
ni
Mike Pante
Noong
ika-15 ng buwang ito, sa isang piging sa Calapan, Oriental Mindoro,
pinagsabihan ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo si Tina Panganiban-Perez,
isang reporter ng GMA-7. Nagalit ang pangulo dahil sa panayam ni
Panganiban-Perez kay Senador Gregorio Honasan, ang pinaghihinalaang utak
sa likod ng Makati Mutiny, habang hindi pa inaalis ang State of
Rebellion. Ayon sa pangulo, katumbas ito ng pagtulong sa rebelyon.
Makalipas ang ilang araw, nagyakapan ang dalawa at binigyan pa ng
Malacanang si Panganiban-Perez ng isang pumpong rosas. Tila nagkabati na
ang dalawa, sakaling mang may alitang namuo.
Magkabati man sila o hindi – hanggang doon na lang ba iyon?
Pagputok ng balita ukol sa nangyari sa naturang piging, naglabasan din
ang mga hinalang nagsisimula na ang administrasyon na matyagan ang kilos
ng midya. Agad naman itong itinanggi ng Malacanang, at sinabing hindi
rin naman maaaring palagpasin ang ginawa ni Panganiban-Perez sa ngalan
ng “national security.”
Kung
anumang uri ng siguridad ang kailangang pangalagaan pa ng pamahalaan, sa
kabila ng mga lumalaking patunay na ito ang pinakamalaking tangka sa
ating kaligtasan, hindi ito sapat upang kitilin ang tungkulin ng isang
mamamahayag na mag-ulat ng katotohanan, o pahiyain man lamang siya sa
harap ng ibang tao. Kung anumang uri ito ng siguridad, sa paanong paraan
naman ito mayuyurakan ng isang panayam?
Tungkulin ng isang mamamahayag na maipahatid ang katotohanan. Tungkulin
niyang maging daan para sa pagpapahayag ng bawat tao ng kanilang pananaw,
kontra man o para sa administrasyon. Mga tungkulin ito ng mamamahayag sa
bayan at hindi sa iisang tao lamang, siya man ang pinakamataas na
opisyal ng pamahalaan.
Kung
mayroon mang dapat ginawa ang pangulo, ito ang pagpuri kay Panganiban-Perez
sa kanyang pagsisikap at pagtatagumpay na mahagilap ang isang taong
hindi mahanap-hanap ng pamahalaan.
Sabihin
na nating nakapanayam nga ni Panganiban-Perez si Honasan habang umiiral
pa ang State of Rebellion (kahit na iginiit ng nauna na naganap ang
panayam noong ika-12 ng Agosto, isang araw matapos matanggal ang State
of Rebellion). Masasabi ba nating pagtulong din sa terorismo ang
pakikipanayam sa Abu Sayyaf? Noong termino ni dating Pangulong Aquino na
ginulantang ng ilang kudeta, wala naman siyang pinagalitan nang mayroong
nakipanayam sa mga sundalong tumiwalag.
Hindi
man aminin ng Malacanang subalit lalo lamang tumitindi ang mga hinalang
balak nitong magkaroon ng matinding hawak sa midya. Sa harap ng
kabi-kabilang bintang ng katiwalian mula sa grupo ng Magdalo at sa
kasalukuyan, mula kay Sen. Panfilo Lacson, malalaking hakbang ang
kailangan gawin ng palsayo nang mapangalagaan ang anumang dangal na
nalalabi sa pangalan nito.
Alalahanin sana nating agad ding pinahuli ang punong-patnugot ng Daily
Tribune, isang pahayagang kilala sa pagiging kritiko ng administrasyon,
matapos ibaba ng pangulo ang State of Rebellion. Bagaman at walang
kinalaman sa naganap na Mutiny, hindi rin maiisantabi ang ilan pang
pagdukot, pagbabanta, at pagpatay sa ilang mamamahayag sa iba’t ibang
rehiyon.
Kung
ang pagsikil sa kalayaan ng pamamahayag ang konsepto ng pamahalaan sa
ibinabandera nitong Matatag na Republika, ano pang republika ang
mapamumunuan nito? Isang bansa ng mga tuod; walang tinig at lubhang
matatag – matatag upang hindi umimik kahit na upuan ng sinuman. O
marahil isang bansa ng mga lorong madaling turuan upang magwika ng mga
salitang kaaya-aya sa kanyang amo.
