala ng ComElec ang pagbubuo ng mga partido pulitikal. Sa kasunod namang seksiyon nakasaad: An unlimited number of parties shall be allowed. A party may field candidates for the election. Inaasahan ang isang partido na magkaroon ng sarili nitong mga layunin, kwalipikasyon sa pagsapi at pamunuan, at delegasyon ng mga tungkulin - ilan sa mga kailangang ipasa at aprubahan ng ComElec at Office of Student Affairs bago bigyang akreditasyon. Ayon pa sa Artikulo III, Seksiyon 4 (c, iii) ng code, upang makilala ang isang partido, inaasahan ding magpasa sa mga nasabing lupon ng ‘list of the party’s activities for the past year and the present school year’. Bukod pa rito, maaaring maghati ang mga kasapi ng isang partido sa isang campaign materia.
Maraming nagsasabing higit na mainam ang sistemang partido. Ayon sa kandidatong si Moe Villamor (III-BS ME) sa pagka-pangulo, “Coalitions, for all the good they have contributed to the winning of pretty good Sanggunian officers through the years, were built for one reason – a larger possibility of winning.” Samantalang maibubuod naman daw ang bentahe ng sistemang partido sa isang salita: sustainability. “Political parties create a means by which Sanggunian batches can stretch their plans beyond a single year due to the fact that through parties, there is a larger possibility that the next Sanggunian can and will follow the plans of the past Sanggunian.” Gayumpaman, ayon rin sa kanya, malaking disbentahe raw ng sistemang partido ang pagiging ‘higit na pulitikal’ ng mga partido: maaaring maglaan ng mas malaking pagpapahalaga sa labanan ng mga partido kaysa sa mga pinaniniwalaan at ipinaglalaban nila, kapwa ng mga kandidato at pati na rin ng buong komunidad ng mag-aaral na siyang maghahalal sa mga kandidatong ito.
Ayon kay Donna Odra (III-BS ME), kumandidato at nagwaging Internal Vice President mula sa Partido Asul, masyado pang hilaw ang mga partido upang magkaroon ng malinaw at distinktong imahen, kaya naman hindi masasabing naging ‘pulitikal’ ang halalan.
Ayon naman sa kasalukuyang presidenteng si Patricia Gisbert, higit na madadalian ang mga estudyanteng magdesisyon kung sino ang iboboto, gayong iisa ang plataporma ng mga kandidato sa ilalim ng partido. Tila wala na ring saysay ngayon ang pagtakbo ng independents dahil dito.
Sa Asul, Sa Agila
Dalawang partido ang naglaban sa halalang ito: ang Partido Asul na pinamunuan ni Moe Villamor, at ang Partido Agila na si Steph Limuaco (III-AB DS) na tumakbo at nanalo bilang Pangulo.
Para sa una, ang pangmatagalang vision ng kanilang partido ay ang karaniwang ninanais ng kung anong Sanggunian, “To bring the student out to contribute in his/her best way to the betterment of the greater society (through) social responsiveness, involvement, awareness and preparation for future careers.” Gayunpaman, naiiba raw ang pamamaraan nila upang makamit ito, “Asul believes very much in systemization and institutionalization.”
Hindi rin naman nalalayo ang plataporma ng Partido Agila. Ipinagdidiinan nila ang tatlong bagay: Awareness – Knowlegde – Empowerment.
Ayon nga sa kanila, “Student empowerment has always been one of the main goals of the Sanggunian. Yet empowerment that our party envisions is not just that of being able to act freely as students.”
Marahil, hindi pa nga nakikita ang ganitong uri ng pulitikal na labanan sa pagitan ng mga partido. Kung tutuusin, hindi rin naman kasi malaki ang pagkakaiba sa pagitan ng mga ipinaglalaban ng bawat grupo. Kung sa bagay, iisa rin naman kasi ang mga isyung nais nilang tugunan. Sa paraang ito, hindi masasabing mas madali ang pagdedesisyon sa kung sino ang iboboto gayong tila pare-pareho ang mga nilalaman ng mga plataporma ng mga partido.
POSISYON | KANDIDATO | BILANG NG BOTO | %NG QUOTA |
Pangulo |
Steph Limuaco Michael Villamor Abstain |
1409 1180 760 |
54.54 |
External Vice-President |
Boinks Rivera Jenn Simons Abstain |
1487 941 911 |
51.18 |
Internal Vice-President |
Donna Mae Odra Osmond Ong Abstain |
1322 1013 906 |
57.57 |
Kalihim |
Chinnie Canivel Ramon Cualoping Abstain |
1493 929 899 |
57.80 |
Ingat-Yaman |
Shann Chan Ian Rentuza |
1240 990 |
48.01 |
Ang Bagong Electoral Code
Isa sa mga hakbang na ginawa ng Judicial Council noong nakaraang taon ay ang iatas sa COMELEC na pag-aralang mabuti ang lahat ng kaniyang polisiya at proseso, kaakibat ng pag-aaral sa Electoral Code at sa kanilang Code of Internal Procedures. Dahil dito, nagkaroon ng mga pagbabago sa code upang maiwasan na ang mga kalabuang nangyari nang nakalipas na halalan. Sa isang panayam kay Madeleine Dy (III-BS ME), Chairperson ng ComElec, sinabi niyang may tatlong pagbabagong ginawa rito.
Una ay ang pagtanggal sa moratorium period. Ayon sa Artikulo VI, Seksiyon 1 ng lumang code, nagtatakda ito ng panahon kung kailan hindi na maaaring magsagawa ng kahit na anong uri ng pangangampanya ang mga kandidato. Layunin nito na masigurong patas ang mga promosyong maisasagawa ng bawat panig. Sa lumang electoral code, nagsisimula ang moratorium period araw bago ang mismong eleksiyon hanggang sa huling araw ng botohan. Gawa ng pagbabagong ito, nagtatapos na ang Campaign Period sa huling araw ng eleksiyon. Isa ito sa mga naging kontrobersiyal na isyu sa nakalipas na halalan sapagkat itinuring na kagamitan sa pangangampanya ang mga political statements na lumabas dahil sa alitan ng isang kandidato at ng RegCom.
Isa pang pagbabago ayon kay Dy ay ang pagtanggal ng 10-meter rule. Ayon sa Artikulo VIII, Seksiyon 4 (d) ng lumang code, ‘Candidates must not stay within ten (10) meters of the voting area except when casting his/her vote’. Matatandaang noong nakalipas na taon, lumabas din ang balitang nakita raw ang isang kandidatong may dalang mga voting paraphernalia malapit sa voting center. Ayon kay Dy, hindi naman malinaw kung ano ang nais iwasan ng probisyon ito, at walang kuwenta ang 10-meter rule na ito kaya nila ito tinanggal. Gayunpaman, nang silipin ng Matanglawin ang bagong electoral code, naroon pa rin ang sinasabing probisyon
Panghuli, binago rin ang isa pang probisyon ukol sa sistemang partido, na siya namang nagpadali sa pagbubuo ng mga nasabing alyansa. Sa lumang code, ang patayguhit ng pagpasa ng aplikasyon para sa akreditasyon ng mga partido ay dalawang linggo bago ang unang araw ng filing of candidacy. Sa bagong code, ginawang tatlong araw sa halip na dalawang linggo, upang mapahaba ang panahon kung kailan maaaring magpasa ng aplikasyon ng akreditasyon ng partido. Sa paraang ito, higit na maraming oras ang mga kandidato upang magsimula ng kani-kaniyang grupo.
Matagumpay na Eleksiyon?
Noong Pebrero 22, 2003, lumabas ang opisyal na resulta ng halalan. Tingnan ang table para sa kabuuan ng mga resulta sa Top 5.
Kung ikukumpara sa eleksiyon noong nakaraang taon, masasabi nating higit na matagumpay ang hahalang ito: umabot sa 50% + 1 na quota ang marami sa mga posisyon.
Gayunpaman, hindi umabot sa quota ang plebisito. Kasabay ng pagboto para sa iba’t ibang posisyon sa Sanggunian at sa mga year councils ay ang plebisito ukol sa pag-amyenda ng konstitusyon ng Sanggunian. Ang mga pagbabago inihahain ang mga sumusunod:
1. Ang mga opisyal na lehislatibo mula sa mga year council kasama ang mga kumakatawan sa COA, AC, CERSA, at CEO ay magbubuo ng Student Congress na pamumunuhan ng Speaker of the House.
2. Ang Judicial Council ay mapapangalanang Student Court kung saan mas malawak ang kanilang sakop. Kasama na sa kanilang tungkulin ang paghuhusga sa mga kaso ng Sanggunian at ng iba’t-ibang organisasyon.
3. Ang mga departamento, konseho at mga opisyal na posisyon sa Sanggunian ay mas malinaw na mabibigyan ng depinisyon sa bagong konstitusyon.
Mabuti sanang magkaroon ng ganitong plebisito ngunit bakit kailangang sa pagboto ng ‘Oo’ sakop na nito ang lahat ng ninanais na amyendahan? Ayon kay Ella Chua ang kasalukuyang Second Year Batch President, ang mga pagbabagong ito ay kinakialangang magkakasama dahil kapag binago ang isa, natural na kailangang baguhin ang mga sumusunod. “They are all coinciding with one another. Kung papalitan mo yung nasa taas, kailagan mo rin palitan ang nasa baba. Kung baga, you have to take it as whole”aniya “walang bisa kapag tutol ka sa isa sa mga pagbabago dahil kakailanganin ding baguhin ang lahat ng mga ito kapag nabago ang kahit isa.”
* * *
Oo nga’t higit na maayos ang halalan: higit na malinaw ang mga proseso at matagumpay kung ibabase sa estadistikang kinakailangang makamit. Gayunpaman, lahat tayo’y nagtatanong kung sapat nga ba talagang ituring na matagumpay ang halalan? At sa gitna nito, kung ano nga ba talaga ang itinuturing na mabuting eleksiyon, maliban sa mga pagkamit sa kinakailangang porsiyento ng populasyon ng boboto. Nag-iisip ba ang Atenista sa kanyang paghahalal? Walang masyadong pagkakaiba ang mga kandidato, at kung kaya wala ring malinaw na dahilan kung bakit naitatakda sa posisyon ang mga nagwagi. Naniniwala pa ba siyang may magagawa ang kanyang nag-iisang boto?
Hindi lamang limitado sa eleksiyon ang pagsasaalang-alang dito. Sa huli’t huli kinakailangang tanungin, naniniwala pa ba ang mga estudyante na kailangan nila ang Sanggunian?