
ni Mike Pante
Sa mapayapang
pagwawakas ng kaguluhang dala ng bantang kudeta noong ika-27 ng Hulyo sa
Lungsod ng Makati, tila isa itong tagumpay para sa ating pamahalaan.
Isang pagwawagi nga ng demokrasya ayon sa ating pangulo. Subalit kung
mayroong mang naidulot ang naturang kaguluhan, ito ang pagkakalantad ng
kawalan ng demokrasya sa ating bansa.
Atin sanang balikan ang
mga dahilan sa likod ng mga pangyayari. Ayon kay Ltsg. Antonio Trillanes,
ang tumayong pinuno ng Magdalo Group, dala ng kanilang pagnanais na
makamit ang katarungan kaya nila nagawa ito. Hindi na raw niya makayanan,
sampu ng iba pa niyang kasama, ang tila pagtrato ng pamahalaan sa mga
sundalo nito bilang mga sakripisyong tupa sa mga digmaan sa Mindanao.
Ang masakit pa nito, ang pamahalaan pa raw mismo ang sanhi ng kawalan ng
katapusan sa mga kaguluhang ito.

Mula sa Bulatlat.com
Nagbebenta diumano ang
pamahalaan ng mga bala sa MILF kaya raw hindi matapos-tapos ang digmaan.
Bukod dito, iba pang bintang ang ibinato ng Magdalo Group. Kasama rito
ang pag-utos ni Kalihim Angelo Reyes sa mga pagbobomba sa Davao.
Bagaman at pawang mga
paratang lamang, hindi maisasantabi ang maaaring katotohanan sa likod ng
mga sinabi ni Trillanes. Hindi na bago ang mga kuwento ng sabwatan sa
pagitan ng pamahalaan at ng mga grupong nais nitong tugisin. Nariyan ang
mga pagbubunyag nina Padre Nacorda at Gracia Burnham. Kung tutuusin,
kung nais ng pamahalaang manatili ang mga tropang Amerikano sa ating
bansa, higit itong mapagtitibay kung patuloy ang pag-iral ng kaguluhan
sa Mindanao.
Kung ganitong hindi na
natin malaman kung sino kaaway pa ba o kakampi ang ating pamahalaan,
demokrasya pa kayang matatawag ang sistemang ginagalawan? Nararapat
lamang na maimbistighan ang mga alegasyon.
Kawalan din ng
demokrasya ang makikita sa likod ng pamamaraan ng Magdalo Group upang
maiparating ang kanilang hinanaing. Nang tinanong si Trillanes kung nais
niyang magkaroon ng dayalogo sa pamahalaan sa halip na humantong sa
karahasan, tila mapanuya ang kanyang tugon. Ano pa nga bang paraan ang
nalalabi para sa kanila kung ang institusyong inaakusahan ang kanilang
tanging pagsusumbungan?
Subalit kung isang
dakilang adhikain nga ang isunusulong ng grupo, nabahiran pa rin ito ng
mantsa ng pansariling interes. Ayon sa kanila, ang National Recovery
Program ang solusyon sa mga suliraning kanilang naiparating. Alam naman
nating naka-ugnay kay Sendaor Gringo Honasan ang nasabing programa,
bagaman at itinatanggi niyang mayroong siyang kinalaman sa bantang
kudeta.
Hindi pa natin masasabi
ang papel ni Sen. Honasan ngunit mahirap isiping walang maimpulwensiyang
tao sa likod ng pangyayari. Si Honasan man ito o hindi, batay sa hiningi
ng Magdalo Group na pagbibitiw ni Pangulong Arroyo pababa hanggang sa
mga heneral, makikita na kapangyarihan ang habol ng lahat ng ito. Mabuti
ang hangarin ng grupo sa kanilang pagnanais ng katarungan ngunit
nagagamit ito upang maiusad ang iba pang interes na hindi na umiinog sa
anumang aspeto ng sinasabi nilang katarungan.
Hindi para papurihan
ang mga rebeldeng sundalo ang lahat ng ito. Hindi dapat kalimutang
lalong walang katarungan o demokrasya sa pagkuha ng iilang tao sa
kapangyarihan. Ang kabaligtaran ang tangi nitong nakakamit; sa madaling
sabi, diktadurya.
Hindi demokrasya ang
paghahari-harian ng iilan. Hindi rin demokrasya ang paggamit sa ibang
tao para sa pansariling kapakanan. Hindi demokrasya ang pananakot upang
maglabas ng hinanaing. At lalong hindi demokrasya ang kawalan ng
masasabihan ng hinanaing sapagkat iisa ang sumbungan at ang inaakusahan.
Kung mayroong nagwagi
sa lahat ng ito, hindi ito ang demokrasya.
