Kung May Baga Ka
ni Janice M. Payoyo
(may ulat ni Mon Sarmiento)
Bagamat kaila sa nakararami, hindi lamang para sa mga nagmamay-ari ng sasakyan ang Clean Air Act. Para ito sa lahat ng Pilipinong may karapatang lumanghap ng sariwang hangin na siyang nagbibigay sa atin ng buhay. Mahigit kumulang apat taon na ang nakalipas nang maipasa ang batas noong ika-23 Hunyo 1999. Mayroon o wala man tayong naaamoy na malinaw na pagbabago, mahalagang malaman nating lahat kung ano na ang nangyari sa batas na ito.
Baga ang lahat…
Dulot ng pangangailangan ng isang malawakang programa para sa pagsugpo ng polusyong hangin, nagpasa ng panukala ang Kongreso sa pamumuno ni Kinatawan Nereus Acosta (1st District, Bukidnon) na tutugon sa nasabing suliranin. Umabot ng mahigit kumulang na labindalawang taon ang talakayan ukol sa panukala na ito bago ito naisabatas noong 1999. Matagal na nabinbin ang panukala nito dahil sa kakulangan ng pansin na ibinibigay sa mga panukalang batas ukol sa kalikasan. Ngunit, upang maparating ang mensahe sa Kongreso, lumagda ang anim na milyong Pilipino sa isang petisyon upang magkaroon ng nasabing batas.
Layunin ng Clean Air Act na ito na maitaguyod at mapangalagaan ang ating kalikasan at ang likas-yaman nito upang makamtan natin ang sustainable development. Ayon sa batas na ito, tungkulin ng bawat mamamayan sa kanyang lugar na pangalagaan at panatilihin ang kalinisan ng kanyang kapaligiran. Sa pakikipag-ugnayan at pangangasiwa ng lokal na pamahalaan, inaasahan na mababawasan ang polusyon dahil inisyatibo na rin naman ng bawat Pilipino ang pangangalaga sa kalikasan.
Alinsunod dito, kinikilala ng estado ang prinsipyong “polluters must pay” na siyang nagbibigay ng responsibilidad sa mga indibidwal, industriya at iba pang mga partido na akuin ang halaga ng pinsalang naidulot nila sa kapaligiran.
Sa kabilang dako, binibigyan ng gawad ang mga mamamayan at industriya na tumutulong sa paglinis ng kapaligiran. Hinihingi rin ang tulong at regulasyong pansarili ng mga mamamayan at industriya sapagkat ang pokus ng batas na ito na iwasan ang pagdagdag sa polusyon sa halip ng pagkontrol sa lumalalang sitwasyon nito.
Upang magkaroon ng sapat na pondo ang nasabing kampanya, naglaan ng 750 milyong piso ang gobyerno para rito. Sa halagang ito, 300 milyong piso ang ilalaan para sa DENR, 200 milyon piso sa DTI, 150 milyong piso para sa DOTC, at 100 milyong piso sa DOE na pawing mga pangunahing kagawaran na magpapatupad ng naturang batas.
Kabilang sa mga probisyon nito ang pagbabawal sa incineration (sek. 20) o ang pagsusunog ng mga munisipal, biochemical, at hazardous wastes na siyang nagbubuga ng mga nakalalason at toxic wastes. Ang pagbabawal na ito ay maaring hindi tumukoy sa mga small-scale na pamamaraan tulad ng tradisyonal na pagsisiga. Sa kabila nito, maaaring ipalaganap ng pamahalaan ang paggamit ng incinerators na may mataas na antas ng teknolohiya para sa pagproseso ng mga basura, at biochemical at hazardous wastes sakaling mapatunayan na ito ay hindi nakasasama sa kapaligiran.
Hindi rin pinahihintulutang marehistro ang mga sasakyang inangkat o binuo sa bansa (locally assembled) hangga’t hindi ito umaayon sa itinakdang emission standards ng naturang batas (sek. 22). Kinakailangan munang magpasuri ang mga kotse 60 araw bago ito iparehistro. At dahil sa limitado ang kakayahan ng pamahalaan upang isagawa ito, hinihikayat na makipagtulungan ang pribadong sector sa pamamagitan ng akreditasyon ng ng pribadong emissions testing centers. Hindi rin maaaring ibenta muli at gamiting ang mga segunda manong sasakyang hindi umaayon sa emission standards (sek. 24)
Dulot ng pagsusulong ng seksyon 22, kamakailan ay ipinalabas ng MMDA ang Resolusyon 02-36 na nilagdaan ng lahat ng 17 na mayors ng mga lungsod at munisipyo ng Metro Manila. Ito ang dahilan kung bakit ipinatitigil ang pagbibigay ng prangkisa sa mga traysikel na two-stroke ang makina.
Ipinagbabawal din ang paninigarilyo sa loob ng mga kulob na pampublikong lugar tulad ng mga bulwagan, pribadong opisina at iba pang mga itinakdang lugar ng nasabing batas (sek 24). Kasama na rito ang mga pampublikong sasakyan tulad ng mga pampasaherong dyip at bus. Ngunit, ang nakasalalay ang pagpapatupad ng mga nasabing batas sa mga LGU ng mga lugar sa Pilipinas. Halimbawa, sa Davao, mahigpit ang pagpapatupad ang pagbabawal sa paninigarilyo sa mga pampublikong liwasan. Sa Metro Manila, iilang lugar lamang ang nagpapatupad nito.
Ayon sa nasabing batas, magkakaroon ng mga pamantayang itatakda ang DOE ukol sa pinahihintulutang dami ng additives sa lahat ng uri ng produktong petrolyo. Sa unang bahagi ng pagsasapatupad ng batas na ito, ipinagbawal noong taong 2001 ang pagbebenta ng gasolinang may nilalamang lead. Nabawasan din noong Enero 2003 nilalamang aromatics ng gasolina mula 45 bahagdan pababa sa 35 bahagdan at ang benzene na mula sa apat na bahagdan pababa sa dalawang bahagdan. At simula 2004, pinabababa ang nilalamang sulfur ng diesel mula 0.2 bahagdan pababa sa 0.04 bahagdan.
Maraming nagalak sa pagsasakatuparan ng Clean Air Act. Lalo na sa mga pangkat pangkalikasan dahil sa wakas, nagkaroon na ng malawakan at radikal na batas na naglalayong sugpuin ang lumalalang suliranin sa polusyon sa hangin. At sa pagkakataong ito, hindi lamang ang mga sasakyan at mga industriya ang kasama rito, kundi pati na rin ang iba’t ibang mga bahagi ng buhay ng bawat Pilipino.
Subalit, gaya ng mga radikal na pagbabago sa lipunan, unang hakbang lamang ang pagsasabatas nito. At kasunod nito ang pagpapatupad ng naturang batas sa kabila ng napakaraming mga suliranin at kontrobersya.
Nariyan ang hiling ng mga kumpanya ng mga produktong petrolyo na ipagpaliban ang pagpapatupad ng ikalawang bahagi ng Clean Air Act (sek.26). Mula sa itinakdang petsa ng implementasyon na Enero 2003, nais nilang iusog ito sa Disyembre 2004. Sa ikalawang pagbasa ng joint resolution noong Oktubre 2002, higit na mabuti raw na ipagpaliban ang pagpapatupad sapagkat mabibigyan ng pagkakataon ang mga kumpanyang makaangkop sa mga pagbabagong ito. Ayon pa sa mga kumpanya, nahihirapan din silang makakalap ng pondo para sa purification ng langis at dahil dito, maaring tumaas nang 0.80 hanggang 1.50 piso bawat litro sapagkat hindi karaniwang inilalako ang malinis na langis sa Asya.
Ayon sa Caltex, kakailanganin nila ng 150 milyong dolyar para sa pagsasaayos ng kanilang refinery. Ayon kay Nicholas Florio, pangulo ng nasabing kumpanya, ang ganito kalaking halaga ay hindi “economically justifiable”. Dahil dito, maaaring piliin ng kumpanya na mamuhunan sa mga bagong pasilidad o mag-angkat na lamang ng mga produktong umaayon sa naturang batas. Sa kasalukuyan, umaabot sa 72,000 na bariles ng langis bawat araw ang refinery ang Caltex sa San Pascual, Batangas. At kung lubusang aayon ang Caltex sa naturang batas, tinataya nila na dalawang piso ang itataas ng presyo ng bawat litro ng gasolina.
Sa kabila nito, may mga kuro-kuro na ginagamit lamang ng mga kumpanya ng langis ang Clean Air Act upang magkaroon sila ng dahilan upang itaas ang presyo ng kanilang mga produkto. Ayon sa pinagkaisang pahayag ng mga pangkat pangkalikasan, tatlong taon nang may bisa ang Clean Air Act. Sapat na ang panahong ibinigay sa kanila para makaangkop ang mga kumpanya.
Ngunit, matuloy man o hindi ang pagpapatupad ng Clean Air Act, tataas pa rin ang presyo ng langis dahil sa oil deregulation law. Ayon sa batas na ito, kayang magtaas ng presyo ang mga kumpanya ng langis kung tumaas ang presyo nito sa pandaigdigang merkado.
Ito ang dahilang kung bakit noong 12 Nobyembre 2002, sinuspindi ng Kongreso ang naturang joint resolution. At dahil rin dito, itinuloy ang nakatakdang pagpapatupad ng batas sa gasolina noong 1 Enero 2003.
Ukol naman sa pagpapatupad ng seksyon 20 na siyang nagbabawal sa paggamit ng mga incinerators, nariyan ang kontrobersya ukol sa iminungkahing proyekto para sa San Mateo. Sa mungkahing ito, nariyan ang kontratang inaalok sa pamahalaan ng Jancom, isang Australyanong kumpanya, na nagkakahalaga ng $350 milyon. Ukol dito, maraming kuro-kuro ang nagsilabasan sapagkat mula sa sampung dolyar para sa bawat toneladang basurang ipoproseso, naging $59 bawat tonelada na ang hinihingi ng kumpanya. At kung ganito kalaki ang ibabayad para sa 6,100 toneladang basura na galing araw-araw sa Metro Manila lamang, aabot sa humigit kumulang na 17 milyong piso ang gagastusin dito sa bawat araw.
Napakalaking halaga nito lalo na kung tinatayang 85 bahagdan lamang ito ng kabuuang dami ng basura ng Metro Manila. Ang tinatayang 15 bahagdan naman ay hindi nakokolekta at nakakalat sa mga kalsada at estero. Sa ganito kalaking halaga, kinakailangang magbayad ang bawat residente ng Metro Manila nang hindi bababa sa limampung piso bawat buwan o 600 piso bawat taon.
Dagdag pa sa kontrobersya na ito ang pag-amin ni Dating Pangulong Joseph Estrada na inalok siya ng 20 bahagdan na kickback ng naturang kumpanya sakaling pahintulutan niya ang kontratang ito. Ito rin ang kickback na inalok din kina Dating Pangulong Ramos at Pangulong Gloria Arroyo.
Noong 10 Abril 2002, nagpasya ang Korte Suprema na ligal ang naturang kontrata at hinintay na lamang ang pagpayag ni Pang. Arroyo. Makabagong teknolohiya raw ang incinerator na gagamitin at sinasabing ito ang pinakamabuting solusyon sa lumalalang problem sa basura.
Mariin namang tinutulan ito ng mga pangkat pangkalikasan. Ayon sa kanila, dapat matuto na ang Pilipinas sa kamalian ng mga bansang nauna na sa paggamit ng incinerators. Ayon sa mga pag-aaral, nagbubuga ang mga incinerators ng dioxin at furan na pawang nagdudulot ng kanser. Sa pagsusuri naman ng German Health Agency, napag-alaman na nagkakaroon ng mga bakas ng dioxin sa gatas na nagmumula sa mga nagpapasusong ina na nakatira sa mga lugar na malapit sa mga incinerators.
Sa kabutihang palad, ilang araw matapos lumabas ang pasya ng Korte Suprema, hindi nilagdaan ni Pangulong Arroyo ang kontrata. Napangalagaan nga ang ating hangin, subalit nanatili pa rin ang banta ng polusyon ng tambak- tambak na basura.
At higit sa lahat, nandyan ang protesta ng mga motorista sa emissions testing. Sa kabila ng diin na isuspindi ang emissions testing, nagpalabas ng utos si Pangulong Arroyo na ituloy ito sa pagpasok ng taong 2003 sapagkat nais daw niyang pagtuunan ng pansin ang paglilinis ng kapaligiran sa kanyang huling 18 na buwan ng panunungkulan. Isa sa mga pinakamaingay na nagprotesta ay ang mga may-ari ng tricycles na nagsagawa ng demonstrasyon na umabot pa hanggang sa Malacanang. Bunsod ito ng papapalabas ng MMDA Resolution no. 02-36. Dahil dito, maraming nangangambang mawalan ng kabuhayan sapagkat hangga’t hindi maging four-stroke ang kanilang makina, hindi sila papayagan panatilihin ang kanilang prankisa na karaniwan nilang ginagawa bawat tatlong taon.
Kabilang din sa mga reklamo ang mataas na singil para sa emissions testing. Dahil dito, nagkaroon ng negosasyon sa pagitan ng pamahalaan at ng mga drayber ng traysikel na sa halip na isagawa ang testing sa mga pribadong testing centers na sumisingil ng 300 piso, maari na lamang isagawa ang testing sa LTO na kung saan 90 piso na lang ang kanilang babayaran. Subalit, marami pa rin ang nagrereklamo at hinihiling na ibaba ito sa 40 piso.
Ayon kay Kinatawan Acosta, maliban sa pagtanggi ng mga drayber ipasailalim sa emissions testing ang kanilang mga sasakyan, malaki ang suliranin sa pagsasaayos mismo ng mga testing centers. Kabilang sa mga suliranin na ito ang laganap na korupsyon at ang kaguluhan ukol sa pamamaraan ng mga pribadong testing centers. Kaya sa kasalukuyan, wala pang malinaw na resulta ang pagpapatupad ng naturang probisyon ng Clean Air Act.
Dagdag pa rito, malaki rin ang problema ukol sa napakaraming bus at dyip na kolorum. Dahil sa hindi nakarehistro at hindi ligal ang mga prankisa ng mga sasakyang ito, nakalulusot sila sa emissions testing.
CAA mula sa dalawang perspektibo
Kung titingnan ang pagpapatupad ng naturang batas, masasabing may pagkilos na nagaganap. Naisusulong ang mga probisyon nito, kaya nga kabi-kabilaan ang mga protesta at debate ukol dito. Subalit, may sapat ba tayong dahilan upang makuntento sa mga kaganapang ito?
Ayon kay Kinatawan Acosta, maaring sagutin ito mula sa dalawang pananaw—mula sa kung saan tayo nagmula at mula sa kung ano ang ninanais nating makamtan. Kung titingnan ito mula sa kung saan tayo nagmula, masasabing tumaas na ang antas ng pagtataguyod ng ating kapaligiran. Dati, hindi gaanong binibigyang pansin ang mga isyu ukol sa ating kapaligiran at ito ang isa sa mga dahilan kung bakit umabot ng 12 taon bago naipasa ang naturang batas.
Sa kasalukuyan, nagiging isa na ito sa nagsisilbing konsiderasyon sa pagpapasa ng iba pang mga batas at sa pamamalakad ng pamahalaan. Madalas nang magsilbing kundisyon ang pagsusulong ng naturang batas sa pagpapautang ng mga institusyon tulad ng Asian Development Bank (ADB). Bunsod na rin ng mga inisyatibo, naging bahagi na rin ang pangangalaga ng kalikasan ng edukasyong pampubliko at pagpopondo sa mga proyekto ng pamahalaan na umaayon sa prinsipyo ng sustainable development.
Kung titignan naman ito sa pananaw ng kung ano ang nais nating makamtan, makikita ang mga mahahalagang naidulot ng naturang batas at ang mga pangunahing hadlang sa pagsusulong nito. Marahil, ang pinakamahalagang naidulot nito ay ang pag-ayon ng mga kumpanya ng langis sa iskedyul ng purification ng kanilang mga produkto. Subalit, sa kabila nito, nandiyan ang hindi pagpapatupad ng batas, kakulangan ng culture of compliance at korupsyon lalo na kung ang pag-uusapan ay ang emissions testing. Dahil dito, nananatiling isang “weak republic” ang Pilipinas. Hindi natin napapatibay ang mekanismo na siyang nagsusulong hindi lamang sa Clean Air Act, kundi sa anumang batas. Masyado kasi ring kumprehensibo ang batas. Kaya, hindi agad-agaran ang pagsasapatupad ng mga probisyon nito.
Maliban sa mga hadlang na ito, nandiyan din ang kahirapan na siyang nakaaapekto sa mga pagpapahalaga ng mga Pilipino. May sapat man o walang kakayahang pinansyal ang mga Pilipino na sumunod sa Clean Air Act, higit na madaling isipin ang matatamong kita kaysa sa pangangalaga sa kalikasan.
Dagdag ni Acosta, kulang na kulang ang pondo ng pamahalaan para sa pagpapatupad ng naturang batas. Napakalaki na kasi ng kakulangan sa badyet at ng utang ng Pilipinas. At sa hindi pa napapasang badyet para sa 2003, walang malinaw na halagang inilalaan para sa Clean Air Act. Nakalagay lamang ang kung magkano ang mapapapunta sa mga kagawaran at mula doon, kukunin ang mapapapunta sa pagpapatupad ng Clean Air Act. Kaya, sa kasalukuyan, umaasa na lamang tayo sa tulong pinansyal mula sa ADB at sa ilan pang tulong banyaga.
Ano ngayon?
Ang Metro Manila ang ikaapat sa may pinakamaruming hangin sa buong mundo. Maliban sa Metro Manila, mataas na rin ang antas ng polusyong panghangin sa mga urbanisadong mga lugar katulad ng Baguio at Iloilo. Kaya, araw-araw, tinatayang 2,000 na Pilipino ang namamatay dahil sa sakit sa baga. Dagdag dito, ayon sa pag-aaral ng Philippines’ College of Public Health, nagdudulot ang polusyong panghangin ng chronic obtrusive pulmonary diseases sa 32.5 na bahagdan ng mga tsuper at 14.8 na bahagdan ng mga namamasahe.
Batay sa mga istadistikong ito, masasabing higit na maliit ang halaga na kinakailangan sa pagsulong ng Clean Air Act kaysa sa halaga ng kalusugan at buhay na nawawala dahil sa polusyon. Ang 90 pisong ibinabayad sa emissions testing ay napakaliit kung ihahambing sa halagang maaaring ibayad sa ospital kapag nagkasakit sa baga.
Sa pagsasaalang-alang ng mga bagay na ito, panahon na upang pagtuunan ng pansin ang lumalalang kalagayan ng ating kalikasan sa kabila ng mabilis na pagsulong ng mga lumalagong ekonomiya ng mundo. Sa laki ng pinsala, napakahabang panahon ang kakailanganin upang ito ay maisaayos muli. At sa paglaki ng populasyon ng mundo, higit na hihirap ang gawaing ito.
Kung may baga ka, dapat may pakialam ka. Ang pagkikialam ay isinasagawa hindi lamang sa pamamagitan ng pagsunod sa mga batas na itinatakda. Ito ay isinasagawa sa pamamagitan ng pamumuhay nang simple, disiplinado at sa paraan na kaunti lamang ang epekto sa kalikasan (low impact).
MGA SANGGUNIAN:
Panayam kay Kinatawan Acosta, Marso 11, 2003
Mga Artikulo mula sa
Philippine Daily Inquirer,
Philippine Star at Manila Times
Incinerators and The Clean Air Act ni G. Sales at G. Orozco