
ni Mike Pante
Ngayong buwan ng Agosto,
ipinagdiriwang natin ang Buwan ng Wika. Ito ang panahon kung kailan
nagkakaroon ng iba’t ibang gawain sa mga paaralan: balagtasan, pagsusuot
ng pambansang kasuotan, at salu-salong namumutiktik sa pagkaing
Pilipino. Ito ang panahon kung kailan, nakakakita tayo ng iilang opisyal
ng pamahalaan na nakasuot ng Barong Tagalog sa halip na Amerikana. Ito
ang panahon kung kailan sinusubukan nating maging matatas sa paggamit ng
ating wika, tanda ng pakikiisa sa pagdiriwang.
Tuwing Agosto, ganito ang
ating napapansin. Tuwing Agosto, bumabalik tayo sa ating pagiging
Pilipino. Kung gayon nga, hindi ba parang lumalabas na sa natitirang
labing-isang buwan ng taon, hindi tayo mga Pilipino?
Inilalaan anumang
pagdiriwang sa mga pangyayaring minsan lang kung dumating sa ating buhay.
Nariyan ang mga pagdiriwang dahil sa panahon ng pag-aani, kapanganakan
ng isang mahalagang tao, o tagumpay ng isang rebolusyon. Kung gayon nga,
hindi rin ba lumalabas na minsan lang tayo magbihis, magsalita, at
maging malay bilang mga Pilipino?
Nakakatawa (o marahil,
nakakahiya) ang ganitong kalagayan. Naglalaan tayo ng isang natatanging
buwan para ipagdiwang ang ating pagiging tayo. Para bang kamangha-mangha
at isang malaking bagay para sa isang ibon ang makalipad, sa isang isda
ang makalangoy, sa isang Pilipino ang maging Pilipino.
Kung ganitong tuwing
Agosto lang tayo nagiging mga Pilipino, sinu-sino tayo bago at
pagkatapos ng buwang ito?
Ang ilan sa atin,
nananatili na lamang sa pagiging mga Ilokano, Cebuano, Muslim, Tagalog,
Manileño, at kung anu-ano pang kasapiang nakabatay sa kultura, wika, o
heograpiya. Wala namang masama sa pagkilala sa katutubong ugat ng
sinuman. Nararapat pa ngang ipagmalaki ito subalit, dapat ding
kilalaning mayroong isang hiblang nagbubuklod sa ating mga mamamayan ng
Luzon, Visayas, at Mindanao. At ito ang pagiging Pilipino nating lahat.
May ilan ding humihinto sa
pagiging kasapi nila ng Simbahang Katoliko, Islam, Iglesia ni Cristo, o
El Shaddai. Muli, walang masama sa pag-anib sa isang partikular na
relihiyon o pagsunod sa pananampalataya, basta’t hindi ito nakasisira sa
pagkakaisa ng bayan.
Marami-rami naman ang nag-aanyong
Amerikano, kahit na nga buwan pa ng Agosto. Sa kanilang pananalita,
bihis, at kamalayan, minsan nais mong itanong kung hindi nagsisisi ang
ating mga bayani at nagbuwis pa sila ng buhay para sa bayan. Hindi rin
tama ang magalit nang walang dahilan at kapararakan sa Estados Unidos o
anupamang bansa, subalit lalong hindi tama ang pagtalikod sa tahanan ng
ating lahi na siyang kumukupkop sa mamamayan nito – pati na sa
“malalansang isda.”
Subalit ang karamihan sa
atin, hindi na talaga nabibigyan ng pagkakataong maging mga Pilipino
kahit pa sa pagsapit ng buwan ng wika. Sila ang ating mga magsasaka,
mangingisda, at manggagawa. Sila ang mga batang kalye, taong-grasa, at
katutubo. Sila ang mga hindi makalasap ng mga karapatang nararapat
tamasahin ng bawat Pilipino. Sila ang mga naghihirap na tinutumbasan ng
kakarampot na sahod. Sila ang mga pinalalayas dahil sa kanilang
madudungis at “primitibong” anyo. Sila ang mga hindi makapag-aral dahil
sa taas ng matrikula.
Nakakatawa at talagang
kahiya-hiyang isiping kung sino pa ang mga karapat-dapat tawaging
Pilipino, sila pa itong hindi gumiginhawa sa bansang tinatawag nating
Pilipinas.
Marahil, ayos lang siguro.
Minsan lang naman natin naiisip ito, tulad ng ating pagiging Pilipino.
