1968-1982
Pilipinasyon sa Ateneo
ni Benjie Tolosa
Mahalaga ang taong 1968 para sa mga pagbabago sa Ateneo. Sa panahong ito nabigyang hugis
at nabigkas ang mga tinatagong tanong ng lipunan: Ano ang kalagayan ng bansa? Ano ang mga suliranin? paano tutugunan? At sa gitna ng ganitong pag iisip, hindi ligtas ang Ateneo sa mga hamon tungkol sa ginagawa niya bilang isang pamantasang Pilipino.Sa isang talumpati sa 1968 Jesuit Educational Association Convention, sinabi ni Dean Jeremias Montemayor ng Ateneo Law School:
"Naririto ang pinakamalaking suliranin ng Ateneo sa pagsisikap nitong humubog ng mga pinuno ngayon. Hindi nasasalamin ng Ateneo ang tunay na anyo ng mamamayang Pilipino at walang tunay na pagtangkang gawin ito. Hindi nito idiniriin sa mga mag-aaral ang pagnanansang hanapin ang mga ganitong anyo o imulat sila sa ganitong pangangailangan."
Hindi naman naglaon, ang mga mag-aaral na rin mismo ang nagpulong-pulong at sa pamamagitan nina Jose Luis Alcuaz, Gerardo Esguerra, Emmanuel Lacaba, Leonardo Montemayor, at Alfredo Salanga, inilabas nila ang kanilang mga paninindigan noong ika-27 ng Disyembre, 1968 sa The Guidon. Ang sinabing artikulo, na pinamagatang "Down from the Hill", ang tinaguriang pormal na simula ng Pilipinisasyon dahil sa malawakang bisang nilikha nito sa pamantasan.
Tinawag pansin ng manipesto ang malaking agwat na naghihiwalay sa iilang mayama’t makapangyarihan sa nakararaming Pilipinong naghihirap ang kawalang katarungan at pang-aaping dulot nito. Pinuna ng mga manunulat ang kawalang-kabuluhan ng edukasyong Ateneo dahil hindi ito sumasagot sa mga pangangailangan ng masang Pilipino. Ipinahiwatig nilang maaaring pinanatili’t ipinagtitibay pa nga ng Ateneo ang pang-aaping ito sapagkat maka-kanluran at elitista ang edukasyong binibigay nito.
Tatlong mahahalagang pagbabago ang hiningi ng manipesto: 1) ang paglipat ng pangangasiwa ng Ateneo sa mga Pilipino; 2) ang pagpalit ng oryentasyon ng kurikulum upang maharap ang pangangailangan ng sitwasyon ng Pilipinas; 3) at ang pagsusuri ng mga layunin, gawain, at balangkas ng mga samahan sa Ateneo upang higit na maisulong ang Pilipinisasyon.
Sa unang tingin, mabilis ang pagbabago. Nagkaroon ng mga pagpapalit ng mga rektor at dekano, pagtuturo ng ilang asignatura sa wikang Filipino, at pagbabago ng curriculum.
MGA MALALIM NA KAHULUGAN
Sa kabila ng mga lantarang pagbabago, marami pa ring nagpalagay na hindi talaga pinag-ukulan ng pansin ang higit na malalim na kahulugan ng Pilipinasasyon. Naitumbas lamang ang Pilipinisasyon sa pagpaparatang at pagpapaalis sa mga Amerikanong Heswita, sa paggamit ng wikang Filipino, sa pagpapalit ng mga pangalan ng mga gusali, sa mga symposium at manipesto.
Nailahad ang naturang hinaing ni Paul Dumol sa kanyang "Ang Kilusang Pilipinisasyon sa Kolehiyo ng Ateneo: Isang Dulang Dokumentaryo":
"Higit na nakatawag pansin ang mga bahagi tungkol sa mga Amerikanong Heswita. Mas "sensational" kasi ito. Tila nakalimutan ang higit na pinag-ukulan ng pansin ni Jeremias Montemayor ang kawalang saysay ng edukasyong Ateneo sa lipunang Pilipino ... kahit na ngayon tila nahihirapan ang Atenistang tumunghay sa mga bagay na nauukol sa kurikulum, pilosopiya ng edukasyon, ang wikang panturo at iba pang paksang kaugnay. Itong mga isyung katulad ng pagpapalayas sa mga Amerikano’y mas madaling masakyan; paano naman ang mga lalong mahalaga ngunit akademikong paksa? Iilang estudyante lamang ang tumunghay rito."
Inabot ang isyu ng Pilipinisasyon ng aktibismo noong 1970-72. Higit na uminit ang mga pagsasalita’t pagkilos. Kasinlakas din naman ang mga reaksyon. Naubusan ng tiyaga ang mga magaaral, guro at administrador sa isa’t isa. Nagkaroon ng mga demonstrasyon at boykot sa Ateneo. Sa loob ng pitong buwan, dalawang pangulo ng Sanggunian ang pinaalis ng pamantasan.
Sa kabila ng ganitong sitwasyon, hindi pa rin maikakaila ang mahahalagang sinabi ng mga pangyayari. Nanatili pa rin ang matibay na adhikain at simulain
ng Pilipinisasyon. Ayon kay Leonardo Montemayor, ang ugat ng kilusan ay ang pagiging "maka-Pilipino…ang pagtugon sa mga suliranin at pangangailangan ng higit na nakararaming Pilipino." Ngunit upang magawa ito kailangang baguhin ang oryentasyon ng pagtuturo sa mga Atenista tungo sa paglilingkod. At ayon sa editoryal ng Pandayan noong ika-25 ng Agosto, 1971 dito lamang maaaring masukat ang tagumpay ng kilusan: "kung makikitang nagsusumikap ang mga mag-aaral ng pamantasan upang pagkatapos ng kanilang pag-aaral ay paglilingkuran nila ang masang Pilipino."
Ngunit nakita rin na magagawa lamang ang pagbabago ng direksyon kapag gumawa ng hakbang ang mga mag-aaral na lumabas sa Ateneo, kapilingin ang mga mahihirap, at makibahagi. Wika ni Padre Ferriols:
"Mahilig tayong gumawa ng mga plano para sa mahihirap. Nalilimutan natin na upang makagawa tayo ng mga plano, kailangang kabahagi lamang tayo sa paggawa nito, kasama ang mahihirap. Nangangahulugan ito ng pagkilala sa kanila bilang tao, pagpapahalaga sa kanila bilang tao hanggang matuto tayo sa kanila, at kasama nila gawin at ipatupad ang mga plano."
ANG KARANASANG SARILIKHA
Noong Hulyo at Agosto ng 1972, nagkaroon ng malaking baha sa Gitnang Luzon. Naging daan ang ito upang magkaisa ang iba’t- ibang sektor ng Ateneo, upang bigyang tulong ang mga nasalanta.
Mahalaga ang pangyayaring ito, hindi lamang sa pagtugong nagmula sa buong pamantasan, kundi dahil nagbigyang buhay nito ang isang pangmatagalang paglilingkod sa tao sa pamamagitan ng Sarilikha. Itinatag ang samahang ito kaugnay ng institute of Human Development (SPES), isang social development agency sa Ateneo, noong ika-19 ng Agosto 1972,
Ang pagbubuo ng Sarilikha ay sagisag ng pagkamulat ng ilan sa kakulangan ng relief work, pati ng rehabilitasyon, bilang pagtugon. Kailangan ang patuloy na pagbuo ng mga komunidad upang makabangon sila’t umunlad – subalit hindi sa pamamagitan ng salapi, kundi sa sariling lakas at talino ng tao. Isang bagong karanasan ang Sarilikha para sa karaniwang Atenista, ayon kay Ging Quintos-Deles project-officer ng SPES-Sarilikha noon. Upang tunay na masangkot, kinailangan niyang iwan ang maginhawang mundo at linggu-linggong magtungo sa lalawigan – makinig sa mga taga-baryo at makiisang-damdamin. Isang pagpapalalim sa kahulugan ng Pilipinisasyon ang karanasang Sarilikha – hindi lamang sa salita, kundi sa gawa.
ANG EDUKASYON PARA SA KATARUNGAN
Sa isang talumpati sa ikasampung International Congress of Jesuit Alumni sa Espanya noong ika-31 ng Hulyo 1973, unang binigkas ni P. Pedro Arrupe, SJ, Padre-Heneral ng Kapisanan ni Hesus ang ngayong bantog na pangungusap: "Kailangang maging pangunahing layunin natin sa edukasyon ang paghubog ng mga tao-para-sa-kapwa." Inamin niya ang kakulangan ng tradisyunal na edukasyong Heswita sa larangan ng edukasyon para sa katarungan. Idiniin niya ang paghubog ng mga taong hindi ipaghihiwalay ang pagmamahal sa Diyos sa pagmamahal sa kapwa.
Ganitong uring pag-iisip din ang nagsisimulang magkaugat sa Ateneo - sa pamamagitan ng bagong dekano ng kolehiyo na si P. Bienvenido Nebres, SJ at sa ilang mga mag-aaral at guro na kung kanino sariwa pa ang kilusang Pilipinisasyon.
Ipinagtibay ni Padre Nebres noong Setyembre, 1974 na ang "Paglilingkod sa Bayan" ang pangunahing layunin ng Ateneo kaya’t nangangailangan ng paglikha ng mga nararapat na balangkas upang maisakatuparan ang layunin.
Itinatag ang Kagawaran ng Pilipino noong Disyembre, 1974 at sinimulang ituro ang wika sa lahat ng mga klase sa unang taon. Sinalubong ang Bagong Taon sa Linggo ng Pilipinisasyon noong Enero 20-24, 1975. Nagkaroon ng programang Alay Kapwa noong Pebrero at Marso. At noong Abril 1975, itinatag ang Office for Social Concern and Involvement (OSCI). Sa pamamahala ng OSCI, nagkaroon ng mga seminar para sa mga pinuno ng iba’t ibang samahan sa Ateneo upang mamulat ang mga mag-aaral sa mga suliranin ng bansa. Hindi nagtagal at sinimulan na rin ang tinatawag ngayong immersion at workcamp programs.
Ayon kay P. Noel Vasquez, SJ, direktor ng OSCI at tagapamahala ng Sarilikha, "Ito ang pinakapuso ng Pilipinisasyon - ang paghahandog ng sarili sa bayan, ang paghahandog ng sarili sa kapwa." Bahagi ang Pilipinisasyon ng isang habambuhay na bokasyon ng paglilingkod sa kapwa, isang bokasyong nangangailangan ng tulong ng isang komunidad, at higit sa lahat - ng patnubay ng Panginoon.