
ni Jumie
Cruz
Taong 2000 nang
marinig natin ang pangalang Jose Velarde. Ito diumano ang alyas ng
dating Pangulong Joseph Estrada. Sa ilalim din daw ng pangalang ito
nakadeposito ang perang umaabot sa 3.2 bilyong piso. Ngayon, taong 2003,
panibagong pangalan na naman ang ating naririnig - Jose Pidal. Nauulit
nga
lamang ba ang kasaysayan? Sino si Jose Pidal?
Ika-18 nitong
Agosto nang isinambulat ni Senador Panfilo Lacson ang mga dokumento ukol
sa katauhan niya. Ayon sa kanya, iisa lamang si Unang Ginoo Mike Arroyo
at ang kontrobersiyal na si Jose Pidal. Ang pangalang ito umano ang
ginagamit na alyas ni Arroyo. Katulad ng kaso ni Jose Velarde,
nakadeposito rin daw sa pangalan ni Jose Pidal ang salaping umaabot
naman sa 36 milyong piso. Batay sa mga pahayag ng senador, nagmula ang
pera sa mga kontribusyong nakalap ng Pangulo at ng Unang Ginoo para sa
pangangampanya ng nauna noong tumakbo ito sa pagka-Pangalawang Pangulo.
Sinasabi rin ni Lacson na sa 321 milyong pisong nakalap, 50.2 milyong
piso lamang ang idineklara sa Commission on Elections.
Ayon pa kay Lacson, hindi lamang sa ilalim ng pangalang ito nakadeposito
ang pera ng Unang Ginoo na umaabot sa humigit kumulang 110 milyong piso.
Tinatayang 48.4 milyong piso ang nasa Lualhati Foundation na pag-aari ng
mga Arroyo; 19.3 milyong piso ang nasa ilalim ng kalihim ni Arroyo na si
Victoria Toh; 21.1 milyong piso ang sa ilalim ni Kelvin Tan, bayaw ni
Toh; at 7.5 milyong piso naman ang sa kapatid ni Toh na si Thomas. At
upang mapatingkad pa ang paralelismo sa kaso ng dating Pangulong
Estrada, isang lagda rin ang ginamit na patunay ng senador. Malinaw na
makikita, ayon kay Lacson, ang pagkakapareho ng lagda ng Unang Ginoo at
ni Jose Pidal. Gayumpaman, ayon sa pagsusuri ng Philippine National
Police (PNP), magkaiba ang nasabing mga lagda. Pitong pagkakaiba ang
pinuna ni Dr. Mely Sorra, chief examiner ng PNP Crime Laboratory.
Hindi raw kagulat-gulat ang nasabing resulta, ani Lacson sapagkat mga
“tauhan” ng pangulo ang mga nagtatrabaho sa PNP. Dahil dito, inihayag
niyang higit na makabubuti kung isang independent na dalubhasa ang
magsusuri upang makasigurong walang anumang pagkiling.
Kay raming pagkakatulad. Pareho ang mailing address ng Unang Ginoo at ni
Jose Pidal. Parehong ang ikawalong palapag ng LTA Building sa 118
Perea Street sa Legaspi Village ang ginagamit ng dalawa. Pareho rin ang
tagapayo sa pananalapi ng dalawa, si Ronald Gin ng Morgan Stanley. Higit
sa lahat, mayroon ding saksing isang talampakan lamang ang layo. Hindi
malilimutan ng mga Pilipino ang pahayag ni Clarissa Ocampo noong
Impeachment Trial, “I was one foot away, your honor.” Dalawa ang
itinuturing na “star” witness ni Lacson. Isa rito si Eugenio “Udong”
Mahusay Jr., dating mensahero ni Mike Arroyo at inaanak sa kasal ng
mag-asawang Arroyo. Sa isang press conference, sinabi ni Mahusay na
nasaksihan niya ang pagpirma
ni G. Arroyo ng pangalang Jose Pidal sa mga tseke. Ayon kay Lacson,
“This witness was…only a foot away when he first saw the First Gentleman
signing Jose Pidal on checks.”
Ngunit nasa kamay
na ng pamahalaan si Mahusay. Naniniwala si Lacson na isang pakikialam
ang ginawa ng administrasyon ngunit iginigiit naman ng huli na sariling
desisyon ni Mahusay ang nangyari. Mula raw sa Tagaytay, tinawagan niya
ang kanyang kapatid upang sunduin siya. Dalawang buwan siyang nawalay sa
kanyang pamilya kung kaya’t nais na niyang makapiling ang mga ito.
Sa kabila nito, naniniwala pa rin si Lacson sa potensyal ng kaso.
Aniya, marami siyang dokumentong maaaring magsilbing pruweba, bumaligtad
man sa naunang pahayag ang kanyang star witness.
Ipinahayag na ni Lacson ang kanyang pagtakbo sa susunod na halalan.
Maugong pa rin ang usap-usapang tatakbo ulit ang pangulo. Ayon sa
pahayag ni Presidential Spokesperson Ignacio Bunye, isang paraan lamang
ang lahat ng ito upang mapahina ang administrasyong Arroyo.
Wala pa namang napatutunayang paratang laban sa mga Arroyo, subalit
batay sa mga pangyayari, ang katauhan ng Pilipino ang napatutunayang may
sala sa krimen ng kamangmangan. Tinatanong ang Pilipino, “Ganoon na ba
katanga ang tingin ng mga may kapangyarihan sa iyo, na maloloko ka sa
ikalawang pagkakataon sa parehong paraan?” Sa isang banda, tinatanong pa
rin siya, “Ganoon na ba katanga ang tingin ng mga may kapangyarihan sa
iyo, na maloloko ka nila sa pamamagitan ng mga bintang na ginagamit
upang mapabango ang kanilang pangalang isasali sa halalan?”
Tila hindi pa rin natin maalis ang masaklap na pagtinging hindi na
matatapos at malulutas ang katiwalian sa bansa. Para sa atin, tila
walang mabuti sa kalayaan; bigyan mo ang tao ng kapangyarihan at gagawa
ito ng masama. Para sa atin, tila walang mabuti sa demokrasya; bigyan mo
ang tao ng balota at boboto ito nang/ng masama.
Tunay ngang nauulit lamang ang kasaysayan. Ngunit magpapadala na lamang
ba tayo sa katotohanang ito? Hindi ba natin lalabanan ang mabahong
sistema ng lipunan? Hanggang kailan tayo magiging tanga? Hanggang kailan
tayo gagawing tanga? Hanggang kailan ba magpapatalo si Juan sa dalawang
Jose?